Nursing Blog and Forum

A Day in the Life of a Nurse, Career Insights, COMMENTARIES, Community, EMPLOYMENT, Nursing in a Different Land, Personal Stories, STORIES, Working Conditions

I SURVIVED!!!!


Photo credit: http://globalnation.inquirer.net

Sa totoo lang, ayaw ko naman mag-abroad eh, wala naman sa plano ko yan ang mangibang bansa. Kaso kelangang umalis, dahil ito lang ang nakitang kong oportunidad na hindi ko nakita sa sarili nating bansa.

Syempre hindi na bago sa inyo ang buhay at storya ng mga nurse sa abroad, pero gusto ko lang i-share ang experience at istorya ko sa pagta-trabaho sa ibayong dagat.

Masaya ako nung una na for the 1st time na maranasan ko na ma-hired, sa wakas makakapagtrabaho na ako, hindi na ako magvovolunteer, kikita na ako ng pera. Pero may lungkot pa rin kasi kailangan ko pang lumayo sa pamilya ko para lamang magkaroon ng work. Halo-halo ang nasa isip ko, ano kaya ang magiging buhay ko sa ibang bansa? Magiging successful ba ang career ko dun? Sino-sino kaya ang mga taong makakasama ko sa trabaho? Ano kaya ang mga ugali nila? Pa’no ko kaya sila pakikisamahan? At makakapag-adjust kaya agad ako sa bansang pagtatrabahuan ko?

Sa Saudi ang una kong experience sa abroad. Sa Departure Area pa lang, pinipigilan ko nang umiyak kasi ayaw ko na makita ako ng pamilya ko na nalulungkot ako, sobrang bigat sa pakiramdam pero pilit kong nilalakasan ang loob ko. At nung sasakay na ako sa eroplano sabi ko na lang sa sarili ko, “Lord, kayo na po ang bahala sa ‘kin at sa pamilyang maiiwan ko”.

Pagdating ko sa Saudi, dun pa lang sa arrival area, parang gusto kong bumalik ng Pilipinas, kalalapag pa lang ng eroplano pero sobrang homesickness agad ang naramdaman ko, tapos na-culture shock agad ako.

Pagdating ko dun sa accommodation namin, nagpahinga na ako agad. At na-meet ko yung unang ka-room mate ko. Mabait sya sa umpisa, lagi syang concerned sa aming mga katrabaho nya, pero di kalaunan, masama pala ang ugali nya. Naturingan pa naman syang Head Nurse na dapat sya ang magiging halimbawa at mag-ga-guide sa mga subordinates nya, pero yung ugali nya, para syang batang laging inaagawan ng kendi, masyado syang makasarili. Tapos puro masasakit na salita ang binibitiwan nya sa akin, kahit pinakikisamahan ko na nga sya ng maayos, kahit pinagtitimpihan ko na lang ang ugali nya, pero useless pa rin. Pero, doon ko napagtanto na may diperensya sya sa pag-iisip. Sino ba namang matinong tao ang matutulog na may kutsilyo sa ilalim ng unan nya, grabe nakakatakot baka mapatay pa ‘ko nito. Ayos lang naman sa ‘kin na espesyal ang kalagayan nya, naiintindihan ko naman ang mga taong may kakulangan sa pag-iisip, hindi ko naman sila hinuhusgahan, masama lang talaga ang ugali ng taong ‘to. Pero salamat na lang din dahil sya mismo ang nagkusa na lumipat sa ibang kwarto na dapat sana ako ang gagawa nun.

May isa pang papansin, napaka-PINTASERO. Sobra din ang taong ‘to kung mangutya sa ‘kin, halos insultuhin na nya ang buong pagkatao ko. Kung mamintas sya, akala naman nya napakagwapo nya, eh ang swanget naman nya, panget na nga, panget pa ang ugali. Tapos pakialamero pa, mahilig syang manghimasok sa buhay ng may buhay, lalo na sa buhay ko, ultimo nga mga text sa cellphone ko, binabasa nya, tapos kung anu-ano pa ang mga tsini-tsismis sa mga kasama nya tungkol sa ‘kin, eh sa totoo lang duwag sya, kasi ang mga pinagti-tripan nya eh yung mga tipong katulad ko na tahimik at di kumikibo, na kahit iniinsulto, nananahimik na lang.

Meron pang isang papansin, ang ugali naman nya, matindi rin, mas grabe ‘to. Talagang sigang-siga ang kilos nya. Arogante, impokrito, walang respeto sa kapwa, kung baga sya yung tipong mapang-api, at gustong-gusto nya na kinakatakutan sya, at masaya sya pag-may inaapakan syang tao. Mahilig din syang manira ng ibang tao, pero duwag din yun, dahil ang binu-bully nya yung katulad ko rin na tahimik lang at hindi kumikibo, at isa din ako sa mga pinag-ti-tripan nya. Pero hindi na rin ako nakatiis sa ugali nya, at talagang nakipag-away na ‘ko. Yun ang kauna-unahan kong naranasan na nakipag-away ako sa buong buhay ko. Dahil ever since hindi ako nakikipag-away. Pero ganun pa man, may isang bagay akong natutunan, yun ang ipagtanggol ang aking sarili laban sa mga nang-aapi sa akin.

May iba pa ring papansin dun sa previous company ko, mga hindi marunong makipag-kapwa-tao, pero hindi ko na lahat babanggitin, baka abutin pa tayo ng syam-syam. Basta ang masasabi ko sa dati kong kumpanya, yun ang WORST na napuntahan ko. Doon sa accommodation ko, wala  kang PRIVACY, paano naman may bigla na lang papasok sa kwarto mo. Yung iba, mga walang moral etiquette, hindi man lang marunong kumatok sa pintuan at basta-basta na lang papasok sa kwarto mo. Sa Hospital naman, sipsipan sa Admin, uso rin ang favoritism, tapos ‘pag hindi mo pa katropa ang mga bisor, kawawa ka, kahit isubsob mo ang sarili mo sa trabaho, hindi pa rin nila ma-aappreciate yun. Kaya nga wala akong maramdamang PEACE OF MIND ever since na nagtrabaho ako dun. Kaya, hindi na ako nakatiis, and finally, nag- file na ‘ko ng resignation. Tapos nung bisperas bago ako umuwi ng Pilipinas, ininsulto pa ako ng isa sa mga papansin dun, hinamak nya talaga ang pagkatao ko. Kung baga nilubos-lubos na nya ang pangungutya sa akin, kasi hindi na nya ako makikita at wala na syang bu-bully-hin. Pero hindi ko na sya pinatulan, sabi ko na lang sa isip ko, “Bahala na ang Diyos sa inyo”.

Minsan nga, naisip ko, na bakit lahat ng ito eh naranasan ko, wala naman akong ginagawang masama pero bakit ganun, bakit kelangang maging miserable ang buhay ko dun. Ewan ko ba kung papano ko natiis na tumagal sa kumpanyang yun, pero pasalamat pa rin ako kasi I SURVIVED!!!!

Ganun pa man, may maganda pa rin namang nangyari sa akin sa pagwo-work ko dun. Nagkaroon ako ng tunay na kaibigan.Yung tipong mahihingian mo ng tulong ‘pag may problema ka, basta sobrang bait nya, ilang beses na akong natulungan ng taong ‘to, kaya kahit may mga epal, thankful na rin ako kasi may na-meet ako na totoong kaibigan. Sya nga yung naging sandalan ko para makatagal ako sa ibang bwisit na epal dun. Saka hindi naman lahat ng naging kasama ko dun, masasama, may mga mababait din, marami rin akong naging kaibigan, hindi lang Pilipino, pati na rin ang ibang lahi. Doon ko pa nga napagtanto na mas mabait pa nga yung ibang lahi na nakatrabaho ko, at mas makatao pa sila kesa sa ibang noypi na nakakalungkot isipin na kung sino pa nga yung kababayan mo, sya pa mismo ang hihila sa ‘yo pababa.

Hwwoooooooohhh……Nakakapagod, medyo marami na pala akong napagdaanang kalbaryo sa buhay ko. Pero thankful ako kay Lord kasi naka- SURVIVE ako sa lahat ng pinag-daanan ko. Ngayon andito na uli ako sa Saudi, sa bagong kumpanya na. Kahit paminsan-minsan naho-homesick, ayos na rin, kuntento na ako dito, wala kasing masyadong intriga dito, may mga mapanghusga pa rin, hindi na talaga mawawala yun kahit saan ka pumunta, pero at least may PEACE OF MIND na ko dito, kahit istrikto si bossing, ok na rin kahit minsan napapagalitan, kahit medyo pressured sa work, ok lang din. Kahit kelangang mag-overtime, oks lang. Basta ang importante lang sa ‘kin, makakapagtrabaho ako ng may PEACE OF MIND, yun lang, masaya na ‘ko dun. Thanks talaga kay Lord sa blessings na binigay nya sa akin.

Sa mga Nurses dyan all over the world, o sa mga nurses din na may balak mag-abroad, ang advise ko lang sa inyo, sana ‘wag nyong tutularan ang mga taong nabanggit ko dito, hindi maganda ang nang-aapi ng kapwa, may karma na katapat yan baling-araw, kaya ‘wag sana rin ninyong hahayaan na kayo mismo ang maging dahilan ng pagiging miserable ng buhay ng ibang tao. At kung kayo naman ang inaapi, ‘wag din sana kayong papayag na hamak-hamakin na lang ang pagkatao nyo, kelangan din na matuto kayo na ipagtanggol ang sarili nyo, para hindi kayo matulad sa ‘kin. At syempre, wag makakalimot sa mga nagmamahal sa atin, dahil sila naman talaga ang dahilan kung bakit tayo nagtitiis ng lungkot sa ibang bansa, at ‘wag nyo rin sanang makakaligtaang mag-pray kay God, dahil siya lang ang matatakbuhan at gagabay sa atin sa lahat ng oras at sandali ng ating buhay.

I SURVIVED!!!!

###

©Copyright 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

  • http://french.transbest.ru/history.html Catherine

    Simply want to say your article is as astonishing. The clearness in your publish is just spectacular and that i could suppose you’re a professional on this subject.

  • Top Commenters

    meghanhoward02
    1 comment

  • Daily Popular