“18 Hours” (A True Story)


Note : This was written 4 years ago when I was still a Junior Staff Nurse in the Philippines…

April 25, 2008, Biyernes.

Akala ko ordinaryong araw lang ito para sa akin, yung usual kong pagduduty ng 12 hours.. hindi pala.. Alas-kuwatro nun ng hapon, nakahiga pa ako sa kama ko, yakap yakap ko pa si winnie the pooh at may iniisip ako. Tumunog bigla ang cellphone ko: “Gudpm mam, duty po kayo 2nyt! Tnx!”.. Naisip ko, ang aga namang nagtext ng mga taga-ICU para sabihing duty ako.. hindi ata sila toxic.. hmm.. Usually kasi magtetext sila if on call or off call 2hours before each duty, either 5am or 5pm kasi 12hour-shift kami sa hospital.. Sabi ko sa sarili ko, 1hour pa before 5pm kaya dun na lang ako tatayo pero di ko alam bakit ba hindi ako mapakali, kaya ayun tumayo na rin ako at naligo. Pagkatapos, kumain na ako ng hapunan at umalis ng bahay.. 530 yun ng hapon, naglalakad ako palabas ng kanto.. bawat hakbang ng mga paa ko kasabay ng pagtibok ng aking puso. Bakit nga ba ako kinakabahan? Alam ko ng mga panahong yun hindi ako ok, malungkot ako sa ibang kadahilanan.. pero yung mga oras na yon, malungkot na ako, kinakabahan pa ako.. Para bang kung puwede lang sana maglaho ako ng parang bula at di na bumalik pa..

Gaya ng dati, dumaan muna ako sa simbahan para magdasal. Pagsakay ko ng jeep, nagbayad na agad ako saka ko nilabas ang headset ng cellphone ko at nagsounds ako para maibsan ang nararamdaman ko. Nalulungkot ako nun dahil sa personal problems. Sabi ko pa nga kung magduduty ako sana hindi maapektuhan ng trabaho ko ang problema ko. Pagdating ko sa ospital, umakyat na ako sa unit namin, 5 patients, 3 ang nakaduty, puro bagong admission.. 3 pa yung naka-ventilator.. 6:10pm na nun, dumarating yung bagong admission kasunod yung mismong doktor na humahawak sa pasyente. Nakita ko yung plates ng CT scan nya, hemorrhage sa may bandang brainstem.. kinabahan ako.. delikado yung bleeding, sa brainstem.. Yun kasi ang parte sa utak na nagkocontrol sa lahat ng vital signs ng tao, ung presyon, body temperature tsaka paghinga.. Maya-maya, naririnig ko na ang mga kaanak ng pasyente, umiiyak na sila.. Malamang alam na nila kung ano ang maaring patutunguhan ng pasyente.. 6:45pm sinabi ng head nurse namin na ang hahawakan kong pasyente ay yung bagong dating, alam ko na rin kung bakit malamang kasi ngayong gabi o mamayang madaling araw, mamamatay na ang pasyente.. Ok lang naman sa akin, bawal rin pumili kung sino ang iha-handle.. Ayun inendorse na sa akin ang tungkol sa pasyente.. Napailing na lang ako, lantang gulay na lang ang pasyente.. ang tumutulong na lang sa kanya sa paghinga ay yung tinatawag na ventilator, pero kung tatanggalin mo yun malalagutan na siya ng hininga.. “Christmas tree” pa nga kung madedescribe ko yung mga swero ni tatay sa sobrang dami ng gamot nya dahil naglalaro ang kanyang presyon: may nicardepine, plain NSS, standby na dobutamine at dopamine.. puno ang urine bag dahil nagbolus dose sila ng furosemide sa ER dahil 200/110 ang BP nya doon.. Kinuha ko ang pen light ko, pag-assess ko sa pupils nya, wala nang reaction.. fully dilated na, size 6 pa nga, GCS 3, pumapalo ng 150’s yung heart rate, ang ventilator naka back-up rate ng 21, ang BP nasa systolic 150-160 at diastolic na 80-90.. Nag-suction ako sa tubo at bibig nya, puro dugo lang ang nakukuha ko.. Naupo na ako, inumpisahan ko na ang charting ko..

In between ng mga oras ng duty ko, nakakausap ko ang asawa at panganay na anak ng pasyente.. Mababait sila, hindi sila gaya ng ibang relative na matanong.. Marahil dahil na rin siguro sa ang asawa ni tatay ay isang midwife sa health center kaya naiintindihan niya ang kahihinatnan ng pasyente.. Kuwento ni nanay, wala sya nung hapong iyon dahil pumunta siya sa center tapos si tatay naiwan sa bahay.. Nagpapamanicure lang daw si tatay nang bigla niyang sinabi na nahihilo raw siya.. Nakita na lang ng manikurista na nakasandal si tatay sa kinauupuan niya, wala nang malay.. Sumigaw siya at tinawag ang mga kasambahay upang tulungan siyang dalhin sa ospital.. Pagkabuhat sa kanya, sabi ng panganay’ “Diyos ko, sopan yepu i tatang ku!” (“Lord, tulungan Nyo po ang tatay ko!”) Alas kuwatro nun ng hapon ng nadala nila si tatay sa malapit na ospital sa kanila.. Tumutulo pa nga raw ang dugo sa bibig ni tatay nun habang papunta sila sa ospital.. Pagdating daw dun nilupong siya ng mga doktor, iaadmit na sana kaso hindi covered ng ospital ang insurance ni ate kaya nalipat sa ospital na pinagtatrabahuhan ko.. Pagdating sa ospital namin, dun na siya na CT-scan at dun nakita ang bleeding sa utak ni tatay.. tinaningan na sila ng doctor na sa loob ng 24 hours maaring mamatay si tatay.. Kung sakaling magkakamilagro at malalampasan niya yung 24 hours, magiging lantang gulay naman siya panghabang-buhay.. Pinapili na raw sila ng doctor kung sakaling iuuwi na nila nun si tatay, kung mag-aarrest siya ic-CPR pa ba namin o hindi na.. namili sila na ipagpapatuloy pa rin nila kahit daw maubos na ang pera nila basta’t maghihintay na lang daw sila kung mamamatay na si tatay.. Sabi pa ni nanay tanggap na raw nila kung mamamatay si tatay pero hindi raw nila ito iggive up dahil kung sakaling tatanggalin nila yung tubo parang pinatay na rin daw nila si tatay.. 53 years old lamang si tatay, 4 ang anak nila ni nanay.. Kuwento nila, nasa lahi raw talaga ni tatay ang ganyan kasi parehas na magulang niya ganyan ang kinahinatnan, biglang atake tapos biglang patay..

Napansin lang daw ni nanay na ang laging daing ni tatay ay nahihilo siya, pero ayaw daw niyang magpacheck-up.. Dagdag pa rito ang bisyo ni tatay na paninigarilyo at pag-inom ng alak. Sa ngayon daw kasi, ang trabaho ni tatay pagdating ng hapon ay mamamasada siya ng tricycle sa kanila hanggang gabi.. Dati na raw kasing nag-abroad si tatay at mula nang umuwi siya sa Pilipinas dalawang taon na ang nakararaan, ay namasada na lang siya ng tricycle.. Mabait raw si tatay, kahit raw kinagagalitan niya ang mga anak niya ay mahal na mahal raw niya ang mga ito.. Pagkatapos pa nga raw silang kagalitan makikita mo si tatay papasok ng kuwarto tapos naluluha kasi kahit paano raw ayaw niyang pinagagalitan sila, ngunit alam niya na kailangan para daw tumino ang mga anak nila.. Tumayo si nanay, lumabas na nun ng kuwarto..

Awang-awa ako kay nanay dahil habang nagkukuwento siya ay umiiyak talaga siya.. Ako naman walang sawang nakikinig. Sa mga oras na iyon, naalala ko ang tatay ko tsaka ang kilala ko na katulad ng bisyo ni tatay, yung kilala kong iyon na siyang dahilan kung bakit ako malungkot.. Bigla na lang kaming hindi nag-usap, naputol lahat ng communication.. Ang bigat ng naramdaman ko.. Halos ramdam ko ang sakit na dinaranas ni nanay nang mga oras na yon, kasama pa ang depression ko.. Pero siyempre, kailangan kong ibaling ang atensyon ko sa trabaho.. Mahirap, pero kailangang gawin.. Lalo pa’t bawat kinse minuto, nag-iiba ang vital signs ni tatay.. Para bang nakakita ka ng mga naglalaro ng patintero na paiba-iba ang direksyon o lokasyon.. Hinihilamusan ko na si tatay at may gamot siyang pampababa ng lagnat, ngunit wala pa rin.. Sabagay, kritikal na talaga ang lagay ni tatay..

Alas-diyes, nagsimulang wala nang urine output si tatay sa urine bag, nagkocompromise na yung kidney nya dahil sa presyon nya.. Mula ng mga oras na iyon hanggang ala-una, salitan ako sa pagpapalit ng nicardepine drip, dobutamine drip at dopamine drip para sa presyon ni tatay.. Lagi rin ako nag-aupdate sa doktor nya kung alin na yung hinook at diniscontinue kong gamot, halos mga text ko lang yata yung laman ng inbox nya sa kaka-update ko.. Mag-aalas dos na ng madaling araw nang tuluyan nang biglang bagsak ng presyon ni tatay, 80/50 pati ang oxygen level sa katawan.

Tumawag na ako sa doktor niya.. Sabi niya i-continue ko lang hanggang sa umabot ako sa maximum dose.. Pasado alas-tres ng madaling araw nang makita ko sa cardiac monitor ang biglang pagbaba ng tibok ng puso ni tatay, kinuhanan ko ng cardiac rate gamit ang stethoscope ko pero wala na akong marinig.. Pati sa presyon niya, palpation na lang ang ginagamit ko, 60/palpatory na lang talaga siya.. Pagtingin ko ulit sa cardiac monitor, nakita ko ang isang mahabang abnormal rhythm sa tracing ni tatay at yun na.. mula 90 na pulse rate naging 63.. Pinakuha ko na ang cardiac board dahil siguradong magsi-CPR na kami, hinila ko ang E-cart laman ang mga emergency drugs saka ko hinila ang ECG machine.. wala man isang minuto lahat yun, pagtingin ko sa cardiac monitor ulit 40’s na lang ang pulse rate niya.. Tumawag na ako sa ER, sinabi ko na sa ROD.. nagpabigay siya ng atropine para hindi lalong bumaba ang heart rate ni tatay, ngunit negative rin ang resulta.. Nag-flat line na, tumawag ako ulit sa ER papanhik na raw ang ROD.. Nadatnan niya kaming nagsi-CPR pati ambubag.. tinawagan ko ang mismong doktor ni tatay, ininform ko sya sa status ng pasyente.. tahimik lang siya, alam na rin kasi niya na wala na rin mangyayari kay tatay.. Naka 3 epinephrine kami at 30 minutes na CPR.. pagkatapos nag ECG kami.. wala na talaga..

4 AM ang naging time of death ni tatay..

Lumabas ng kuwarto ang ROD upang kausapin si nanay, kasunod ako ang lumabas.. Hindi ko na nakitang umiyak pa si nanay nun, niyakap lang niya ako saka niya binulong sa akin, “Salamat, anak..” Niyakap ko ng mahigpit si nanay saka ako napaluha.. mabigat ang loob ko nun nang nagkahiwalay kami ni nanay.. Kumuha na ako ng form ng death certificate at pumirma na kami parehas ni nanay.. Bumalik ako ulit sa kuwarto, hinilamusan si tatay at pinalitan ng damit bago siya ilabas at dalhin sa morge.. Habang hinihilamusan ko siya pumasok si ate, yung panganay sa magkakapatid.. hinalikan niya si tatay sa noo saka niya sinabing, “Paynawa naka tang, eme gaganakan y ima, emia paburen..” (“Pahinga ka na tay, wag mong aalalahanin si inay, hindi namin siya pababayaan.”)

Maya-maya pa ay inilabas na nila si tatay.. Pumunta ako sa may locker namin, pumikit ako at ipinagdasal ko ang kaluluwa ni tatay.. Ganun pala ang feeling pag ikaw mismo ang namatayan, lalo pa’t first time ko.. Dati na kasi namin ginagawa yung pagsi-CPR, pero hindi ko pasyente, iba ang feeling kapag mismong pasyente mo ang namatay..

Pasado ala-sais na nun ng umaga, April 26, 2008.. Ilang minuto na lang matatapos na ang duty namin.. Tapos na ang lahat sa mga gawain nila pati sa pag-aupdate sa mga kanya-kanyang doctor.. Hinihintay na lang namin ang mga susunod na magduduty.. Pasado ala-siyete nang umaga habang nag-eendorse, nag-iba ng tracing ulit nung isang pasyente sa cardiac monitor.. Maya-maya tumawag ang kasamahan namin sa ER para papanhikin ulit yung ROD.. Nadatnan kami ulit nagsi-CPR.. Mula 7:30 ng umaga hanggang pasado alas-otso palitan kami sa CPR.. nagpa-defib pa nga yung ROD pero wala ring nangyari.. flat line na talaga..

Tulung-tulong kami sa pag-aayos sa pasyente ng kasamahan ko.. Hindi namin namalayan alas-nuwebe na pala ng umaga.. Lahat kaming panggabi pagod, bangag.. Pagkatapos nun umuwi na kami.. Pagdating ko sa bahay, napaisip ako.. Kung tutuusin wala mang 24 hours nung nangyari lahat yun, pero ang daming nangyari..

Mula nung nag-umpisa akong nagtrabaho sa ICU dun ko napahalagahan ang buhay…

Hindi lalampas ang isang buwan na wala akong makikitang mag-aarrest sa mga pasyente.. May ilan pa nga na kapapasok pa lang at pagkatapos ng isang oras ay patay na rin.. Mabilis ang mga pangyayari, katumbas ng isang kisap-mata ang bawat segundong takbo ng buhay natin… at ang bawat segundong ito ay maaaring katumbas ng isang magandang gawain na maaaring ibahagi natin sa iba upang tayo ay makapagpasaya at makapagpagaan ng loob nila.. hindi man natin namamalayan, pero nakapagdudulot na pala tayo ng pagbabago sa buhay nila..

Humiga na ako sa kama upang magpahinga, magduduty pa ako ulit mamaya.. Napatingin ako sa orasan.  Mag-aalas diyes na pala at na-realize kong 18 hours na ang nakalipas mula nang huli akong humiga sa kama ko.. Bigla ko siyang naalala, saka ko natanong sa sarili ko kung naalala pa ba nya ako..

Napabuntong-hininga na lang ako.. Pumikit na ko saka ko na lang nasabi sa sarili ko na marami pa ring bagay ang pwede kong gawin, na this time dapat kong pagtuunan ng pansin at yun yung mga totoong tao na laging nandiyan para sa akin lalo pa’t maikili lamang ang buhay..

Photo credit: pastoralyn.wordpress.com

© 2012 – 2013, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About chuteinne 1 Article
daughter.. sister.. friend.. enemy to some.. nurse.. book lover.. nature lover.. coffee-addict.. mysterious and unpredictable.. misunderstood and misinterpreted by many.. frustrated composer and musician.. pen and paper will always be my best buddies but my strength always comes from the One who created me.. "When I think about all the patients and their loved ones that I have worked with over the years, I know most of them don't remember me nor I them. But I do know that I gave a little piece of myself to each of them and they to me and those threads make up the beautiful tapestry in my mind, that is my career in nursing." - Donna Wilk Cardillo (A Daybook for Beginning Nurses)