Anatomy of Love

Anatomy of Love (Credits: ktsloveandlaughter.blogspot.com)
Anatomy of Love (Credits: ktsloveandlaughter.blogspot.com)
Anatomy of Love (Credits: ktsloveandlaughter.blogspot.com)
Anatomy of Love (Credits: ktsloveandlaughter.blogspot.com)

It was one of the unfortunate nights, power is down, at sa ‘di maipaliwanag na dahilan, nababaliw yata ang generations ng mga taong laki sa “de-kuryenteng” mundo kapag nawalan ng power source lahat ng pwedeng pagkaabalahan. At dahil sa mula pa kaninang umaga ang boycot yata ng electric company sa payak na probinsya namin (langya sa description ng lugar.. probinsya talaga?), eh wala ng baterya lahat ng mawawalan ng baterya. Walang cellphone. Walang computer. Walang internet. Walang laptop. Walang mp3 player. Pati katinuan malapit na din maubos.

Sa inip ko, kinuha ko ang gitara at nagplanong magsimulang mag-ingay, este tumugtog sa harap ng bahay namin. Mainit pa naman, nataong summer. Nanadya yata yung hinayupak na electric companies. Bumitbit ng isang upuang plastic, at puwesto sa harap ng bahay namin. Nagsimula akong tumugtog, at kumanta na din. Nanalig na maya-maya ay magkakaroon na ng kuryente. Matagal-tagal na panahon ang lumipas, at parang di yata talaga ako papakinggan sa hiling ko makakita ng liwanag at mabawasan ang ala-purgatoryong init ng paligid. Maya-maya lumapit ang bunso kong kapatid, naupo sa tabi ko at nagsimulang kumanta. Napansin ko na hawak nya ang phone nya, may katext yata. Nainggit ako, buti pa siya, may magagamit pang may baterya.

Habang nakatingin ako sa kanya, tumitingin din siya sa akin. Biniro ko na, mukhang ang dami niyang textmate. Ngumiti din siya, at pabiro din sumagot na, “ang dami daw nangungulit”. Huminto ako sa paggitara, sa sarili ko medyo nagulat din siguro ako at marahil dala ng “protective nature” ng kuya at katotohanang dose anyos pa lang ang kapatid kong babae, tinanong ko siya tungkol sa “nangungulit” na sinasabi niya. Nung una, nahihiya pa siya, ayaw umamin, halos ayaw magkwento, tipikal na pakiramdam ng taong unang nakakaramdam ng epekto ng pinakacontagious na sakit sa mundo. Love. Pag-ibig. Pagmamahal.

Inamin naman nya na mayroon siyang “crush”, at inamin din niyang di iilang tao na ang nagparamdam sa kanya tungkol sa usaping love, medyo naging interesado ako sa mga kwento nya, at bilang kuya, nakinig talaga ako sa kanya. Madami siyang tanong, o sabihin na nating may sagot na siyang hawak, pero naghahanap siya ng paghuhugutan ng klaripikasyon, halata sa bawat salitang binibitawan nya. Sa huli, naisip kong payuhan siya, bilang isang tao na medyo may alam na sa pagtahak sa buhol-buhol na daan ng pag-ibig at pagkatinik o pagkadapa habang dumadaan dito, naisip kong, mabuti sigurong kwentuhan ko siya ng ilang mga bagay tungkol dito. At sinimulan ko nga siyang kausapin ng mas seryoso. Ilan sa mga naalala kong sinabi sa kanya ay:

  • una, napakabata pa nya para dito, o maaring wala mang batas tungkol sa edad ng taong magmamahal, may tamang panahon para sa lahat ng bagay, na kung isang ulam ang pagmamahal, meron itong mga sangkap para sumarap ang luto nito. Marahil ang pinakamadalas lang na makikita na sangkap nito ay lambing, komunikasyon at pagpapahalaga, pero ang totoo, ang magpapasarap dito ng husto ay tiwala, pangarap at kakayahang maghintay.
  • na wag makipagrelasyon dahil ginagawa ito ng karamihan. Hindi sapat na dahilan ang maraming bilang upang tawagin na tama ang isang bagay, hindi porke ginagawa ito ng marami, eh dapat mo na itong gawin. Hindi dapat ito isama sa category ng umuuso at lumalaos. Hindi parang cellphone ang love na nawawala sa uso pag tumagal na ang unit mo, na pag tumagal eh kailangan mong palitan dahil pinagsawaan mo na ito, o kailangan mong humanap ng bago dahil hindi na nya kayang ibigay ang gusto mo.
  • humanap ka ng taong mamahalin mo dahil sa kung sino siya, hindi dahil sa porma o kaemohan ng buhok, kulay ng balat, kinis ng mukha, singkit na mata o kung ano pa mang characteristics na impluwensya ng lahat ng korea-nobela sa TV. Maaring kababawan siguro at sasabihin ipokrito ang ayaw sa maganda o gwapo, pero sabi ko sa kanya, di ko naman sinasabing humanap ka ng panget, bagkus humanap ka ng totoong tao. Sa dulo, lahat naman tayo magmukhang tuyot na pasas kahit pa gaano kaganda o kagwapo nun kabataan, at sa dulo, hindi naman ang itsura ng kulubot na balat ng pasas ang may bilang, kundi kung gaano ba ito katamis nun oras na nailagay mo ito sa iyong bibig.
  • wag kang magpanggap, o matakot man lang na sabihin ang totoong nararamdaman mo, o gawin yung gusto mong gawin sa harap nya. Eh ano ba kung lumobo ang sipon mo habang kaharap siya, o tumunog ang malalatigong ubo habang kausap siya? Eh ano kung kulang sa iyo ang isang extra rice? Kung mahal mo siya o mahal ka nya, yun ay dapat dahil kung sino ka at pati sa kung hindi ikaw. Assets and weaknesses were both embraced by someone who loves you because both were parts of who you are. Mahirap magpanggap, lalo na kung di mo naman ito mapapanindigan habangbuhay. Ok lang naman gawin ang gusto mo sa harap niya, basta hindi ito immoral, mahalay at nakakaperwisyo ng ibang tao, eh ano kung jologs, kung corny, o outdated? Dun ka masaya eh
  • hindi basehan ng pagiging gwapo at pagiging maganda ang dami ng tatawagin mong “ex”. Tandaan mo na sa bawat relasyon na papasukan mo, seryoso man o trip-trip lang, tatatak na ito habang buhay sa pagkatao mo. Kaya piliin mong mabuti ang taong maitatala sa kasaysayan ng buhay pag-ibig mo. Hindi naman paramihan ng nakarelasyon ang labanan sa mundo, dahil sa dulo, isa man o labing-isa ang ang tinawag mong “mahal”, isa lang naman ang ihaharap mo sa altar para pakasalan.
  • maging mabuti sa tao, kung babae ka at ayaw mo sa lalaking nagpaparamdam sa’yo, wag mo naman siyang bastusin, may maayos na salita para sabihin na hindi mo siya gusto. Kung lalaki ka naman at pinagpalang habulin ng kababaihan, irespeto mo naman ang nararamdaman nila, hindi yun joke para sa kanila, na kahit para sa’yo ni katiting eh wala kang nakikitang liwanag  na magkatuluyan mo na siya. Tandaan mo na dadating ang panahon na makakaget-over din siya na minsan nahibang siya sa’yo, pero yung sugat na ibinigay mo sa pagkatao niya dahil sa pangmamaliit sa kanya, maaring di na mawala.
  • magkaiba ang pag-ibig sa awa. Hindi naman sapat na dahilan ang matagal na panunuyo o panliligaw upang mapilitang pumasok sa isang relasyon. Tandaan mo na sa patatagan ng pakiramdam, walang binatbat ang awa sa pagmamahal. Madaling maubos ang awa, madaling lumabo, madaling matuyo, gaya ng isang balon, kahit gaano kalalim ang awa mo, dadating ang panahon, matutuyo ito. Di gaya ng pag-ibig, para itong ilog na patuloy na umaagos. As long as naging matapat ka sa kanya, na di mo siya pinaasa, na di ka nagbigay ng motibo, wag kang maguilty, pinili niyang umasa, siguro nasa kanya na yun kung hanggang kailan siya aasa.
  • kung sakaling mapapasok sa isang relasyon, at minalas na kinailangang maghiwalay, wag parang na-expiran ng unli habang may katext, dali-daling magload at magregister ulit, hindi yan unahan. Na parang ilang buwan na lang ang meron ka, na parang mauubusan ng mauubusan ng panahon. Na parang kailangan unahan kayong palitan ang isa’t isa, dikta na lang siguro ng kagandahang asal, at kung buo ang utak mo at konti pa lang ang tumutubong amag, maiisip mo na respeto mo sa taong dati mong minahal at sa sarili mo na din, na maglaan ng panahon upang maging handa ulit na pumasok sa susunod na relasyon.
  • madalas nating marinig na linya sa pelikula ang, “ikaw ang mundo ko”. Masarap pakinggan, nakakatuwa at tiyak na magdadala ng kilig sa bawat makakarinig, pero isipin natin kung totoo nga ito, hindi ba nakakatakot? Nakakasakal? Sa oras na magmahal ka ng tao, dapat alam kung paano magbigay sa kanya ng pagkakataong umunlad mag-isa. Love grows in a way that it needs to be nourished with togetherness from the substance harvested from individual growths. Huwag mo siyang gawin mundo mo, huwag mo siyang ikulong sa mundong ginawa mo. Huwag mo siyang ipagdamot sa kaibigan niya, at lalong wag kang magselos sa barkada niya. Sila ay mga taong nagmamahal din ng totoo sa taong mahal mo, at kung dadating ang panahon na di mo maaalagaan ang taong mahal mo, tiyak na sila ang sasalo dito. Di ba mas maganda na mabuhay kayo sa totoong mundo ng sabay, isang mundong di perpekto gaya ng pilit mong binubuo, pero at least magkasabay ang bawat hakbang nyo dito.
  • at panghuli, believe in the power of “will” and “destiny”. Wag lang destiny, wag lang puro destiny, wag lang puro signs, wag lang puro hintay. Minsan, hakbang lang palapit ang hinintay nya, isang ngiti o isang buka ng labi, minsan kailangan mong gumalaw. Pero tandaan mo din, na di lang dapat puro “will”, hindi lang puro determination, hindi lang puro actions, sa dulo nandyan pa din ang swerte, ang timing at ang isang di maramdamang pwersang patuloy na magtutulak sa inyo sa isa’t isa. Kaya wag mong kalimutang ipagdasal ang taong nakalaan para sa’yo, yung pagtaya mo nga sa lotto ipinagdadasal mo, yun pa kayang life partner mo ang hindi? ^_^

Sabi nga ng iba, love is just a chemical reaction happens in the brain that give way to stimulations of very strong emotional sensation. Those emotions are considered euphoric sensations enough to create delusions in life. Ang love daw ay chemical reactions lang between dopamine, acetylcholine and phenylethylamine, at sa oras na nawala ang mga chemicals na to sa brain, magsisimula ng amagin ang utak mo at maghanap ng panibagong tao na makakapagbigay ng panigong chemical reaction. Kaya, scientifically speaking wala daw perfect love.

Siguro nga, scientifically speaking walang perfect love. Siguro totoo nga din na ang love ay chemical reactions lang between dopamine, acetylcholine and phenylethylamine. At marahil totoo din na nawawala ito sa utak, pero hindi ako naniniwala, na kapag nawala ito sa utak, hahanap ka na agad ng panibagong taong magbibigay ng panibagong chemical reactions. Marahil nga, scientifically speaking walang perfect love, pero usapang tao, napakarami ng nagpatunay na higit pa sa chemicals sa utak at secretions ng sweat glands ang love. Dahil ang pagkakataong makita mo pa lang ang taong mahal mo sa gitna ng bilyong tao sa mundo, yun pa lang magic na… yun pa lang ebidensya na ng divine intervetion… at yun pa lang, sapat ng ilaban sa scientific explanation mo…

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Mga-sulat-kamay 16 Articles
Hindi ko sasabihing ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto, pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. Gusto mong magbasa ng iba pa? http://www.facebook.com/mgasulatkamay O click lang sa FACEBOOK link... ^_^..