Ang Sulat ni Denise

(Photo Credit: gettyimages.in)
(Photo Credit:    gettyimages.in)
(Photo Credit: gettyimages.in)

Nagtungo si Dessa sa silid ng anak nang mapansing wala ito. Alas otso ng umaga pa lamang at marahil ay nasa kaibigan lang ito pumunta na nasa subdivision ding iyon. Nakita niyang nakaayos ang mga gamit. Kapansin-pansing malinis ang silid at masinop na nakatupi ang higaan. Sa biglang tingin sa lamesang gawa sa kahoy, ay may isang puting rosas na naroong pinatungan ang puting sobre. Sa kung anong kadahilanan ay biglang kinabahan si Dessa. At sa nanginginig na katawan ay binuksan ang sobre at binasa ang sulat ng anak.

Dear Mama,

Bago mo ipagpatuloy ang pagbasa ay marapatin mo sanang inumin muna ang Catapres sa drawer. May isang basong tubig ding nakahanda sa tokador sa sandaling uhawin ka. Huwag ka sanang mabibigla. Marahil habang binabasa mo ito’y nagbibiyahe na ako sa malayo. Huwag mo nang alamin. Hindi pa ito ang tamang oras.

Ipinagpapaumanhin ko ang hindi pagpapaalaman sa inyo ni Papa nang maayos. At kung hindi man lamang ako makatutulong sa pag-aaral ng mga kapatid ko lalo na ang mga gastusin sa bahay.

Ngayon ko lang po naranasan ito: ang maging ganito kasaya. ‘Yung tipong walang nagbabantay ng bawat galaw mo, hindi pinagbabawalan sa isusuot mo, at puwedeng pumunta sa kahit saan mo gusto. ‘Yung puwedeng  tumambay hanggang umaga at makipagbarkada sa kahit sino. Huwag kayong mag-alala, Ma, kayang-kaya ko ang sarili ko. Twenty na po ako, graduate na sa kursong Nursing at nararapat lamang sigurong subukan ko ang lahat habang bata pa ako.

 Hindi naman pala ganun kasama ang bawal na gamot, Ma. Hindi lahat ng napag-aralan namin sa libro ay tama. Iba talaga ang na-eexperience mo sa sarili. Bagkus ay binibigyang-sigla nito ang iyong katawan. Nagiging masaya ka at tila nawawala bigla lahat ng problemang hatid ng sitwasyon ng buhay natin. Ang gaan-gaan sa pakiramdam. Sa nakalipas na mga araw ay gumagaling na rin akong uminom ng alak, Ma. Halos inuumaga kami sa inuman kasama ang mga lalaking kaibigan ko. Doon ko rin nakilala si Iñigo, Ma. Hindi niya ako pinabayaan kahit halos apat na buwan na itong nasa sinapupunan ko. Ulila na si Iñigo, Ma. At sabay naming palalakihin ang aming magiging supling habang pinalalago ang munti niyang negosyo. Alam kong maraming pera si Iñigo, Ma. Pinakita niya rin sa akin.

Sa ngayon kailangan lang muna naming magpakalayo para hanapan ng lunas ang sakit niyang HIV. Hinahanap din siya kasi ng ibang kasosyo niya. Siya ang tinuturong rapist ng kapatid nito sapagkat siya daw ang nakitang huling kasama nang gabing iyon. Malaki ang tiwala ko kay Iñigo at alam kong malalampasan namin ito. Makikita n’yo rin ang mga apo n’yo, Ma. Kayo na po ang magpaliwanag kay Papa.

 Nagmamahal,

Denise

PS:

Ma, walang katotohanan ang lahat ng nabasa mo ha. Nais ko lang ipaalala na mas marami pang masasamang balita sa mundo kaysa sa board results kong nasa ilalim ng unan. Pakitext po ako kung safe nang umuwi. Kina Maricris lang ako. Love you!

Pagkauwi ni Denise bandang alas singko ng hapon, isang note sa pinto ang kanyang nabasa:

Denise,

Pumunta ka sa National Kidney and Transplant Institute, 3rd floor, Station C, Room 53. ASAP.

Tita Louise

 Namamalisbis ang luha sa mga matang tinakbo ang bukana ng subdivision, pumara ng taxi at dali-daling nagpahatid sa hospital. Kinakabahang tinahak ang daan papasok at nagtanong ng direksyon sa guard. Patakbong sumakay sa elevator patungong 3rd floor at dumiretso sa Station C at hinanap ang Room 53. Napansin niyang private suite iyon at tila malaking kuwarto. Hindi siya sinita ng nurse nang dire-diretso siyang pumunta sa silid, kumatok at dahan-dahang binuksan ang pinto nang hindi humihinga habang pinipigilan ang mga hikbi.

Sa nanlalabong mga mata’y sinalubong siya ng “Congratulations, Denise!” ng buong mag-anak niya. Maraming pagkain sa kuwarto at mukhang nagkakasiyahan ang lahat. Subalit ang kanyang mga mata’y diretsong nakatingin sa kama at saka pa lamang siya nakahinga nang maluwag nang makitang ang Tito Tony niya ang nakahiga na katatapos lamang ng scheduled dialysis nito.

Hinanap niya ang kanyang mga magulang at nakita itong parehong nakangiti.

“Sorry Ma, Pa,” ang tanging nasabi niya habang nangingilid pa rin ang mga luha. Iniabot ng ina ang sobre at sinabing, “Buksan mo, Anak.”

Isang round trip ticket to Hong Kong at hotel reservation ng isang linggo ang nakalagay doon. Matagal na niyang pangarap ‘yun at talaga namang tuwang-tuwa siya.  Kasama sa sobre ang note ng ina:

 Anak,

Congratulations! Hindi ka man nasama sa top 10, proud na proud pa rin kami ng Papa at mga kapatid mo sa ‘yo.

Mama at Papa

Sa natatawa’t naluluhang mukha ay niyakap niya ang mga magulang at mga kapatid.

-The end-

© 2013, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About DhanDhan 2 Articles
A Filipino registered nurse who was born with wanderlust. Currently studying to achieve her Canadian professional registration, writing is one of the things that keeps her sane.