Ang Tunay Na Tatak Ng Nurse…Ay Nasa Puso!

Ang tunay na nurse, hindi nasusukat kung gaano kagaling sa written exams. Hindi nasusukat kung saan nag-aral na institusyon. Hindi rin nasusukat kung topnotcher ba sa board exam o hindi. ANG TUNAY NA PAGIGING NURSE AY NASA PUSO 🙂

Nasabi ko ‘to kasi ilang araw na ako binabagabag ng nangyayari sa’kin. Lately kasi, medyo napapabayaan ko na yung pag-aaral ko.. Tamad kasi ako. Alam ko dati pa na kapag tamad ka eh, hindi ka nararapat sa kursong ‘yon, pero nagpumilit pa rin ako.

Ilang araw ko na iniisip kung anong gagawin ko kapag hindi ko naabot ang maintaining grade ko. Lilipat ba ako ng school? Magshishift ba ako? Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Wala naman akong maisip na pwedeng course para sa akin. Masyado ko na kasing na-brainwash ang sarili ko, at naiimagine ko na lang ang sarili ko na naka-duty uniform at naghohospital rounds. Wala na akong ma-imagine na ibang trabaho para sakin, kung hindi ang maging isang nurse.. Pero dahil sa kapabayaan ko eh, unti-unti ko nang kinakalimutan ang pagkakataon na grumaduate ako ng nursing sa La Salle..

Ngunit kailan lang ay may pangyayaring bumago sa aking pananaw..

2-hour lunch break kasi namin dahil may exam, naisipan namin ng mga kaklase ko na sa SM na lang maglunch. Nung pabalik na kami sa school at pasakay na, may nadaanan kaming babae. Hawak nya yung anak nyang tulog at walang malay. Ang unang kong tiningnan ay yung bata, namumutla, at walang tsinelas. Bilang nursing student, masasabi ko na tila may sakit yung bata, kung anong sakit, hindi ko alam. Nung lumagpas kami ng kaunti, sinabi ng kaibigan ko na umiiyak yung babae. Naawa naman kami kasi di namin alam kung anong pwedeng dahilan ng kanyang pag-iyak, pero siguro dahil sa anak nya. Naisip ko kaagad, baka may sakit ang bata. Tapos walang pambili ng gamot. Naisip naming balikan ang babae at ang bata.

Yung kaklase ko na ang nagtanong kung anong problema nung babae. Pinagtitinginan na kami ng mga tao sa paligid. Nalaman namin na may sakit ang bata, at kailangan nya ipa-CT scan at bilhan ng mga gamot. Naisip namin kaagad na mahal ang pagpapa-CT scan kaya balak sana namin sabihin na doon na lang sa ospital ng school namin magpatingin at baka sakaling may discount pero nagpunta na pala sya doon, mahal pa rin ang kailangang ibayad. Wala naman kaming magawa, dahil mga estudyante lang din kami at wala pang mga trabaho.

Naisip namin na magbigay ng kahit kaunting tulong, maliit na halaga pero kahit papaano eh may maipambili ng gamot, o kahit pagkain lang sa bata dahil mukhang dehydrated at namamayat na. Habang iniaabot namin ang pera, lumuha ang babae at nagpasalamat. Doon nanlambot ang puso ko. Hindi ko napigilang mapa-luha, damang-dama ko yung sakit na nararamdaman nya kasi maaaring malagay sa panganib ang buhay ng anak nya kapag hindi nya nagawan ng paraan ang pagpapagamot nito. Masakit para sa akin na wala akong magawa. Mahirap isipin na kahit papaano ay maginhawa ang buhay ko tapos may mga batang walang malay ang nagdudusa..

Nagpaalam na kami sa babae. Napangiti namin sya kahit papaano. Hinawakan namin ang bata. Kahit hindi nya alam dahil tulog sya sa mga panahong iyon, may nagmalasakit sa kanya na ibang tao. Ang haplos ng mga palad na handang tumulong na walang kapalit. Isang salamat ang ngiti lang nung babae, sulit na sulit na.

Sa puntong iyon ko na-realize na, kaya ako nag-nursing hindi dahil sa sweldong makukuha ko kapag nagtrabaho ako kung hindi dahil sa serbisyong kaya kong ibigay kahit walang kapalit, dahil yun ang nararapat.

If ever man na hindi ako makapasa sa nursing, lagi kong tatandaan ang pangyayaring ito. Dahil kahit minsan sa buhay ko ay naka-gawa ako ng tama at may kabuluhan. Hindi man ako maka-graduate bilang nurse, alam ko sa sarili ko, dahil isinasapuso ko ang pagiging nurse, daig ko pa ang lisensyadong nurse na wala naman sa puso ang kanyang ginagawa.

Photo credit: pilantikngpanitik.blogspot.com

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.