Angal?!

Isa akong narsing gradweyt mula sa hindi kilalang eskwelahan. Simula nang ako’y nakapagtapos ng narsing, inisip ko agad kung anong mangyayari sa buhay ko dahil sa dami ng bulung-bulungan na napaka-daming nakapagtapos ng narsing pero hanggang ngayon wala pa ding trabaho, yung iba naman nagbabayad sa ospital para lang makapag volunteer at kapag natapos ang tatlong buwan na pagtatrabaho na walang bayad, inaasahan na may kinabukasang naghihintay sa ospital, kung san sila nag volunteer o kaya naman sa ibang ospital, dahil kahit papano e may experience na sila. Pero ganun pa din pala. Kelangan na naman magboluntaryo at magbayad. Nakakasawa. Napakalaki na ng nagastos sa pag-aaral at inaasahang pag nakapagtapos ng kolehiyo madali nang makahanap ng panawid gutom sa araw-araw. Pero hindi. Sinasamantala ng ibang gahaman na ospital ang pagkakataon na makatipid. Nakapasa ka na nga’t lahat lahat pero ganun pa din ang kinalalabasan. Napatunayan mo na kahit papano na marami ka ng nalalaman dahil sa hirap at sa dami ng pagsusulit na napagdaanan, binilugan, kung minsan naman e kinulayan ng itim na tinta ng bolpen o ng lapis. Pero bakit ganon? Sa huli’t huli talo pa din. Walang nagbibigay ng tsansa, kung meron man, bibihira.

Simula noon sobrang angal ko na sa buhay. “Bakit ganito, Bakit ganyan!” Yan ang lagi kong pabalang na tanong sa sarili ko. “Bakit kasi inuna ko pa ang paglalaro ng kompyuter kesa sa pag-aaral!” (na hanggang ngayon e ginagawa ko pa din, mahirap pigilan, pero madaling iwasan o bawasan ang oras ng pag tutok sa kompyuter). Hindi ko nahiligan ang pagbabasa kaya inaangal ko din sa sarili ko, at kung minsan sa mga kaibigan ko na, “Bakit kasi kelangan pang magbasa kung pwede naman na hands-on na lang, mas madali naman matutunan pag nasa harap mo na yung isang bagay o gawain, basta ituturo sa ‘yo”, “Nkakatamad magbasa lalo na’t walang piktyur yung babasahin mo, maige pang mag-basa na lang ako ng manga (komiks para sa mga anime na paborito ng bagets) , mas natutuwa pa ko.”

Mas dumami ang mga tanong ko sa sarili ko simula nung nalaman kong buntis ang nobya ko. (pero sinadya ko ang mga pangyayari, hindi ko masasabing katangahan dahil masaya naman ako ngayon, lalo na’t nandyan na anghel namin). Wala pa din akong trabaho. Halos isang taon akong naghahanap ng trabaho. Habang nag-aalala kung anong ipapakain ko sa magiging pamilya ko. Padami ng padami ang mga tanong ko at lumala ang mga angal ko. Madalas na tanong ko sa sarili ko kung bakit hindi ako natatanggap sa trabaho. Mga panibagong angal at tanong sa buhay. “Bakit hindi ako matanggap sa trabaho?! Dahil ba hindi kilala ang eskwelahan kung san ako nakapag-tapos?! Dahil ba sa hindi ako nakapag tapos na naayon sa edad na dapat bente (20) anyos pa lang gradweyt na ko ng kolehiyo?! Dahil ba narsing gradweyt ako kaya hindi ako pwede sa posisyon na in-aapplyan ko?! Bakit kelangan magaling mag-ingles?!,” mga angal na walang katuturan, mga tanong na alam ko sa sarili ko ang sagot pero tinatanggi ko dahil masasaktan ako at pampalubag loob na din.

Lumipas ang mga bwan at araw na wala pa ding nangyayari. Mas lalong nadadagdagan ang mga hinaing ko sa buhay, habang nababawasan ang araw ng paglabas ng una kong anak, mga tanong na kahit ako hindi ko na masagot. Kahit saan ako mag-apply walang nangyayari dahil ang akala nila hindi ko kaya ang trabaho. Pero patuloy pa din ang paniniwala ko na lahat natututunan kung may tyaga ka lang pag-aralan. Biglang may nagtext sakin. Isang kaibigan at kaklase. Inalok ako ng trabaho na malayo sa kurso na tinapos ko at ang maganda pa non sa ibang bansa. Sa una naghinala ako at ayokong subukan dahil iniisip ko (na naman) na baka hindi matuloy at baka hindi totoo, na baka pagdating namin doon e pagbuhatin lang kami ng bag na may lamang droga. Nakakatakot. Pero kelangan ko na talagang magtrabaho, kelangang sumugal. Nagbunga naman ang ginawa ko. Tama ang sugal na nilaro ko at sinuwerte ako.

Nandito na ko ngayon. Sa pangarap at gusto kong trabaho. Akala ko matatapos na angal ko at tanong ko sa buhay, pero lumipas ang mga araw bumabalik na naman ako sa kaartehan ko. Eto na naman ako sa mga tanong at angal. “BAKIT GANITO PINAGAGAWA SATIN?!” “HINDI NAMAN ETO ANG PINASUKAN NATING TRABAHO PERO BAKIT GANITO?!” “BAKIT KELANGAN NATING GAWIN TO, E HINDI NAMAN NATIN TRABAHO TO?!” habang patuloy kong sinasabi sa sarili ko na gusto kong matuto.

Balimbing ang tawag sa mga taong katulad ko. Mahirap intindihin kung ano ang gusto. Isang gabi bigla na lang sumagi sa isip ko, Bakit ba ang dami kong angal sa buhay? Bakit ba ang dami kong tanong? Bakit ba hindi na lang ako magtrabaho imbis na umangal? Wala naman akong mapapala kung aangal ako, hindi naman ako matututo kung patuloy kong iaangal ang mga responsibilidad na nasa balikat ko. Kasama to sa takbo ng buhay. Kasama to sa ikot ng gulong. Hindi naman pwedeng maganda palagi mga nangyayari. Wala namang perpektong daan, daan na diretso, walang bako, walang liko at walang harang. Bigla kong naisip na bakit ko ba hinahanap ang wala at tinatago ang meron. BAKIT BA ANG ANGAL KO? Alam ko na walang katapusan ang angal ng isang tao. Walang katapusan ang tanong sa buhay. Pero kung patuloy kong tatanungin at iaangal ang bagay na alam kong makakabuti sa akin, hindi ako uusad, wala akong matututunan, wala akong ibang daan na pupuntahan, kundi yung daan na sa dulo ang nag-aantay sa’kin ay bangin. Pwede din naman palang piliin kung anong iaangal at itatanong. Uumpisahan kong dagdagan kung ano ang dapat gawin at bawasan ang daldal at angal sa buhay.

Photo credit: saidaonline.com

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.