Astig na Nars

Kailangan ko pa bang ulitin kung gaano kahirap ang maging isang nars?

Hindi ko sinasabi ang hirap ng ‘di mabilang na oras ng pagkabisa at pagbasa sa sandamakmak na mga libro sa eskuwelahan.
Hindi rin ang hirap ng oras ng trabaho kung saan galing night shift, ay pang-umaga ka pagkatapos ng isang day off.
Hindi rin ang hirap na kung saan ang lahat ng kakilala mo ay may “weekend” at may “T.G.I.F.”, samantalang ikaw ay “regular” na may pasok ng holiday (i.e. Pasko).
Hindi rin ang paglinis ng mga “di na kelangang banggitin” na mga kung anu-anung mga bagay na galing sa pasyente. O sige, isama ko na ang pagpipigil sa mga terror na mga doktor, mga striktang mga bossing, at mga makukulit na mga pasyente at mga relatives, pero hindi pa rin ‘yun.

Iba ang hirap na sinasabi ko, na hindi mo basta-basta mababasa sa libro, o maaaral sa eskuwelahan: ang “psychoemotional toughness”.

Isang araw, nagsimula ang araw ko sa paggawa ng “post-mortem care” sa isang namayapang pasyente. Kahit di ko man kaano-ano ang sumakabilang-buhay, mahirap pigilan na kahit papano, may kurot sa damdamin na mararamdaman. Pagkatapos ay hinarap ko ang nagdadalamhating pamilya, at sa kabila ng lahat ay nagpasalamat para sa alagang ibinigay para kay “Tatay”. Pinabaunan ko sila ng dasal para sa kanilang pamilya.

Makalipas ang ilang minuto, sa kabilang kwarto, ay sinalubong naman ako ng ngiti ni lola, dahil masaya siyang uuwi na kinabukasan. Magkasamang “excitement” at pasasalamat dahil makakatulog na raw siya sa kama niya at makakaligo na nang maayos sa shower niya. Nagkakwentuhan kami at sinabi ko sa kanyang ‘wag siyang mapatakbo sa excitement at baka mabalian na naman siya ng balakang. Iniwan ko siyang nakangiti at nagbalik siya sa pagsagot ng crossword puzzle.

Paglipat ko sa malaking kwarto, tinulungan ko ang isang nanay na kumain, dahil mayroon siyang “dementia” at wala siyang ganang kumain. Kahit anong istilo ng pagkumbinse ang gamitin ng kahit sino sa ward, ayaw talaga niyang kumaen. Naiisip kong parang wala akong kwentang nars at di ko nagagawa ang dapat kong gawin. Maski makailang kabit sa kanya ng IV fluids ng doktor pero tatanggalin rin niya. Minsan tatanungin ko ang sarili ko, “Ano bang ginagawa kong mali?” Biglang tatakbo sa utak ko ang mga boses ng mga magagaling kong mga professor at mga Clinical Instructors na nagtuturo kung ano ang dapat kong gawin, at gawan ko ng NCP o Nursing Care Plan ang mga yun, ASAP.

Makalipas ang ilang saglit, hinaharap ko na ang isang namumuong reklamo ng isang kamag-anak tungkol sa isang pasyente. Sinusubukan ko namang sagutin ang mga tanong at siguraduhing ang lahat ng maaaring aksyon ay magawa hanggang sila ay mapaliwanagan. Maski naririndi na ang tenga ko, at hirap na akong makipag-“Inglesan”, e sige pa rin ako sa pakikipagdiskusyon maski bali-bali na ang grammar at accent ko.

Sasabayan pa yan ng order ng mga doktor ng kabi-kabilang STAT sa iba’t-ibang pasyente.

Maya-maya, may nakikita akong pasyente na palabas ng pinto na naka-wheelchair at pauwi na sa bahay. Tuwang tuwa, at ang ngiti eh halos naningkit na ang kanyang “blue-eyes” at di matapos-tapos ang pamamaalam at pasasalamat. At sinabi na di niya malilimutan ang pag-aalaga at pagtulong sa kanya ng buong team. Walang presyo ang marinig mo ang mga ganong salita.

Luha. Takot. Tuwa. Inis. Galit. Pagdadalamhati. Kamatayan. Kalayaan. Pagod. Saya.

Lahat ng iyan, maaaring matikman mo sa loob lang ng isang araw. Lahat ng iyan, tumatakbo sa isipan mo, gumugulo sa pakiramdam mo. Kung naimbento lang ang paghati sa katawan ng isang nars para magawa ang kaliwa’t-kanang trabaho ng sabay-sabay, tiyak nars ang unang oorder nun.

Walang katumbas na salapi ang makakatapat sa mga iyan. Kailangan ko pa bang ulitin kung gaano kahirap ang maging isang nars?

Ang sagot, hindi na. Dahil lagi kong iniisip na isang nars lang ang kayang makagawa at makalagpas at magtagumpay sa lahat nang yan. Dahil ang mga nars, sadyang pinagkalooban ng panahon at pagkakataon ng “psychoemotional toughness”, di lang para sa trabaho, kundi para na rin sa pang-araw-araw na buhay.

Kaya kung ikaw ay nars o may kakilala kang nars, isa lang masasabi ko sa’yo: “Astig ka!”

© 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.