Biyaya ng Pagiging Banyaga

Ang pakikipagsapalaran sa ibang bansa ay isa sa dahilan para maiahon ang pamilya sa kahirapan. Bilang isang Pilipino ang paniniwalang ito ay di maitatanngi na bahagi ng ‘Kulturang Pinoy’. Ako po si Benson Dulos 35 taong gulang, naninirahan sa Finland at isang banyaga.

Noong panahong ako’y nasa Pinas pa, taong 2006, nakatanggap ako ng tawag mula sa aking kapatid mula sa Finland, inalok niya ako kung gusto ko pumunta at mag-aral sa Finland, bagkus, mayroon akong marangal na trabaho sa Pinas. Dalidali kong sinagot na ‘Oo Ate gustong-gusto ko’. Pagkaraan ng ilang minuto naming pag-uusap, napaisip ako, noong mga oras na iyon ako ay nasa ikalawang palapag ng aming tahanan sa Bulakan. Dagli akong bumaba at biglang nakaramdam ng kalungkutan, napatingin ako sa mga mata ng aking ‘Ina’, napaisip at tinanong ko sa sarili ko ‘ Gusto ko ba talagang pumunta sa Finland, dahil maiiba ang takbo ng aking buhay, o’ para makatulong sa aking pamilya? Itinanim ko na lang sa isip ko na ito ay isang malaking oportunidad.

Kinausap ko ang aking mga magulang at ang aking mga kapatid. Ramdam ko ang lungkot sa kanilang mga mata. Marami silang tanong na di ko masagot agad, mahirap ipaliwanag. Dahil alam ko na mahal na mahal nila ako, at napakaswerte ko. Pero bakit ko sila iiwanan kung mahal nila ko? Ang alam ko mas mahal na mahal ko sila.

Nagdaan ang mahigit isang taon, naipasa ko lahat ng pagsubok Iba’t-ibang klaseng eksaminasyon at ang mahabang paghihintay. Sa awa ng Diyos nakarating ako sa Finland, taong 2007.

Ang Finland ay napakagandang bansa, malinis at mayaman. Inisip ko habang ako ay nasa sasakyan ng aking kapatid ‘Sana naririto din ang aking mga magulang at mga kapatid’. Malungkot na masaya. Malungkot dahil di ko alam kung kailan ako makakabalik ng Pinas. Masaya dahil nakita ko ulit ang aking dalawang kapatid at ang kanilang mga pamilya.

Makalipas ang ilang linggo ako ay nag-umpisa ng mag-aral muli ng aking pangalawang titulo ‘Business IT’. Sa unang araw, masaya, iba’t ibang nasyonalidad at iba’t-ibang kultura. Sabi ko sa sarili ko, napakasuwerte ko at naibabahagi ko ang pagiging Pinoy at ang mga aral na aking natutunan sa aking pinagmulan.

Oktubre 2008, ako ay nakatanggap ng sulat mula sa isang Romanong Retratista (photographer), ako ay natuwa sapagka’t inalok niya ako na maging kanyang modelo. Ang sabi niya sa aking, nakita niya ang aking larawan sa isang ‘Website’, ako ay agad na sumang-ayon sa kanya, at ginawa niya akong modelo. Sabi ko sa sarili ko sa Pinas di ako matatanggap na maging modelo sapagka’t ako’y pangkaraniwang Pilipino lamang. Ganunpaman, pinasuot niya sa akin ang mga damit at kinuhanan niya ako ng larawan at inilimbag niya sa kanyang ‘Website’ at ako ay lubos na natuwa.

Ang karanasan na humarap sa kamera ay napakasaya, di ko maipaliwanag. Pagkaraan ng ilang buwan ako ay nakatanggap ng iba pang alok mula sa dalawang magkaibang ahensiya, at ako ay naging isang ganap na modelo. Ang pangkaraniwan na aking minumodelo ay damit. Napakasaya sapagka’t ako ay kumikita at kahit papaano natutulungan ko ang sarili ko sa ibang gastos, lalo na may koneksyon sa aking pag-aaral, at gayundin higit kong napapasaya ang aking pamilya sa Pinas. Sa kabila ng aking munting tagumpay, di ko nakalimutan ang aking pag-aaral, at ako ay nakatapos noong nakaraang Mayo 2010 na may mataas na marka.

Mula 2008 hanggang 2010, ako ay nag-modelo, pero kailangan kong huminto muna para pag-aralan ang linguwahe ng Finland. Napakabait sa akin ng Diyos, ako ay natanggap sa libreng pag-aaral at ito magtatagal ng sampung buwan.

Sa ngayon ako ay kasalukuyang nag-aaral ng linguwahe, pero di pa nakakauwi ng Pinas. Sa bawat simpleng tagumpay na aking nararanasan di ko nakakalimutang tumawag sa ‘KANYA’. Sa aking INA darating din ang araw na mayayakap ko kayong muli at mahal na mahal ko po kayo.

Muli, ako po si Benson Dulos at ito po ang mga ‘Biyaya ng Pagiging Banyaga’.

Mabuhay po tayong mga Pinoy.

Mabuhay po kayo

© 2010 – 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Administrator 118 Articles
© Copyright 2012, Filipino Nurses and this author. All rights reserved.