HappyRN’s Adventures in The Frozen Planet (Part One)

Animated nurse card (Photo credot: greetingcarduniverse)
Animated nurse card (Photo credot: greetingcarduniverse)
Animated nurse card (Photo credot: greetingcarduniverse)
Animated nurse card (Photo credot: greetingcarduniverse)

Paunawa sa mga readers:

Ang misyon ko po ay mapangiti kayo kahit sandali, mabawasan ang lumbay ng mga nalulungkot at mapatawa ang mga nagsusungit dyan sa pamamagitan ng pagbahagi ng ilang chapter ng buhay ko bilang isang nars. Kung ang inyo naman pong misyon sa buhay ay kutyain ang aking mga panulat at magreklamo ng wagas, eh ‘wag nyo na pong basahin  o ‘di kaya ay magsulat din kayo ng sarili n’yong kwento. Mapa-english man, o taglish ang gamitin kong wika ay walang pakialamanan. Iisa lang po ang buhay natin… Live it well. Live it happily. Live it right.

Kung likas na talaga sa inyo ang pagiging nega, ito lang masasabi ko: when you see my blog, hope it gives you hell, hope it gives you hell! When you walk my way, hope it gives you hell, hope it gives you hell! Kantahin mo pa kung gusto mo. 🙂

Erase! Erase! Erase! Magawi tayo sa ating main paksa… Sa dami ng nangyari sa loob ng apat na taon ko dito sa Canada, ‘di ko na alam kung ano ang uunahin kong ikuwento.

Umpisahan na lang natin sa mga unang araw ng pakikipagsapalaran. Na-culture shock ba ako? Ewan ko kung nangyari nga ba ‘yun sa akin. Naabutan ko pa ang mga huling araw ng summer dito. Akala ko nga nasa Manila pa ako dahil sa sobrang init. Napaka-dry ng klima dito kaya kailangang maligo ka sa moisturizer. Lahat ng body lotion ko “for extremely dry skin”. Subukan niyo ang Curel or yung Shea Butter ng The Body Shop, effective ‘yun sa may mga sensitive skin, promise. Dahil pag ‘di ka naligo sa lotion, para bang mapa-fast forward ang aging process mo. Ang mga chips nga kahit ilang araw na nakatiwangwang sa mesa, malutong pa rin. Mahirap din matulog sa gabi kasi maliwanag pa kahit 10:00 PM na. Nag-umpisa na rin akong makaramdam ng “gutom” after several days. Kakaunti kasi ang mga Filipino foods dito, lagi lang anemic o lantang sitaw at ampalaya ang nakikita ko sa Eastern Market kasi ‘di ko matsambahan ‘yung araw na bagong dating ang mga gulay dahil ang duty ko dati alternate WThF Days/Nights, tig-12 hours pa kaya ang days off ko ay mostly spent on complete bed rest lang. Plus masipag pa akong magOT noon kaya walang time para mag-food hunting. 🙂 Patay gutom ang lola niyo. Hehehe.

Buti na lang at may mga Pinoy dito na laging nag-iinvite ng lafang sa mga bahay nila kaya nakatitikim ako ng mga lutong atin. Isang grupo sila na bumibili ng buong pig at sila na rin ang kumakatay para lahat ng body parts ng kaawa-awang baboy ay gawing ulam. Sa mga grocery stores kasi, wala kang makikitang laman-loob na masarap sanang gawing bopis at papaitan o ‘di kaya ‘yung may taba-taba na pork na masarap sanang pang-adobo, o tenga/dila/utak ng baboy para sa dinakdakan (bawal daw, paranoid ang mga puti at baka daw pagmulan ng epidemya!). Mga Pinoy pa? Heavy duty ata ang mga sikmura natin, ‘di ba? Mga echoserang froglets! Nakagugutom to the highest level!!!

Tim Horton’s ang pinakasikat na kapihan dito… pumapangalawa lang ang Starbuck’s. Lahat ata ng nakatira dito ay nagkakape. Para bang wala sila sa katinuan ‘pag ‘di nakainom ng kape sa umaga. Sinubukan kong maging “in” pero nagkaka-heartburn ako. Iced Cappucino lang ang umubra sa panlasa ko. ‘Di kasi talaga ako nagkakape, pasensya naman.

Overwhelmed lang ako sa kaibahan ng ugali ng mga Canadians dito sa Saskatoon, in a very positive way. Bawat makasalubong mo sa kalye ay bumabati ng hi, hello, good morning, how are you, etc. Samantalang sa atin, walang pansinan. Laging may “thank you“, “excuse me“, “you’re welcome“,”I’m sorry” at positive adjectives ‘pag kausap mo sila. Masarap sa pakiramdam, ‘di ba? Nakaka-lift ng spirit at confidence. Ang mga bata dito ay encouraged to voice out their opinions and feelings kaya naman walang gaanong mahiyain, bibong-bibo at ang gagaling nilang magsalita! Nakatutuwa.

Excited ako sa unang winter ko dito sa Canada! First time kong maka-experience ng niyebe. Pagpatak ng snow noong December 2008, nagtatakbo kami sa labas ng condo at mistulang mga tinakasan ng bait ang drama namin sa front yard! Napapangiti na lang ang mga dumadaan sa kalsada. Sabi pa nung isang matanda, “I bet you won’t be this happy once the temperature goes down to -40 C!” Minus 40 C?!? What the hell? OMG! At nangyari nga kinatatakutan ko… windchill -57 C. Isa akong frozen delight. Layers and layers and layers of clothing, mata lang ang nakalitaw, nagmukha na akong astronaut pero maginaw pa rin! Napagtanto ko, pang Saudi Arabia lang pala talaga ang beauty ko. 🙁

Sa St. Paul’s Hospital kung saan ako na-assign ay nag-buddy shift muna ako ng two weeks saka ako pinag-duty on my own. ‘Di gaanong kagandahan ang lokasyon ng ospital na ito. Kumbaga sa Pinas, nasa Tondo ito. ‘Pag sinabing West side of town, danger danger! Karamihan kasi sa kanila ay IV drug users kaya malimit ang mga pasyenteng ito ay HIV+ at HepC+. Malas mo ‘pag ganyan na nga ang pasyente mo, tatapunan ka pa ng mabulaklak na salita. In short, verbal abuse. Feeling pa nila, isa kang aliping sagigilid. Kung makapag-utos akala mo mga de kampanilya na kailangang pagsilbihan ora mismo. Gusto pa nila, bigyan mo ng narcotics every half hour kung hindi, magdamag na nagri-ring ang buzzer nila at mabubulabog ang lahat ng pasyente sa buong unit! Maiimbyerna ka ng todo dahil magigising ang mga may dementia at dyan na magsisimula ang kalbaryo mo sa magdamag. Good luck na lang!

D’yan na-enhance ang aking pasensya. Korek na korek ka kung naisip mong patience is a virtue. At tulad nga ng sinabi ko sa pangalawang yugto ng Mayroon Akong Kwento, ‘di ako magtatagal sa ospital na ito hindi dahil nawalan ako ng pasensya kundi sumasakit lahat ng kasukasuan ko. Paliguan mo ba naman ang lahat ng pasyente sa umaga, mag-reposition ng bariatric patients, makipagtunggali sa mga nawawala sa sarili, at makipagdiskusyon sa mga bangag na pasyente… pati ikaw ay malulukring! Kahirap pa namang mag-ingles! Naging suki tuloy ako ng chiropractor doon sa 8th St. Buti na lang at puwedeng ma-claim ang chiro bills as a benefit of working for the SHR. So pagkaraan ng isang taon, habang intact pa ang aking skeletal at muscular systems, naghanap ako ng ibang posisyon.

Biniyayaan naman ako ng langit ng isang permanent full time position sa Royal University Hospital – Oncology Unit. Sabi ko, isang taon lang ako dito pero magtatatlong taon na, andito pa rin ako. Bakit kan’yo? Mula Manager of Nursing, Clinical Coordinators, Nurse Specialist, Nurse Educators, co-Nurses, Doctors, Social Workers, OT/PT/RT, Pharmacists, Dietitians, SCAs, Clerks, Unit Aides, janitors, switchboard operators, porters… they are simply AWESOME!

 

 

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in: