Isang Pahina Sa Buhay Abroad

Working abroad (Photo credit: whichoffshore)
Working abroad (Photo credit: whichoffshore)
Working abroad (Photo credit: whichoffshore)
Working abroad (Photo credit: whichoffshore)

Ika-17 ng Enero taong 2010 nang ako ay lumipad patungo dito sa Riyadh. 22 anyos pa lang ako noon. Punong-puno ng pangarap at pag-asa sa buhay. Baon ko lamang ay lakas ng loob at tiwala na magiging maganda ang kasasadlakan ko pagdating ko sa banyagang lugar.

Inihanda ko na ang aking sarili sa tinatawag nilang “culture shock” at kailangan kong makibagay sa lahat ng aking makasasalamuha. Ikinondisyon ko na din ang utak ko na kailangan kong habaan ang aking pasensya at kahit ano man ang mangyari ay paninindigan ko ang desisyon ko na umalis at magtrabaho dito sa ibang bansa.

Alam ko na iniisip ng ibang tao na ang suwerte ko dahil nakapagtrabaho agad ako at napakinabangan ko ang kursong apat na taon ko ding pinaghirap sa kolehiyo. ‘Di ba nga, maraming graduate ng nursing ay hanggang ngayon volunteer pa din. ‘Yung iba kung hindi sa call center eh tutor ang labas. Siguro nga sa aspetong ‘yun ay suwerte ako. Nakapagtrabaho ako bilang nurse. Kumikita bilang nurse. Pero ang hindi lang alam ng nakararami, sobrang hirap naman ang kapalit ng lahat ng ito.

Napakahirap po ng buhay dito. Napakahirap mapalayo sa pamilya. Napakahirap makipagsapalaran sa ibang lugar. Madami pong pagsubok. Parang araw-araw ay pupunta kami sa giyera. Kailangan ay laging handa. Lahat ay kailangang pakisamahan, dapat intindihin. Itinuro sa amin sa paaralan, bilang nurse, importante ang TLC. Pero tao din lamang po kami at napapagod din. Hindi po sa lahat ng oras ay napapanindigan namin ito. May mga araw na kailangang maging strikto, maging matapang. Dito po kasi maraming taong mapanamantala. Kung ‘di mo kayang ipagtanggol ang sarili mo, ikaw ang kawawa.

Minsan nga, naiisip ko, dito ko lang naranasan kung paanong mamroblema sa pera. Ang mag-budget para may maipadala sa Pinas. First time kong maranasan ang walang matirang pera na kahit barya. Dito ko lang din naranasan lahat ng gawaing bahay. Ang paglalaba at pamamalantsa na dati’y ayaw na ayaw kong gawin, nagagawa ko na. Natuto na din akong magluto ng ulam. Lahat na ata ng eksperimentong luto ay nasubukan ko na. Natatawa na nga lang ako. Kinailangan ko pa talagang lumayo para maranasan ko ang mahirap na buhay .Dito kasi kailangan mong magkusa dahil wala kang inaasahan na gumawa para sa’yo.

Pero alam niyo, hindi na importante sa akin ngayon kung maghirap man ako at mapagod. Hindi ko na din iniisip na malayong malayo sa nakasanayan kong buhay ang sinapit ko dito. Ang ininisip ko kasi ngayon, kapalit ng lahat ng ito ay nakatutulong ako sa pamilya ko na naiwan sa Pilipinas. Lahat po ay kaya kong tiisin para sa kanila. Lahat naman po nagtratrabaho sa ibang bansa ay ‘yun ang iniisip.

Mahigit isang taon na po ako dito. At sa maniwala kayo o sa hindi, luma pa din ang cellphone ko. Wala din akong nabiling mamahaling damit o alahas. Wala din po akong napasyalang lugar dito maliban sa “pinoy store’ tuwing mag-gro-grocery. At lalong lalo na, wala pa din po akong ipon. HINDI NA PO MAHALAGA IYON. Sa totoo lang, ang pag-uwi ko sa susunod na taon ang siyang tangi kong pinakaaasam. Ang makapiling muli ang aking pamilya, ang mayakap sila’t mahagkan, ang maranasan kung paano muling maging malaya, ang muling makapasok ng simbahan at makinig ng misa. Ang mga ito po ang aking lubos na kinasasabikan. Ilang buwan na lamang at akin na itong makakamtan.

Enhanced by Zemanta

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About april13 12 Articles
A graduate of West Visayas State University ..currently a Nurse in Riyadh,KSA