Liham Kay Lola Sa Kanyang Pagpanaw: Sa Ika-40 Days, at Babang Luksa

Grandma with grandchild (Photo credit: clevelandseniors)
Grandma with grandchild (Photo credit: clevelandseniors)
Grandma with grandchild (Photo credit: clevelandseniors)
Grandma with grandchild (Photo credit: clevelandseniors)

PUWEDE PA BA KITANG BAWIIN KAHIT SANDALI LANG? (PAGPANAW)

Ang daya mo talaga. Huli mo kong nakita nakaratay ka din, pero sabi ko sayo magpagaling ka ‘di ba? Bakit hindi mo ko nahintay? Alam mo ba na sinisisi ko ang sarili ko kung bakit ako nakampante na tulad ng dati, gagaling ka pa. ‘Di ba nga siyam ang buhay mo at ang masamang damo, matagal pang babawian ng buhay, ‘yan ang lagi mong sinasabi. Akala nga namin dati, kukunin ka na pero lumaban ka pa ‘di ba?

Nakita na lang kita pagkatapos ng mahigit dalawang buwan na wala ka nang hininga, sabi nila, hinahanap mo daw ako. At ako? nasaan ako ng panahong pakiramdam mo ay hinang hina ka na? Nang mga panahong halos hindi mo na alam kung saan ka huhugot ng hininga sa hirap na dinaranas mo? Sabi ko, handa na ko, kung talagang hindi mo na kaya, isusuko na kita sa Kanya. Pero sana hinintay mo ako… Lagi mong sinasabi na parang naghihimala na kapag nakikita mo ko, parang nagdadahilan lang ang sakit mo. Alam ko hindi na kita puwedeng bawiin pa. Para ibalik kita sa panahong hirap ka, at kahit hindi ko kayang makita ka sa ganyang kalagayan, dadamayan kita. Hahagurin ko ang likod mo tulad ng bata pa ako kapag binabantayan kita sa ospital. Ako lagi ang taga-kain mo ng rasyon kasi sarap na sarap ako (wala palang lasa ang rasyon, ngayon ko lang naisip). Tanda mo pa ba ng kinukuha na ko sa poder mo? Nagtago po ako sa bintana para lang ‘wag sumama sa kanya. Kasi gusto ko laging nakadikit sa saya mo. Natutulog ako sa hapon ng nakahiga sa mga binti mo. Nagagalit pa sa’yo si Nanay kasi kunsintidor ka daw, lahat daw ng gusto ko binibigay mo. Hindi mo ko kayang tiisin . Kapag nanalo ka na sa Bingo, binibigyan mo kaagad ako ng pera pambili ng gamit ko. Gagawan mo ng paraan makasama lang ako sa mga field trip ko.

Alam mo ba kung gaano kita kamahal? Kahit hindi ka perpekto sa paningin ng iba. Wala akong naramdamang galit sayo kasi lagi kong iniisip na mahal na mahal mo ako. Nangako ako na hindi kita pababayaan, na kahit talikuran ka nila, aalagaan kita katulad ng pag-aalaga mo sa’kin. Pero bakit hindi ko piniling makatabi sa mga huling sandali ng buhay mo? Siguro nga duwag ako, kasi sa totoo lang, ayaw kitang nakikitang dumaraing ng sakit. Sobra sobrang nasasaktan ako. Lagi mong sinasabing ayaw mo ng nahihirapan kami sa’yo. Ako, kahit kailan. hindi ako dumaing kasi kahit ano ang gawin ko, kulang pang kabayaran sa mga nagawa mo sa akin. Ang hindi ko kaya, ang makita kang umiiyak, naaawa sa sarili mo at parang gusto nang sumuko. Pakiramdam ko wala akong magawa at sobra akong nasasaktan kasi hindi ko natupad mga pangako ko sa’yo na hindi kita iiwan.

Mahal na mahal kita… Ayoko pang isipin na hindi na kita mayayakap pa. Hindi ko na maririnig mga panlalait mo sa katawan ko dahil sa sobrang katabaan (‘di ako nanalo sa pustahan nating papayat ako). Hindi na kita makikitang naglilinis ng kuko mo na halos abutin ng half day, ang kaartehan at pagiging banidosa mo, ang hilig mo sa palaisipan at ang pagiging panatiko mo sa diyaryong BULGAR. Maraming ala-ala ka na iiwan sa akin, sobra-sobra ang pagmamahal mo sa akin.
Kung saan ka man naroon ngayon, alam ko masaya ka na. Hindi ka na muling luluha pa… ‘Wag mo na kaming isipin dito. Malungkot at masakit para sa akin na iwan mo ako ng hindi mo ko nayakap at nahalikan. At ‘di mo nasabi ang pamoso mong linya “Dy, papayat ka naman anak. Ganda ganda mo pa naman dati“. Sobra-sobra kitang mami=miss. Dalhin mo sa pagpanaw mo ang sakit at lahat ng kalungkutan ko. ‘Wag mo kong pababayaan. Hanggang sa muli, paalam Eye (Lola Eye)…
Mula sa paborito mong apo,
si Candy

PAGTAPOS NG PASIYAM AT 40 DAYS, ‘DI NA BA KO IIYAK?

Ngayon lang ako namatayan ng malapit sa buhay ko. Masakit pala, sobra. Noon, akala ko ay kayang ibsan ang lungkot sa simpleng “condolence” at pakikiramay. Hindi ko nakita ang sarili ko dati na lalapit sa patay para yakapin at halikan sa paghahatid sa kanyang huling hantungan. Lalo naman ang makita ang morge at damitan ang patay.

Nailibing na ang mahal ko sa buhay, tapos na rin ang pasiyam. Hanggang kailan ako malulungkot? Pagtapos ba ng 40 days, ‘di na ba ako iiyak? Sana nga ganoong kasimple lang ang lahat. Inisip ko na lang na kung masakit sa akin ang pagtanggap, mas ‘di hamak sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa masakit na paraan. Kapag iniisip ko ‘yun, mas gumagaan ang pakiramdam ko. Habang lumilipas ang araw, alam kong tuloy ang buhay. Hindi titigil ang inog ng mundo at lalong hindi na kayang ibalik pa ang nakaraan kung saan titigil ka sa mga sandaling gusto mong balikan. Simple lang naman ang hiling ko, huling yakap at halik lang, huling pamamaalam, huling ngiti, huling sulyap… Simple lang ‘di ba? Pero napaka imposible.

Matatanggap ko rin ang lahat. Babalik din ang dati kong sigla. Makatutulog din ako ng mahimbing. Hindi na ko masasaktan sa pangungulila. Tapos na naman ang  ninedays. pagkatapos ng 40 days, ‘di na ba ko iiyak? May totoo bang pagbababang luksa? Sana nga, para pagtapos ng isang taon, puwede kong sabihing kumpleto pa rin ako kahit wala na siya. mangyari kaya ‘yon? Sana nga…

LIHAM SA BABANG LUKSA

Eye (Lola Eye),

Isang taon na at parang kailan lang. Ano na kaya ang hitsura mo? Masaya ka ba kung nasaan ka man ngayon? Binabantayan mo ba kami? May mga bagong kaibigan ka ba diyan? May bingo ba diyan? Palaisipan? Bulgar? Buti ka pa wala ka nang masyadong iniisip. ‘Di ka na umiiyak sa sakit o sama ng loob? Isang taon din na hindi kita nakita, o kailanman hindi na muling masisilayan. Isang taon din yatang hindi ako muling sumulat. Alam mo ba na umiiyak pa rin ako kapag naalala kita? Pero may kahalo nang ngiti at paminsan minsan. natatawa ako kapag naaalala ko ang lutong ng halakhak mo. Sayang, ‘di mo na nakita si Empay. Siya kasi ang pumalit sa’yo. Ang galing nga ng timing mo eh. Alam mo na may magpapasaya na sa amin kaya bigla ka nang bumitiw.

Alam mo ba na ang munting bibig ni Empay ay kawangis ng sa iyo? Kaya ang sarap niyang patawanin. Kaarawan niya ngayon. Halos isang buwan ng pumanaw ka. At matutuwa ka kay Nanay, kasi nakikita ko kung paanong inalagaan mo ako, ganoon din siya kay Empay. Sana nandito ka pa. Pero kung nandito ka siguro mahihirapan din kaming makita ka na nahihirapan. Hindi mo rin siguro nais na makita kaming nagmamahal sa iyo na umiiyak dahil nasasaktan kami para sa’yo.

Isang taon. Ang pagbababang luksa. Halos kumpleto kami ng araw na iyon. Ang saya saya namin. Alam kong pinagmamasdan mo kami. Nakangiti ka habang nakikita mo kaming nagkakasayahan at kumpleto sa araw mo. Dahil nung isang taon, umiiyak kami. Walang kahit anong salita ang puwedeng ihalili sa sakit na iniwan mo ng pumanaw ka. Lalo na sa paborito mong apo na hindi ka man lang nasilayan. Kahit lumipas ang maraming taon, hindi kita kalilimutan. Wala ka man ngayon at sabihin pa ng iba na hindi mo na alam lahat ng nangyayari sa mundo ng buhay, ipaparamdam ko pa rin sa’yo ang pagmamahal ko. Alam mo kung paano? Mas minahal ko si Nanay. Mas naging maawain at matulungin ako sa nakakatanda. (Mayroon akong binibilhan ng buko, isang matandang babae. Nilalako niya yung hawak-hawak niyang buko sa Guadalupe. Binibili ko ‘yun at binibitbit ko ‘yun kahit ang bigat para lang makatulong ako kay Lola).

Isa kang magandang alaala. Isang masamyong bulaklak. Maningning na bituin. Isa kang regalo sa buhay ko. Isang anghel. At ngayong wala ka na, binubuhay ng alaala mo ang pagmamahal mo sa amin. Maraming salamat, Eye.

Isang taon mula noon at magpasahanggang ngayon, may luha pa ring dumadaloy sa mga mata ko. Pero may ngiti ko nang sasabihin sa’yo. Paalam Eye, tanggap ko nang wala ka na talaga…

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.