My Multiple Choice

Multiple choice (Photo credit: instant-quizzes)
Multiple choice (Photo credit: instant-quizzes)

 

Multiple choice (Photo credit: instant-quizzes)
Multiple choice (Photo credit: instant-quizzes)

Kilala ko siya kapag nakukulangan siya sa pansin at atensyon. Nagkakaroon siya ng biglaang pagkakasakit na kadalasan ay sakit sa iba’t ibang parte ng katawan gaya ng leeg, likod, kanang braso, tiyan, paa, tenga, o mata.

S’yempre ‘di ko maiiwasan ang mag-alala, ako ang nag-aalaga sa kanya at ang biglaang pagkakaroon ng karamdaman ng walang dahilan o sintomas ng isang pasyente ay hindi basta-bastang kaso. Yung tipo ng sakit na mahirap suhulan ng gamot mapa-tabletas, injection o swero man. Binabayaran ako ng malaking halaga (daw) dahil sa kanya. At sa bandang huli, pag nagkasisihan, hindi ako magtataka kung ako ang unang isasakdal. Pero hindi ko siya masisisi, hindi biro ang mag-asawa sa edad na labing apat at magkaroon ng siyam na anak at mabalo sa loob ng 30 taon. Kung may isang ina akong pararangalan bukod sa sarili kong ina, wala nang iba pa, siya ang unang pipiliin ko.

Kahit papaano ay napamahal na sa akin si Mama. Si Mama na seryoso, istrikta, masungit at topakin. Trip niya lang naman na pagalitan ako araw-araw at tanungin ng Liesh (bakit) sa tuwing may problema kahit na hindi naman ako ang may gawa. Gusto niya, sa’kin niya nilalabas ang lahat ng inis, galit, pambabara at pagkapikon niya at higit sa lahat ay gusto niya ‘yang huwag na huwag akong magkakamali. Hindi dahil sa perpektong tao ang tingin niya sakin kundi talaga nga lang sadyang BAWAL kaya nagtataka ako tuwing may magsasabi ng GUSTO niya ako eh ramdam na ramdam ko naman to the highest level na HINDI.

Professionally and financially, gusto ko na lang tapusin ang kontrata. Malapit naman na ako mag-isang taon at pagkatapos noon ay isang taon na lang ulit at makararaos din ako sa sumpa. Wala naman nagtulak sa akin na tumalon sa bangin, sadyang pinilit ko lang humakbang kahit hindi ako sigurado kung lupa o hangin na lang ang aapakan ko, para lang masabi na mayroon akong napatunayan. Pero natatandaan ko pa ang sabi ng nanay ko noong bata pa ako. Kapag tinanong niya ako kung ano ang gusto ko paglaki, ang sagot ko ay ang maging KATULONG. Tawa lang siya pero proud siya dahil ngayon ay katulong na ko ng DOKTOR bilang kanyang NURSE.

Habang nasa taon naman ng kolehiyo, minsan akong nangarap na balang araw ay mag-aalaga ako ng matanda bilang PRIVATE nurse. MMMM (matandang mayamang madaling mamatay). Hindi lang iyon, wala siyang pamilya o kamag-anakan kaya lahat ng karangyaan na mayroon siya, kanino pa ba posibleng mapunta? (AHEM!!! Mangangarap na rin lang, bakit hindi pa maging ganid?).

Nakayayamot, para kaming nasa contest ng Takeshi’s Castle. Una-unahan kung sino ang survival of the fittest (topic sa philososphy of man) sa pagiging isang ganap na nurse na matagumpay na nakapasok sa isang government tertiary hospital (ng walang backer ha), may malaking sahod (mas ok kung abroad at kaunti lang ang tax) at syempre may hawak na area like OPD or ward nurse (I mean like diallysis or ICU nurse). Pansin mo ba kung bakit karamihan sa mga nagwo-work sa call centers ay RNs? Kadalasan din sila ang mga employed sa mga bangko, department store, pharmacy, med. rep, pawnshop, office, LRT, MRT, NLEX.

Hindi niyo kami masisisi. Hindi biro ang tuition fee, baon, load, nagkakapalang aklat at handouts (xerox), not to mention NANDA, DRUG HANDBOOK, MIMS, CARL BALITA (haha reviewer na effective ‘to, believe me). Blood pressure app., mercuric thermometer, OB bag na kumpleto dapat inside, anatomy kit, first aid kit (make up kit – required kaya ‘yan sa pagdu-duty), white shoes at Tide ultra mega powder para mapanatiling maputi at malinis ang uniporme sakali mang mapasabak sa duty habang kasagsagan ng bagyo. Kailangan din maganda at latest ang cp, may pang punta sa mall at inuman para ‘di masira ng pag-aaral ang barkada. Lahat ng ‘yan hindi namin kayang mabayaran kung pipiliin lang naming manatiling tambay at manood ng mga telenovelas tuwing gabi matapos maging registered nurse.

Private nursing? E bakit nga ba to, eh registered nurse ako. Mataas yata ang nakuha ko sa board exam. “Sinayang mo lang, ba’t andyan ka?”. Binging-bingi na ko sa panunudya niyo. Ganyan naman tayo, lahat magagaling lang magsipagsisi at puro sana ganoon, sana ganito lang. Eh ano naman ngayon kung wala ako sa ospital para pagalitan at maging sunud-sunuran sa doktor at matulog tuwing night shift duty? Ano naman ngayon kung wala na akong idea sa mga lecheng pangalan ng mga O.R. instruments bukod kina richardson at alice? Ano naman ngayon kung hindi ako nakasuot ng all white, not to mention pantyhose stocking para hindi magka-varicose veins? Hindi naman ako magkakaroon noon tutal hindi naman ako palaging nakatayo, dahil palagi lang akong nakaupo para titigan siya habang nakaupo rin at dapat hindi kumukurap baka kasi makawala (oo parang security guard niya ako). Dapat laging malinis ang tenga (baka hindi ko siya marinig sakaling kailangan niya ng tissue paper).

Simple lang ang samahan namin ni tanders (‘yun ang tawag ko sa kanya). Ang samahan siya sa lahat ng pagkakataon. Malakas pa siya at may matinong pag-iisip. Ang husay nga niyang bumilang ng mga pera at alahas niya. Baka daw kasi magkulang. Sa mukha niya, makikita mo ang pagiging pagkaseryoso at strikta. Kaya nga masaya ako kapag napapangiti ko siya. Gumagaan ng konti ang sama ng loob ko. Lalo na kung matatapos ko ang buong araw ng ‘di niya napagalitan at ‘di nakagawa ng kapalpakan.

Bago ako matulog sa gabi, palagi akong nagtatanong: bakit nandito ako ngayon sa mundo na kung tawagin ay boring at corny? Kasama ng isang matanda, at mga hindi ko makasundong alagad niyang baluga. Dahil ba: a. salbahe ako, b.karma ko ito or c. buti nga sa’yo! Tingin ko parang all of the above yata… pero serious mode, siguro God just wanted me to learn and realize some things in life that I used to kaliwali (dinededma) Matalino nga ako, pero tamad naman. Professional nga, wala namang alam sa buhay lalo na sa kusina. Mahal na mahal ko nga ang nanay ko pero hindi ko naman ‘yun naipadama sa kanya.

God brought me here to see my life in another way na hindi ko nakikita at binibigyan ng priority. Nandito ako para matutunan ang moral lesson and right conduct (awardee?), nandito ako para matutong makisama at makibagay, matutong maging mapagtimpi at mapagpasensya, matuto na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nandyan ang ina ko, mga kapatid o  asawa ko na kayang saluhin ang mga bagay na dapat lang naman ako ang gumagawa. At higit sa lahat, matutong magmahal bilang isang anak sa isang ina.

Nagkaroon ako ng sariling pamilya sa hindi inaasahang pagkakataon, oo medyo natagalan bago ako nakarecover at nakapag-adjust. Ilang taon ko ring pinagdusahan ang pagsisisi at panghihinayang at pinagod ang utak kaiisip ng “what if”. Ngayon, mayroon na rin akong sariling anak at naramdaman ko nang maging isang ina. At mas lalo kong naramdaman ang pagmamahal ng isang magulang sa anak na kadalasan ay binabalewala ko lang noon. Sa bawat oras na pamamalagi ko dito, marami akong na rerealize at natututunan. Kung mayroon man akong dapat ipagpasalamat sa pagiging private nurse, hindi iyong natatanggap kong buwan-buwang sahod o hadiya, o ang pagkakaroon ng pagkakataong malibot ang buong Abu dhabi o Dubai ng libre. Iyon ay ang pagkakataong maging parte ng buhay ang alaga kong babaeng matandang pasyente. For about six months pa lang na kasama ko siya, naka-fully recovere na siya from her total left knee replacement. And the rest was history.

Thank you mama, dahil mas naging mabuti akong ina at anak.

Hindi pa ko puwedeng magsalita o mag-type ng tapos. May 16 months pa akong nalalabi, although obvious ba na pinipilit ko lang magpaka-positive para labanan ang lungkot at kumbisihin ang sarili na “ayos lang ako dito, yakang-yaka ang laban.” Malay natin pag-uwi ko pwede na pala ang life story ko iere ni Ate Charo. Hmmmm… teka ano nga bang magandang title na pag-uunahang mahulaan para sa isang box na dates na premyo? a. Weh, ‘di nga? b. Ang bobong nurse? c. Alamat ni tanders? d. Unipormeng puting-puti? e. Homesick syndrome effect. Sa tingin ninyo, ano rin kaya ang magandang title ng sulatin kong ito ngayon??

 

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in: