Narsing: Ang Napili kong Propesyon

Bakit ito ang pinili mong propesyon, ang maging isang nurse?

Ako? Hindi ko pinili ito, ni hindi ko pinangarap noon na maging isang nurse. Bago ako makatapos ng hayskul, sabi ko sa sarili ko kukunin ko ang kursong pinapangarap ko. Pero hindi, tumapak ako ng kolehiyo na hindi yung pinangarap kong kurso ang nakuha ko. Sa dinami-dami ng kurso na pwedeng kunin bakit ba kasi Nursing pa ang pinakuha sa’kin. Ni hindi pumasok sa isipan ko na maging isang nurse.

Bakit Nursing? Ito ang gusto ng tita ko, siya kasi ang nagpapaaral sa’kin, sumangayon lamang ang mga magulang ko. Alam mo ba yung wala ka ng pagpipilian pa, kundi tanggapin na ito kung ayaw mong di makapasok ng kolehiyo. Okay, tinanggap ko. Noong una iniisip ko kaya ko ba talaga ito? Magugustuhan ko kaya ito? Matatanggap ko ba talaga ito? Sinagot ko ang mga tanong na ito sa sarili ko sa isang pangungusap at isang dahilan. “Para sa mga magulang ko gagawin ko, sino ba naman ako para tumanggi, wala akong karapatang magreklamo”

Noong unang araw ng pagpasok ko, lahat bago, hindi ko inaasahan na ganito pala ang mundo kong gagalawan sa loob ng apat na taon, hindi man lang pumasok sa isipan kong mag-alaga ng taong may sakit o mamamatay na. Kaya na rin siguro pinakuha sakin ang nursing dahil ang tatay ko ay nagkaroon na ng cancer noon, naoperahan na ng maraming beses, na ICU na ng apat na beses, madalas maconfine at kung ano ano pa hanggang ngayon. Mabalik ako sa aking kwento, noong tumagal na ang pagpasok ko, lubos kong naunawaan ang lahat. Natuto akong mangarap, pinangarap kong maging isang kilalang nurse, isang magaling na nurse at natutunan ko ang pagiging makabayan.

Marami na rin akong nakasalamuhang mga nurses mula sa iba’t ibang pribado at pampublikong ospital at marami na rin akong kwento na narinig at mga payo na aking isinasapuso. Natututo ako sa bawat pakikinig sa kanilang mga kwento. Sabi nila sa akin, ang isang nurse ay dapat marunong umunawa, dahil ito ang pinili mong landas, alam mo dapat ang mga bagay na kakaharapin mo sa hinaharap. Sa pagpili sa ganitong propesyon, dapat handa ka na sa mga reyalidad ng buhay. Pero bilang isang nurse dapat mong isa alang alang mga ilang bagay. Kahit marami kang pasyente at di ka pa kumakain o umiihi wag mo ng ibaling sa pasyente ang yamot mo, may sakit na yung tao dadagdagan mo pa ang paghihirap nito. Natutunan ko din sa kanila na hindi dapat ako magreklamo sapagkat ginusto ko ito at dapat harapin ng walang pag iimbot at dapat tapat sa tungkulin. Responsibilidad natin ang ating mga pasyente.

Hayaan niyo po akong ikwento sa inyo ang isang karanasan. Duty po kami sa community, mag iinterview po kami ng mga PHN, sa kagandahang palad, nakilala namin ang isang PHN III or IV na ata siya na nagsisilbi bilang nurse sa loob ng mahigit 30 years. Hindi ko lamang maalala ang kanyang pangalan. Nasasakupan niya ang humigit kumulang na 25 barangay, na binubuo ng libo-libong pamilya. Napakabigat na gawain. Naatasan siya na mag-assess lahat ng pamilya sa mga barangay na yoon. Sabi ko parang ang hirap dahil hindi kakayanin sa loob ng 4-8 buwan kung wala pang 20 ang mga kasama mong nurse. Sabi niya sa akin, may teknik daw para magawa iyon, sipag at tyaga at tiwala sa sarili lamang, magagawa mo yoon. Nabanggit din niya na may mga pagkukulang ang gobyerno sa mga gamot, ibang gamit at resources, pero ganoon daw talaga. Kailangang tanggapin ang katotohanan. Humanga ako sa kanya sapagkat ibinuhos niya ang mahigit 30 taon ng buhay niya mapagsilbihan lamang ang bayan.

Nagcacancer siya noon ngunit hindi siya tumigil na magsilbi sa bayan, gingampanan pa rin niya ang kanyang tungkulin. Hindi lamang siya isang nurse isa rin siyang ina sa apat na supling ngunit sa kasamaang palad namatay ang isa niyang anak dahil sa isang sakit, pero kahit ganoon wala siyang sinisisi. Lumaki ang kanyang mga anak ng maayos kahit gabi na siya nakakauwi dahil sa 10-12 oras na trabaho kasama pa ang sabado at linggo pero half-day sila. Napakahirap para sa isang ina na namatay ang iyong anak na wala kang nagawa pero sabi nga niya, ito ang propesyon na kanyang pinili. Minsan may mga naririnig naman siyang mga bagay sa iba na kesyo kulang sa gamit o gamot, bilang isang nurse sabi niya, kailangang ipaliwanag kung bakit ganuon, kung bakit may mga pagkukulang. Sabi niya sa amin dahil kulang ang resources nila sa pera at gamot, manpower ang kanilang pinagagana. May mga naririnig din daw siyang masasakit na salita dahil nuon, sabi niya pagpasok sa isang tenga labas sa kabila, huwag na po nating damdamin ang mga naririnig natin.Isa pang kwento nya na minsan nagtrabaho siya sa abroad ng 2 taon, pero umuwi din siya, malaki ang kita niya duon pero ang puso niya ay nasa pagsisilbi sa kapwa Pilipino at pagsisilbi sa bayan. Mas pipiliin pa niyang magsakripisyo siya para lamang sa ikabubuti ng nakakarami at para makatulong.

Hangang-hanga ako sa kanya ng marinig ko ang kwento niya, isa siyang napakadakilang nurse, hinangad ko na sana maging ganoon din ako. Isa siyang napaka maganda at mabuting halimbawa sa lahat. Nasabi niya na minsan delayed ang kanilang sweldo ng ilang buwan kaya lumalapit siya sa gobyerno para matugunan ito, papaano na nga naman ang kapwa niya nurse na naghihirap para mapabuti lamang ang kalagayan ng mga nasasakupan nila.

Humihingi po ako ng paumanhin sa mga nasaktan ko sa last post ko. Hindi ko po intensyon na yamutin kayo o galitin. Gusto ko lang pong ipakita at ipahiwatig na may mga nurses din pong nagkakamali. Bakit hindi po ninyo sila tulungan. Ituwid po ang baluktot na gawain. Katulad ko po isang estudyante nagkakamali pero may C.I. po ako na magtatama ng mali ko, katulad po sa ospital kung may kasamahan po kayong alam ninyong may mali, tulungan po natin at turuan. Tulad nga po ng nabasa ko dito ideal lang ang tinuron ni Kozier pero sana naman po gawin natin sa magandang paraan at tama.

Hindi ko po nilalahat ng nurse at ospital yung nasa last post ko. Gusto ko pong linawin sa inyo na may iilan po na gumagawa nuon. Kung maganda po ang ginagawa niyo, tama, kung masipag at matiyaga kayo, kung nagtitiis man po kayo para lang sa pasyente nyo, SALUDO po ako sa inyo. Isa po kayong magandang halimbawa, ang nurse na katulad nyo ay dakila at maituturing na bayani ng ating bayan. Nakikita ko din naman po ang paghihirap ng ibang nurse at akin pong nirerecognize yun at hanga po ako sa mga nurse na nagtitiis para lang makatulong. Magtulong-tulong po tayong lahat para tulungan ang mga may sakit. Magtulungan po tayo para mapaunlad ang kaalaman at kakayahan ng bawat nurse sa ating bansa.

Salamat po at Pagpalain po nawa tayo ng Poong Maykapal.

Photo credit: talakayanatkalusugan.com

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.
  • kuting

    mabuhay ang mga Nurses:-)

  • joana

    nursing graduate naging registered nurse, nagsilbi sa bayan bilang volunteer nurse, at ngaun wlang trabaho. Gnun p man handa prin tumulong at mglingkod. Pareho lng mga kwento ng nurses. Gnoon dn ang sken ūüôā mabuhay!