“Sa Sampung Riyales”

Nakilala ko kanina ang isang matanda, suot ang napakaduming damit (di naman siya taong grasa pero in the process na) at napakabaho yung tipong pag dumadaan siya nanunuot sa ilong ang masamang amoy niya at naiiwan, literal na amoy ihi siya. Pabalik-balik siya dito sa klinika, noong una akala namin namamasyal lang ang matanda at nagpapalamig (kasi dito, ginagawa ng mga lokal na pasyalan ang klinika), siguro nabobored na ang matanda sa bahay nila,walang magawa kaya dito nagpunta. Nitong mga nakaraang araw, nagtatanong na sya kung andiyan ba ang doktor (dahil kadalasan di niya ito naaabutan), sabi ng kasama ko, baka may itatanong lang sa doktor o hihingi ng libreng gamot na galing sa mga medrep dahil mukha namang wala siyang pambayad pangkunsulta. Dumadating siya lagi ng maaga kahit makailan ulit siyang sabihan na ang dating ng doktor ay alas diyes ng umaga. Aaminin ko na sa tuwing dumadating siya, ang laman ng isip ko “Hay naku manong, please lang wag kang lalapit sa akin dahil di ko carry ang amoy mo!”(pede sa kasama ko na lang? May option ka naman di ba?), pero ewan ko ba kung bakit sa akin siya lumalapit at ako ang pinagtatanungan (malas!!) at sa mga sandaling iyon sa literal na amoy ihi niya, literal ding hindi ako humihinga.

Ngayong araw dumating na naman siya at sa akin nagtanong (kung may winning spree, may jinx spree ata ako).

“Nandiyan ba ang doktor?” tanong niya, at tulad ng mga sagot ko noong nakaraang araw,

“Wala, alas-diyes pa ang dating niya” at sinundan ko ng “May labinlimang minuto pa, kung gusto niyo maupo muna kayo at maghintay.”

Umupo at naghintay nga siya….ng labinlimang minuto (infairness 15 minutes nga kasi lagi siyang naka tingin sa relo niya), tumayo siya at lumapit sa akin (eto na naman).

“Akala ko ba alas-diyes,bakit wala pa siya?”

“Manong, anong malay ko kung anong oras gusto niya dumating basta ang alam ko alas-diyes ang umpisa ng duty nya.”

Umatake na naman ang katarayan ko…sa isipan, pero eto talaga ang sinabi ko:

“Hindi ko alam kung bakit siya late ngayon tatay, maghintay lang kayo, maya-maya darating na siya.”

Hindi siguro siya naniwala sa sinabi ko kaya dumeretso siya sa reception at nagtanong, nag-usap sila kahit na di ko masyado naiintindihan dahil konti lang ang salitang alam ko sa lenggwahe nila, nakita ko naglabas ng file ang taga-reception, at naiintindihan ko na magpapakonsulta si manong at sa kamalas-malasan nga naman ako ang mag-aasisst sa kanya sa doktor. Kinuha ko kay manong ang file, at nabasa sa resibo na nagbayad siya…ng 10 riales malayo sa tunay na presyo ng pagpapakonsulta na 50 riales. (Aba’y may 80% sale pala ang klinika, bakit di ko alam yon?) TRIVIA: kinompute ko sa pamamagitan ng cellphone ko kung magkano ang naging discount niya kasi may kabobohan ako sa math. Sa mahabang salita, kinaawaan siya, namangha ako sa taga-reception noon, marunong pala itong maawa kahit na totoong iresponsable siya at para lang naglalaro sa trabaho niya.

Dumating na ang doktor at tinanong siya kung anong problema. Ang naiintindihan ko lang ay may sakit siya. Sinabihan siya ng doktor na mahiga muna siya, lumapit ako para kuhanan siya ng temperatura at BP, nang di pa din ako humihinga at diring diring itinataas ang sleeves niya. Matapos ko siyang kuhanan (normal naman lahat), hindi ko alam kung guni-guni ko lang pero ngumiti siya sa akin at nagbukas ng wallet nya, nakita kong tig-iisang riales lamang pera niya, may pera siya pero parang wala (props lang), at akmang bibigyan ako. Sumenyas na lang ako na patanggi. Pinalapit siya ng doktor at binigay ang prescription para sa injection, tiningnan ko kung anong gamot ang nilagay. Nakanang!Tinamaan na!Umatake na naman ang kagahamanan ng manggamot na ito (kumpleto mula sa suwero hanggang sa pain reliever), kahit na mukhang gusgusin si manong ay di niya pinalgapas,wala pa ring kupas! Wala naman akong magagawa, sinabi ko kay manong na pumunta uli siya sa reception dahil may injection siya. Nagpunta nga si manong, at maya-maya ay bigla siyang sumigaw, galit (kasi naman anong ipambabayad niya eh ang mahal nun!), nagpaliwanag ang taga-reception kung para saan ang gamot na iyon at ganoon talaga ang presyo ng mga ito, dahil sa tawag ng pangangailan nagpunta ako sa CR at inaasahang aalis na lang siya. Pagbalik ko ay nakita kong galing siya sa klinika ng doktor at may hawak na 200 riales (may natatago pa palang kayamanan si manong), agad siyang nagpunta sa reception at nagbayad.

Muli niya akong nilapitan at ibinigay ang resibo nang napansin kong 10 riales na lang ang sukli niya. Sa oras na tinutusukan namin siya para sa suwero, napansin ko na basa ang isang mata niya (guni-guni ko na naman siguro), bumalik ako para tingnan ulit siya, basa ang isang mata niya at ang isa pa, umiiyak si manong (hindi na ito guni-guni). Ewan ko ba pero naramdaman kong kumislot ang dibdib ko at naawa ako at nahiya, nahiya sa sarili ko sa mga panghuhusga ko sa kanya. Sabi ng kasamahan ko,

 “Naradaman niya sigurong nagkecare tayo.” 

TAYO. Kumislot ulit ang dibdib ko dahil siguro sa konsensya at dahil sa gustong makabawi, tinanong ko siya,

 “Ilang taon ka na?”

 May iba pa siyang sinabi pero hindi ko maintindihan, dahil kabisado ko ang numero sa lenggwahe niya, nalaman kong 75 years old na siya. Tinanong ko siya ulit,

“Saan ang bahay mo?”

Nabanggit niya ang isang kalye dito, yun lang ang mga naitanong ko dahil sa limitasyon sa lenggwahe pero gusto ko pang magtanong ng magtanong. Tanungin siya kung may mga anak ba siya? O asawa? Gusto kong alamin kung bakit siya pinabayaan ng ganito, na di man lang pinapaliguan o pinapalitan ng damit o kahit samahan man lang siya sa pagpunta dito.

May sakit siya. May sakit dahil sa kakulangan ng atensyon, pag-aalaga, pagkalinga at pagmamahal. May sakit siya, pero sa totoo mas may sakit ako dahil sa masamang inisip ko, panghuhusga at pandidiri sa kanya.

Naging tulad din ako ng mga taong nagwalang-bahala sa kanya. Hindi ba higit na mas mabaho ang karakter na ipinakita ko kaysa sa amoy niya at higit na mas madumi ang ang inisip ko kaysa sa damit nya? ‘Di yun matatanggal kahit ilang beses pa siguro ako maligo, di pa din mababago nito kung paano ko siya tinrato. Nalaman ko na wala pala siya talagang pera, tama ang nakita kong laman ng wallet nya, binigyan siya nang inakala kong gahamang doktor. Siguro nag-usap sila at nalamang ang tunay na istorya at kalagayan nya, nahabag at binigyan siya ng pera. Naawa sa kanya. Hindi ko nga lubusang alam ang lenggwahe nila pero di ko pwedeng pang-excuse ito dahil may mga bagay na di kailangan ng mga salita, kailangan mo lang makiramdam. Kadalasan ang mga mata pa natin ang nagtatakip sa mga bagay na puso lamang ang nakakaintindi. Ito ang tumatakbo sa isipan ko habang tinitingnan ko siya, nang bigla nyang inabot sa akin ang 10 riales (ang sukli), ngumiti ako at magalang na tinanggihan siya, saka nagpasalamat na lang. Pera ang paraan niya para magpasalamat. Marami nga talagang nabibili ng pera pero sa kanya ko nalaman na may iba pa itong pwedeng bilhin. Iniisip niya kung sana may mas marami pa siyang pera baka mas maraming atensyon, pag-aalaga ang makukuha pa niya.

Higit pa sa suwero, antibiotic at pain reliever na ibinigay namin sa kanya; gumaling ang pasyente tulad niya dahil sa oras lamang na nilaan sa kanya. Hindi ko na nakitang umalis si manong dahil may iba pa akong pasyenteng pinuntahan pero alam kong sulit na siya sa binayad niya.

Photo credit: mypivots.com

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.
  • Anna

    kahit na sabihin mapahusga tayong mga pilipino may konsensya pa rin tayo sa kapwa natin kahit anong lahi pa man ito… saludo ako sayo. God Bless u more

  • tony acuna

    i can relate to the story.dati ganyan din ang treatment na natatanggap ko sa hospital na malapit dito sa villa namin.noon,pagpumupunta ako sa hospital,itinataon ko na after my duty kaya palagi na lang ako naka rubber sandal at naka t-shirt.kabaligtaran sa inasahan ko ang nangyari dahil kapwa pinoy ang mga nurses dito sa hospital,akala ko magkaroon ako ng info tungkol sa sakit ko lalo na sa sangkatutak na gamot na neresita ng doctor.mahigit isang daang riyal ang binabayaran ko eventhough may health insurance naman ako.lately,i visited the same hospital in an outfit that fits my job as a project manager and to my surprise,iba na ang dating ng mga kababayan natin lalo na ng malaman ng doctor the true nature of my work.thanks God,lumipat na ako sa ibang hospital for my monthly check up and i got the kind of treatment that we pinoys working here in the kingdom are longing for from the pinoy nurses din.nevertheless,saludo pa rin ako sa lahat ng filipino nurses kasama na diyan ang dalawa kong anak who have choosen this noble profession