Sana …

Disi-nuebe anyos ako nang maging isa akong Rehistradong Nurse. Masasabi ko na sa edad kong ito ay madrami na akong naranasan na maaaring hindi pa naranasan ng iba lalo na noong estudyante pa lamang ako. Hindi sa pagmamayabang ay hilahin ako ng aming Instruktor noon sapagkat madali akong makaintindi at matuto ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa mga pasyente.  Sa ngayon ay isa akong trainee sa isang pribadong Hospital dito sa aming probinsya. Kahit ang pinapasukan ko ngayon ay pribado , maraming pa ding eksperyensya na matututunan ang mga trainee na kagaya ko at itinuturing nila kami na mismong isang STAFF. Pero hanggang sa kasalukuyan may isang pangyayari sa aking nakaraan ang hindi ko malimot-limot.

 Isa itong karanasan noong ako ay isang estudyante pa lamang. Ang mga pangalan kong gagamitin dito ay mga hindi totoo  dahil masyado itong confidential.

Duty kami ngayon mula alas-tres ng hapon hanggang alas-onse ng gabi sa isang hospital. Ang instruktor namin ngayon ay isang dalaga, matagal ng nagtatrabaho sa ospital na ito, magaling na guro (sa totoo lang siya ang pinakapaborito ko sa lahat) dahil lahat ng pupwedeng gawin sa pasyente ay pinapagawa niya kumbaga ay HANDS-ON ka mismo, istrikta pero mabait. Nagkataon na ang duty namin para sa araw na ito ay OR/DR.

Dito sa lugar na ito ay seasonal ang nanganganak, halimbawa mas maraming nanganganak dito kapag September to December. At ngayong panahon na ito ay walang masyadong pasyente na nanganganak. Bandang alas-kwatro na ng hapon ng may isang sasakyan na  papunta sa Emergency Room ng hospital, nagkataon na katatapos lang manganak ng isang pasyente at kadadala lang namin sa kanya sa kanyang kwarto na nagkataong malapit lamang sa ER. Ang pasyenteng dinala sa ER ay mabilisang ipinasok sa DR matapos makuhanan ng impormasyon sapagkat ito daw ay dinudugo. Tanging ang kanyang ina lamang kanyang kasama, napansin kong hindi ito mapakali at hindi masyadong sumasagot sa mga tanong ng ibang Nars. Naabisuhan na din namin ang OB at papunta na din daw sa hospital.

Nang makita ko ang pasyente ay agad akong namangha sa kanya. Ang ganda kasi niya at sa aking tantya ay kaedad ko lamang siya. Ako ang hinila ni Mam pati na rin si Trisha, ang isa sa aking kagrupo. Yung iba sa grupo namin ay doon muna pinaduty ni Mam sa ER at WARD habang ginagabayan ng ibang Nars na nag-iInstruktor din sa aming paaralan, hindi kasi maaaring madami ang estudyante sa OR/DR.

Pagdating sa DR ay agad namin itong inilipat sa kama at nilagyan ng aming instruktor ng swero. Umimik din ang aming instruktor na “Mamaya sasabihin ko sa iyo ang tunay na kwento, at buntis ang pasyente natin ngayon”. Napaisip ako sa sinabi ni Mam, ano kaya ang tunay na kwento na iyon? Ina-assess ko ang aking pasyente kinuhanan ng V/S, matapos nito ay aking binuksan ang kanyang diaper at napansin kong madugo ito at may buo-buo pa. Napag-isip ko agad na maaaring ito ay nagpalaglag dahil hindi mo mapapansin malaki ang kanyang tiyan. Tinatanong ng aming instruktor ang pasyente at ang sagot lagi nito kung hindi tatango ay iiling lamang. Siguro ay nahihiya.

Nang makaraan ang may limang minuto ng tingnan kong muli ang kanyang diaper ay biglang may lumabas na ulo sa kanyang pwerta, nagmamadaling nag-gloves si Mam pati na rin ako at si Trisha. Sinalo namin mismo ang sanggol. Kasi sa totoo lang mismong taong-tao na siya, kumpletong-kumpleto na, kung pagmamasdan mo ay may limang buwan na siya. Naluluha ako habang hawak-hawak ko ang napakagwapong anghel na walang kamuwang-muwang sa mundo na agad naghirap sa tiyan ng kanyang ina, hirap na hirap sa pagsinghap ang anghel ng oras na iyon at agad ding tumigil. Sobrang pagpipigil ang aking ginawa huwag lang akong mapaiyak ng oras na iyon. Tiningnan ko din si Trisha at kita ko na may namumuo ding luha sa kanyang mga mata. Nang mga oras na iyon ay sari-saring emosyon ang aking nararamdaman.

At ang dami ding tanong na pumasok sa isipan ko. Bakit kailangan ipalaglag pa yung sanggol? Bakit hindi na lang binuhay niya at ipinaampon? Bakit siya na mismong sarili niyang anak ay nagawa niya ang bagay na iyon dito? Bakit kailangan magdusa agad ang isang anghel na kagaya niya? Ang daming tanong na bakit na naglalaro sa aking isipan.

Naiinis ako sa pasyente kasi bakit naman ganoon ang nangyari, pero hindi ko alam ang tunay na kwento, hindi ko din alam kung ano ang nangyari at alam ko sa sarili ko na wala akong karapatan na husgahan siya at wala akong karapatan na magalit sa kanya.

Makaraan pa ang ilang minuto ay dumating  na din si Doktor.

Doktor: Ano kamusta ka na? Masaya ka ba sa ginawa mo? Alam mo naman na may laman ang tiyan mo tapos kung anu-ano ang iinumin mo? Ineng bata iyang nasa sinapupunan mo. Bakit mo naman iyon nagawa?

Kita ko ang pasyente na may luha sa kanyang mga mata, hindi ko alam kung para saan iyon,  dahil ba nakokonsensya siya sa kanyang nagawa o dahil sa sakit ng katawan na nararamdaman niya ngayon.

Doktor: Dapat nga hindi na kita gagamitan ng anesthesia habang niraraspa kita ng madala ka sa iyong ginawa. Alam mo dadalhin mo iyan kahit saan, konsensya mo iyan, anak mo iyan, dapat minahal mo siya, hindi ganyan ang ginawa mo. Naiiyak ako sa totoo lang kasi buhay iyan eh. 

Isinapuso ko lahat ng sinabi at pangangaral ni Doktor sa pasyente. Kasi sa totoo lang wala tayong karapatan na alisan ng buhay ang isang tao kasi tao lang din tayo, hindi tayo ang Panginoon.

Matapos alisin ni Doktor ang bata ay kanya agad itong ibinigay sa akin. Hinayaan na lamang ni Mam si Trisha na tumulong kay Doktor. Tapos kaming dalawa naman ni Mam ang nagtulong na linisin ang anghel. Pinunasan at dinamitan namin siya. Kitang-kita sa mukha ng anghel ang kanyang kagwapuhan. Masyado akong nanghinayang. Sana binuhay na lang siya. Sana ibinigay na lang siya sa mga taong walang anak. Ang daming sana ang aking naiisip.

Matapos ang lahat ng pag-aayos sa anghel ay aming itong inilagay sa kahon at ibinigay sa kayang Lola.

Mam: Ito po ang inyong apo. Maari ninyo po siyang dalhin sa ating altar at inyong dasalan.

Kitang-kita ko ang paraan ng paghawak ng Lola sa kahon, parang ayaw niya dito, sa totoo lang parang ayaw niya itong hawakan man lang. Matapos niyang dalhin ang anghel sa altar ay agad din niya itong iniwan doon, hindi man lang niya ipinagdasal, basta na lang niya ipinatong sa tabi ng rebulto ni Mama Mary at agad din siyang umalis sapagkat nakita niya inilalabas na ang kanyang anak mula sa DR.

Nahahabag ako sa anghel, masyado siyang pinagkaitan ng pagmamahal. Sa tingin namin ni Mam ay walang pakialam ang Lola sa sanggol. Pagkatapos ihatid ng aming ibang kagrupo ang pasyente sa nakalaang kwarto ay nilinis na namin ang mga  nagamit.

Masyadong napagod ang aking utak sa mga pangyayari. Maya-maya pa ay kinausap na kami ni Mam tungkol sa nangyari kanina.

Mam: Alam ninyo ba na uminom siya ng gamot na pampalaglag. (Hindi ko na po babanggitin kung ano yung gamot na iyon) Bukod pa sa ininom niya ay naglagay din siya ng dalawang piraso sa kanyang pwerta. 

Masyado akong nabigla sa sinabi ni Mam, ngunit mas nabigla ako sa sunod niyang sinabi…

Mam: Mas nalungkot ako sa nalaman ko, yung Ina ng pasyente, siya mismo ang bumili ang gamot. Siya mismo ang nagpainom dito. Nalaman kasi ng boyfriend nung pasyente na buntis siya. Nang malaman ayon tinakbuhan at hindi pinanagutan. Ginawa lahat ng Ina nung pasyente para mawala yung kanyang apo, kasi pumapasok pa daw ang anak nito at ayaw masira ang pag-aaral at kinabukasan. At ayaw na may makakaalam na ibang tao sa kanilang lugar. 

Hindi na matanggap ng aking sistema ang aking mga narinig. Hindi ba naisip ng Lola na mas lalong masisira ang buhay ng kanyang anak kasi habang buhay niya iyon dadalhin sa kanyang konsensya? Wala ba silang mga puso at nagawa iyon?

First time kong makahandle nung ganung pasyente. First time kong maka-encounter ng ganung klase ng tao. Hindi ba siya ang Ina dapat siya ang gumabay sa kanyang anak. Ginawa nila iyon kaya dapat panindigan nila. Dapat buong pusong tinanggap nila ito kasi kaloob ito ng Panginoon sa kanila. Ang daming dapat pero kahit isa ay hindi ko maisatinig. Kinausap ng Doktor ang Ina ng pasyente. Hindi ko na sasabihin ang napag-usapan at masyado ng confidential.

Kami lamang dalawa ni Trisha ang nakakaalam ng buong kuwento na ito. Hindi ito binanggit ni Mam sa iba naming kagrupo.

Hanggang ngayon ay naiisip ko pa din ito.  Kasi naiisip ko sana hindi na lang siya inalisan ng buhay ng kanyang Ina. Sana hindi siya pinagkaitan na makita ang makulay na mundo. Sana ibinigay na lang siya sa mga taong tatanggapin at mamahalin siya nang buong-buo. Hindi makatarungan ang pag-aalis ng buhay ng isang sanggol. Sana wala nang gumawa ng aborsyon. Sana lahat ng tao may konsensya. Sana lahat ng tao kayang panindigan ang kanilang ginawa. Sana..

© 2014, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in: