Si Mabait at ang Lepto Niyang Hatid

Rats (Photo credit: nhs)
Rats (Photo credit: nhs)
Rats (Photo credit: nhs)
Rats (Photo credit: nhs)

Ilang araw lumubog sa baha ang buong Kamaynilaan, kasama pa ang ilang probinsyang malapit dito. Kung tutuusin, wala namang bagyo, ngunit kung bakit di pangkaraniwan ang ulan na ibinagsak ng langit na patuloy na nagpaapaw sa mga ilog at iba pang anyong tubig. At kung may baha, panigurado may kabuntot na sakit, at para sa lahat na apektado, mas maganda siguro na alam natin kung paano maiiwasan ito.

Dati mahilig akong magtimpasaw sa baha. Nung bata pa ako, pakiramdam ko pribadong swimming pool ko ang harap ng bahay namin na puno ng umaapaw na tubig sa katabing irrigation system. Pero sa ngayon, mukhang di mo na mae-enjoy ang tubig-baha, dahil sa dami ng sakit na maaring makuha mo dito. At pinaka-notorious sa kanila, ay ang Leptospirosis.

Ang sakit na Leptospirosis ay unang natuklasan ng isang team sa Japan ng taong 1916. Isa siya uri ng sakit dulot ng grupo ng bacteria na tinatawag na Leptospira interogans. Tinatawag din siyang Red Water Disease kung sa baka naganap ang infection, o Weil’s Disease at Swineherd’s Disease naman kung sa tao ito nangyari.

Paano ito nakukuha?

Ang organismong leptospire ay nanatili sa kidney ng hayop na nagkaroon ng infection, at nailalabas sa papamagitan ng ihi. Karaniwan na daga ang salarin sa pagkalat ng mikrobyong ito sa pamamagitan ng paghalo nila sa ihi ng may infection na daga.

Nalilipat ang mikrobyo sa tao kung nagkaroon ng exposure sa tubig na kontaminado ng ihi na may leptospire. Maaring pumasok ang ang mikrobyo sa mata, ilong at bibig, ngunit ang pinakamadalas na pasukan ay sa bukas na sugat sa katawan.

Ang leptospire ay may kakayahang mabuhay ng ilang linggo sa labas ng katawan (nanatiling nakakapit sa balat o sa body hairs), o sa isang basang lugar, sa alkalinic, stagnant o mabagal gumalaw na tubig.

Sintomas:

Ang paglabas ng sintomas ay iba-iba depende sa bilis ng paglaganap ng infection. Maaring dalawang araw after ng exposure o hanggang apat na linggo. Dalawa ang phase ng sakit na ito, sa initial phase, kakikitaan ang taong may infection ng:

  • Mabilis tumaas na lagnat
  • Sakit ng ulo
  • Masakit na kalamnan
  • Pagsusuka
  • Pamumula o pagluluha ng mata (kung dito dumaan ang leptospire)
  • Panghihina
  • Pagtatae
  • Masakit na balakang o likod
  • Jaudince (paninilaw)
  • Rashes o mga pantal

Sa second phase, mas malala na ang mga sintomas at maaring ito dumiretso sa kamatayan dahil sa:

  • Kidney failure
  • Liver failure
  • Meningitis (pamamaga ng membrane na nakabalot sa utak)

Paraan ng Paggamot:

Hindi naman masyadong nakamamatay ang Leptospirosis basta naagapan ng gamot. Karaniwang nagbibigay ng antibiotic tulad ng doxycyline, penicillin at streptomycin. Sa malalang kaso, binibigyan ng penicillin sa pamamagitan ng IV push.

Kailangan ding agapan ang dehydration, lalo na kung may pagsusuka at pagtatae. Maaring magbigay ng oral rehydration solution gamit ang pinaghalong asukal at asin sa isang basong tubig o bumili sa botika (tulad ng Hydrite).

(Sa parte na ito, ipinapaalala ko na di ako doctor, pagbabahagi lang ng kaalaman ang nais ng blog na ito at hindi ang magreseta ng gamot.)

Ang prophylactic treatment na binibigay sa mga taong inaasahan na ang paglusong sa tubig na di sigurado kung malinis ay Doxycycline 200mg (2 capsules) minsan isang linggo hanggang sa oras na kinakailangang lumusong sa tubig.

Kung ikaw naman ay may sugat, at di sinasadya na lumusong sa baha, karaniwang ibinibigay ay Doxycycline 200mg daily for 3 to 5 days. (pinapaalala na hindi pwede ang gamot na ito para sa masyadong bata at mga buntis, para sa kasiguraduhan, kumonsulta sa pinakamalapit na dktor).

Paano Maiiwasan:

  • Numero uno pa ding paraan ay ang pag-iwas na lumusong sa baha, lalo na kung alam na may bukas na sugat sa ibabang bahagi ng katawan.
  • Kung di maiiwasang lumusong sa bahay, magsuot ng bota o gumamit ng waterpoof gloves kung may kailangan dambutin sa baha. Maari ding magtanong sa botika ng water-proof dressing para sa mga sugat na magkakaroon ng exposure sa tubig baha.
  • Kung masyadong malalim ang baha at di talaga maiiwasan ang paglusong dito, siguraduhin na agad maglinis ng katawan o ng parte na lumubog sa baha gamit ang malinis na tubig at sabon. Kuskusing mabuti ang parte na lumubog lalo na ang mga pagitan ng daliri, ilalim ng kuko, mga balahibo sa binti o braso at iba pang skin folds. Kung nalubog ang ulo, siguraduhing lilinising mabuti ang buhok, bigote, at kilay (karaniwang nakakaligtaan ito, ngunit malaki ang tsansa na manatili ang mikrobyo dito).
  • Siguraduhin ang kalinisan sa katawan, maghugas lagi ng kamay at siguraduhing malinis ang paghahandang gagawin sa anumang kakainin.
  • Back to basic, kumain ng masutansyang pagkain, dahil kung ano man ang mangyari, mananatiling ang resistensya mo ang magdidikta kung magiging malala ang sakit na iyong makukuha.

Sa panahon ngayon, magastos magkasakit, kaya hanggang kaya nating iwasan ito, gawin natin lahat ng pag-iingat. Sana kahit paano, nakatulong sa inyo ang laman nito. Ingat mabasa sa ulan, pero ingat din sa paglusong sa baha. Baka kasi ginawa yang arinola ng “mabait” nating kasama sa bahay.

Source: Handbook of Infectious Diseases – Lippincott Williams and Wilkins, Springhouse Corporation)

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Mga-sulat-kamay 16 Articles
Hindi ko sasabihing ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto, pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. Gusto mong magbasa ng iba pa? http://www.facebook.com/mgasulatkamay O click lang sa FACEBOOK link... ^_^..