Sisa, Isa Ka Na Bang Pagerper?

Sisa, Isa Ka Na Bang Pagerper?

Nais kong ibahagi sa inyo ang kwento ng aking kaibigan, si Sisa. Magkaibigan na kami simula pa pagkabata, ngunit nagkahiwalay kami noong ako ay mag aral ng kolehiyo. Naging abala ako sa maraming bagay kaya nawalan na din kami ng oras at balita sa sa isa’t-isa ng matagal na panahon. Ngunit sino nga ba ang hindi nakakakilala kay Sisa? Kahit mga karatig bayan ay bukang bibig na ang kanyang pangalan. Naalala ko, noon ay hindi maiwasang hangaan ang kanyang taglay nakagandahan at talento sa iba’t-ibang larangan. Isang babaeng tunay na nakaka angat sa iba, napaka puro at dalisay pa nga kung ituring siya. Kahit ako ay tunay na humahanga sa kanya subalit laking gulat ko, pagkalipas ng ilang taon na hindi namin pagkikita ay nabalitaan kong pagerper na daw siya.

Ang aking kaibigan na noon ay tinitingala ng marami ay marumi pa daw sa putik ngayon. Matapos kong marinig ang mga usap-usapan tungkol sa knya ay akin siyang dinalaw at kinamusta. Nasabik kami sa isa’t -isa at sinabi ko sa kanya na hindi ko siya hinuhusgahan sa kung ano man ang mga balibalita tungkol sa knya, maya-maya pa ay inilahad naman niya sa akin ang kanyang kwento.

Sa aming muling pagkikita ay marami nga akong napansin na pagbago sa kanya. Ang kanyang pananamit ngayon ay anung iigsi na, ang kanyang mukha ay nababalutan na rin ng matitingkad na make-up at anung kapal na pulbos. Kapansin-pansin rin ang suot niyang mga alahas, isang makapal na gintong kwintas na hindi ko mawari kung totoo o peke, mayron din siyang ilang mga
singsing at porselas sa kamay.

Sa panlabas na anyo pa lamang ay tunay na malaki na nga ang nagbago sa aking kaibigan. Ang dating simple ngayon ay magara na at kasabay ng kanyang mga kwento ay ang maya’t maya niyang hithit ng sigarilyo. Napansin niya yata noon na napapatingin ako sa mga suot niyang alahas at bigla na lamang siyang natawa sabay sabing hiram lamang ang ilan sa mga iyon at utang pa nga ang iba.

Sinimulan niya ang kanyang kwento noong kami ay magkahiwalay. Gaya daw ng dati, marami pa rin ang umakyat ng ligaw sa kanya subalit tatlong lalaki ang tumatak at naging malaki ang impluwensiya sa kanya. Sina Fernando, George at Mitsukaki. Ang akala ng marami ay ginusto niyang makipagsiping sa kanila, ang hindi nila alam ay kung pano siya inalipin, inalipusta, binaboy at paulit-ulit na sinaktan ng mga ito.

Tulad ng ibang babae inakala din niya na sila na ang hinihintay at tunay na nakalaan sa kanya ngunit nagkamali pala siya. Ayon sa kanya, silang tatlo daw ang nagmulat sa kanya sa totoong mundo, nagpawi sa kanyang pagka inosente, naghubad sa kanyang pagka dalisay at nagtulak sa kanyang lumaban sa mga hamon ng buhay. Ang kwento ng kanyang buhay pag-ibig ay kumalat maging sa mga karatig bayan at dahilan dito ay nagbago ang tingin sa kanya ng mga tao. May mga humanga sa naging tapang nya, ang iba naman ay bumaba ang tingin sa kanya. Inisip daw ng iba na mababang klase siyang babae dahil sa tatlong lalaking nagdaan sa kanyang buhay.

Naging maayos daw sana ang takbo ng kwento ng buhay nya kung may matibay siyang suporta ng pamilya. Nakakalungkot daw man isipin at aminin ay pinabayaan siya ng mga ito dahil sa mga luhong nakukuha nila sa mga lalaking nagkaka interes sa kanya. Wala na siyang paghugutan pa ng lakas ng loob at tapang sa buhay dahil sariling pamilya pa niya ang nagbubugaw sa kanya. Para sa akin ay hindi totoong pagerper na ang aking kaibigan, tinitiis lamang niya ang kanyang malupit na mundo para magpatuloy sa buhay.

Naniniwala akong may pag asa pa siya magbago ganun din ang tingin ng marami pa sa knya kung mamumulat lamang ang kanyang pamilya sa kanyang paghihirap. Huwag sana natin siyang husgahan bagkus ay tulungan natin siyang maibalik ang dati niyang kahanga-hangang ganda. Sa susunod sana na may kumalat na balita tungkol sa aking kaibigan na si Sisa Sinilangan ay wala nang pagerper na madidikit sa kanyang pangalan.

© 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.