“Taal”: Isang Pasasalamat

Sa makabagong mundo at panahon ngayon, naisip nyo na ba kung paano mamuhay ng malayo sa kabihasnan? Walang kuryente, internet, ospital, matinong palikuran, at walang malinis na tubig na safe inumin? Kayayanin nyo kayang mamuhay sa ganoong lugar? Tatagal ka kaya? Hindi ito larong SURVIVOR na kung kailan mo gustuhing umayaw eh pwede.
Noong nasa kolehiyo pa ako, nagpasya akong sumama sa Student Integration Program. Hindi ito compulsory para makagraduate. That integration program was organized by an NGO. Layunin nilang ipabatid sa mga katulad kong estudyante noon kung anong uri ng health care system mayroon sa ibang lugar. Kasama ang ibang estudyante mula sa ibang unibersidad, mga doctor at nurse, nakipamuhay kami sa kanila. Saan? Sa isla ng Taal sa Batangas.
Maganda ang Taal. Sinong Pilipino ba ang hindi nakakaalam sa Taal Volcano? Sino ba sa inyo ang hindi nangarap makapunta doon? Hindi ba’t pag pumupunta tayo sa Tagaytay ito ang isa sa mga gusto nating makita? Katulad ng iba sa inyo, pangarap ko ring mapuntahan ang Taal. Isang pangarap na natupad ng sumama ako sa immersion.
Ngunit sa likod ng ganda ng Taal, nakatago ang maraming kahirapan. Naaalala ko noon, pagdating pa lang namin, parang gusto ko ng umuwi. Hindi ko alam kung paano mabubuhay sa lugar na iyon sa loob ng anim na araw. Hindi ganoong klase ng lugar ang inaasahan kung daratnan. Walang kuryente, gumagamit lamang sila ng lampara sa gabi. Walang tubig, sa taal lake lamang sila kumukuha ng panluto at doon na din naglalaba. Ang tubig inumin ay sa malayo pa kinukuha. Walang palikuran; magtago ka na lang sa likod ng puno kung kailangan mong dumumi. Naisip ko noon, paano kaya nakakaya ng mga tao dito ang mamuhay sa ganitong lugar? Ngunit ang lahat ng ito ay mapagtitiisan. Nasanay na rin siguro sila.
Ang pinakamasaklap, walang ospital o maliit na klinika man lang sa lugar na iyon. Walang doctor, nurse, or midwife. Walang matatakbuhan kapag nagkaroon ng emergency. Kapag inatake ka sa puso, malamang patay ka na bago makarating sa ospital dahil kailangan mo pang magbangka. Wala kang matatawag na doctor kapag may nangyaring hindi inaasahan sa madaling araw. Walang midwife na mapupuntahan kapag may manganganak sa alanganing oras ng gabi. Ang sabi nga ng ilang nakausap ko noon, ang karamihan sa kanila, namamatay na lang ng hindi nakakakita ng doctor o nakapunta sa ospital. Dahil sa hirap ng buhay, mas uunahin muna nila ang pangkain ng pamilya kesa magpagamot. Umaasa lang sila sa mga herbal medicines na pwedeng matagpuan sa isla. Kung gaano pala kaganda sa mga larawan ang Taal, ganoon din kahikahos ang pamumuhay nila. Mahirap pero kinakaya.
Alam kong hindi lang ang Sitio Bignay sa Taal ang may ganitong kalagayan. Marami pa yan at mas malubha pa sa mas malalayong lugar sa Pilipinas. Nakakalungkot lang isipin na sa dami ng mga nurses ngayon na walang trabaho sa ating bansa, ganoon din karami ang mga kababayan natin na nangangailangan ng kanilang serbisyo. Hindi ko alam kung sino at kung may dapat bang sisihin sa sitwasyong ito. Masakit mang aminin pero alam natin that a good quality health care are only for those people who can afford to pay for it. Pero paano naman ang ating mga kababayan na  walang maihain sa hapag kainan? Patuloy na lamang ba silang magtitiis. Patuloy na lamang ba nilang babaliwalain ang sakit na nararamdaman dahil walang malapit na ospital o klinika na mapupuntahan? At kung mayroon man, mangangailangan muna ng malaking halaga. Hanggang kalian sila magtitiis sa ganitong kalagayan? Maraming katanungan ang pumasok sa isip ko noon na hindi ko masagot, at kahit hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang sagot.
Sa ngayon, sa tuwing makikita ko ang Taal, lagi kong naaalala ang mga taong nakasalamuha ko noon sa lugar na iyon. Ang mukha ng mga magulang at ang buong atensyon na ibinigay nila sa amin habang nagtuturo kami ng first aid sa kanila. Mga ngiti ng pasasalamat habang tinuturuan namin sila kung paano magagamit at mapapakinabangan ang mga halamang gamot na nandon. Ang mga sanggol na walang kamalay-malay sa haharapin nilang buhay sa lugar na iyon. Ang mga batang tumugil sa pag-aaral dahil sa kahirapan at kinailangang tumulong sa paghahanap-buhay.
Maraming salamat Taal, sa pagmulat sa akin kung gaano ako kapalad. Salamat sa pagturo sa akin na dapat kong mahalin ang mga pasyente lalo na ang mga mahihirap. Salamat dahil mas naunawaan ko kung bakit ang karamihan sa kanila, dinadala lang ang pasyente sa ospital kung kailan malala na ang kalagayan. Kung bakit ang ilan sa kanila hindi makabili-bili ng gamot.
Saludo at bilib ako sa mga kapwa ko nars na mas piniling manilbihan sa mga liblib na lugar sa ating bansa kaysa magtrabaho sa malalaking ospital at mangibang bansa ( tulad ko). Kayo ang mga bayani sa propesyong ito. Isang pagpupugay sa lahat ng mga Public Health Nurses!

© 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.
  • pinkee

    another saddening truth. but i believe no one will ever risk their lives to live and work in such a place where even our government is discouraging its inhabitants to live there due to the imminent danger that the Taal volcano is sure to inflict. we still have to see someone to take such a risk. we can only pray for their self-reliance…that it may allow them to go on and live there against all odds. i know their faith in God keeps them going.