TNT

TNT.

Hindi po iyan pasabog, hindi rin po iyan kung ano mang kalokohang salita.

Iyan po ang tawag sa mga pinoy na naninirahan sa ibang bansa na iligal. Dahil wala silang mga kaukulang papeles para magpatunay na dapat pa silang manatili doon.

Hindi katagalan lamang ay mayroon ni-raid na bahay ng isang Intsik dito sa London. Kabilang sa mga nahuli ay walong Pilipinong TNT at ang iba’y may anak pa.

Nakakaawang isipin na ganoon ang sitwasyon. Kung tutuusin, iisa lang o iilan lang na Intsik ang pakay ng mga tauhan ng gobyerno. Pero dahil sa nasa iisang bubong silang lahat, damay ang lahat ng naroon.

Tanong ko lang, tama ba ang ganoon? Bakit kailangang maging ganoon?

Una, hindi tama ang maging TNT dahil labas ito sa batas. Pangalawa, hindi rin naman makakakuha ng matinong trabaho dahil kailangan ng kaukulang papeles upang makapasok. Isa pa, hindi ka makakauwi kung kailan mo nanaisin dahil hindi ka makakabalik. Tapos, lagi ka pang nagtatago, hindi ka pwedeng basta-basta makihalubilo sa ibang tao sa pangambang baka maisumbong ka.

Nakakalungkot isipin, matagal nang nangyayari ito, at hindi na yata naiiwasang magkaroon ng mga Pinoy na ganoon. Oo, sige, nairaraos ang mga gastusin dahil kahit papaano ay kumikita sila. Pero, gasino na ba ang kinikitang pera pang-ahon sa pamilya sa kahirapan? Maraming dahilan upang ilagay ng isang Pilipino ang sarili sa ganoong pagka-alanganin. Dahil sa kahirapan sa buhay, kahit ano gagawin upang makapaghanapbuhay lamang. Masarap kumita ng dollar, ng pound, ng euro, atbp. Lalo na’t nakikita mong napupunta ito sa maayos na kinabukasan ng iyong pamilya. Pero kapalit nito’y ang mapalayo sa kanila, dagdag pa ang hindi ka makakauwi.

Ang TNT, tago ng tago. Walang kinabukasan sa ganitong pamumuhay. Dahil, ano’t ano pa man, kapag nahuli ka ganoon din, mapapauwi ka din at wala ka din magiging trabaho. May dungis pa ang papel mo. Oo, mahirap ngang maghanap ng mapapasukan. Sa umpisa pa lang alam na ng lahat iyon, wala namang nagsabi na paggising mo ay kikita ka na agad.

Minsan, naiisip ko na kaya lang nagkakaroon ng ganoon ay dahil sa kakulangan ng oportunidad sa Pinas para sa mga manggagawang Pilipilo, kasama na ang pagiging tamad ng mga tao. Mahilig sa short-cut, sa paspasan. Pulido man o hindi ang gawa, basta matapos at kumita, ok lang.

Personal na opinyon ko? Walang mangyayari kung magtatago ka na lang, lumabas ka’t makipagsabayan sa lahat. Makipagsapalaran sa buhay ng mga taong nakikipag-hanapbuhay din. Walang mangyayari kung idadaan sa shortcut ang mga pagsubok sa buhay.?

© 2010 – 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Administrator 118 Articles
© Copyright 2012, Filipino Nurses and this author. All rights reserved.