Tomorrow is Another Day.

Alas-singko y media pa lamang ng umaga at pilit mo ng iminulat  ang ‘yong mga mata. Kagagaling mo lang sa dalawang araw na day-off at hindi mapagkakailang bitin ang iyong tulog dahil pinindot mo pa ang snooze ng iyong alarm clock for five more minutes kanina. Hirap man, pinagsikapan mong tanggalin ang iyong katawan mula sa pagkakalapat sa kama at dahan-dahang kinaladkad ang mga paa papunta sa banyo.  Kasabay ng pagtilaok ng tandang ay napag-pasyahan mong malamig na lang ang ipanligo ngayong araw dahil tinatamad kang magpakulo ng tubig. O may gulay! ang iyong shout out ng bumuhos ang tubig mula sa shower. Ginusto mo yan, pero for five minutes lang din tinagal mo sa banyo. Dahan-dahang sinuot ang unipormeng walang bahid-lukot. Inayos ang buhok para mag-mukhang tao. Today is another day, taas-noo mong sinabi sa iyong sarili.

Hindi mo ininda ang madilim na langit o ang patok na jeep na iyong sinasakyan habang kumukurot sa baon mong pandesal. Mag-iisang taon ka ng nars at sanay na sanay ka na sa ganitong hagod ng morning shift. Baybayin ang Maynila papasok ng ospital, log-in sa bundy clock, akyat sa ward, at batiin ng good morning ang lahat ng iyong makakasalubong – with a smile. Isang nakakalokong “good morning” with a smile din ang bati sa ‘yo ng night shift staff na may tuyong laway pa sa pisngi.

Una mong tinignan ang census. 28 out of 30. Sunod mong tinignan ang roster. Understaffed kayo ngayong umaga kaya imbes na pito, sampung pasyente ang handle mo kasama ang mas kawawang nursing aid na kalahati ng ward ang lalagariin. Buti na lang at may isang nurse trainee na naka-assign sa inyo para tumulong. Sa panahon ngayon, mas maraming trainee, mas masaya ang buhay.

Saktong alas-syete ng simulan ninyo ang bedside handover. Beds 1 to 10 ang cover mo at dalawa rito ang bakante. Sa mga oras na ito ilang santo na ang tinawag at pinalanginan mo na sana wala kang admission, maski ngayong first eight hours lang, please. Tama na ang tatlong full care, dalawang krismas tree IV lines, at dalawang isolated na pasyente para sa araw na ito. Please.

Isa-isa mong kinamusta ang mga pasyente (para siguraduhing buhay ito) sabay pagpapakilala na ikaw ang kapalit na nars para sa buong umaga.  Diskarte na lang ang nagsasabi na habang nag-eestablish ka ng rapport ay kunin mo na rin ang kanilang vital sign gamit ang makalumang BP ap at digital oral thermometer na binili mo pa sa Bambang. Dahil mabilis kang kumilos, wala pang trenta minutos at nailipat mo na sa upuan ang lahat ng iyong mga pasyente para sa kanilang almusal. Salamat sa kaabay mong trainee, napakain ninyo sa oras ang tatlo rito na nangangailangang i-spoonfeed. “Anong oras po tayo magbibigay ng gamot?”, tanong ng partner mong bagito. Sa isip-isip mo, fasten your seatbelt, ngayon pa lang mag-uumpisa ang araw..

Showering.. toileting.. bedmaking.. medication rounds.. carrying out doctor’s orders.. wound cleaning and dressing.. blood extraction.. NGT feeding.. lab results.. IVC reinsertion.. putting patients back to bed.. toileting again.. collecting urine sample, documentation.. phone calls.. patients buzzing, IV pumps alarming..

At kung anu-ano pang pangyayari sa sumunod na tatlong oras. Sa kung anong dahilan at nakakaya mong gampanan ang lahat ng ito ng sabay-sabay, araw-araw, kada umaga, ay isa pa ring malaking kababalaghan para sa mga katulad mong nars. Ang tanging alam mo lang ay you live for this life, at nakalimutan mo na namang mag-break dahil nag-umpisa ng mag-alburoto na ang iyong tiyan.

Kung abusado kang nars malamang hindi mo na rin pinag-break ang kasama mong trainee. Ganyan kasi ang trato sa’ yo noong volunteer nurse ka pa – parang pinapasweldo kung utus-utusan ng mga seniors mo.  Minsan pinagtitimpla ka pa ng kape na patago mo namang hinahaluaan ng sarili mong pawis. Pero dahil hindi ka kagaya nila, sanibihan mong bumalik si trainee after 30 minutes.

Hindi pa tapos ang araw.  Alam na alam mo ‘yan. Tanghalian nang umpisang magsi-datingan ang dalaw ng iyong mga pasyente. Maswerteng tutuusin kung may shift ka na walang reklamo ang doktor, ang may sakit, o ang kamag-anakan nila.  Sa dahilang burned out na rin ang nursing aid mo sa kinseng pasyente, pareho ninyong hindi namalayan na hindi pa pala nakakaligo si bed 8. Goodluck naman.  Bulyaw galore courtesy of relative ang inabot mo.

Sa wakas, lunch time.  Damang-dama mo ang paglasap ng tanghaliang tinda ng isa sa mga kasama mong staff – kapiranggot na liempo, tortang talong, at rice – all for 60 pesos. Bukod sa wala ka talagang oras magluto (minsan itutulog na lang), malayo-layo pa ang sunod na sahod.  Pwede na. Kendi na lang din para sa panghimagas.  Nasa pangatlong subo ka palang ng iyong pagkain nang malaman mong may dalawang admissions ang naghihintay sa ‘yo paglabas ng nurses’ lounge. How nice.  Tuloy, nagmadali ka’t nabilaukan.

Sa bilis ng morning shift hindi mo na namalayan ang paglipas ng oras. Kasama ng trainee, naitawid mo ulit ang vital signs at medication rounds mula sa kulang-kulang na medication trolley, at na-accomplish ang isang admission kahit na gaano ka-toxic pa ito.  Alas-dos na ng nakahinga ka ng maluwag. Nag-abot ka ng tulong sa ibang abalang staff habang hinihintay ang pagdating ng isa pang bagong pasyente. Natutunan at naranasan mo kasi na walang mabigat na trabaho sa nars kung laging mayroong teamwork. O di ba?

Dumating na ang staff para sa afternoon shift.  Simangot at angal ang simbad sa ‘yo dahil sa paghand-over ng natitirang gawain.  Hindi hamak na mas maganda ka kung kaya’t hindi mo na lang ito pinansin. Bagkus, pinilit mong tapusin ang lahat, pati na ang kararating lang na second admission ng walang anu-ano.  Ni minsan ay hindi mo pinangarap na maging numero unong reklamadador sa trabahong bumubuhay sa ‘yo, tulad ng ibang jaded nars na kilala mo. At lintik lang ang walang ganti.

Laking pasalamat mo sa tulong ng iyong trainee at nursing aid ng mairaos mo ang araw. Magandang kunswelo nang pasal­­amatan ka ng mga pasyenteng nakita ang pagkakaiba ng walong oras mong serbisyo. May ilan sa kanila ang  nagtanong kung anong oras ang pasok mo bukas..

“Morning ulit. ”, ang sambit mo – with a smile.

And tomorrow is another day.

© 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About huzeyn 4 Articles
Nurse na, pogi pa!
  • ye21

    BOOM! Saktong sakto. Buhay nurse nga yan!

  • Lola Ganda

    Huwaw! Bravey! Mabuhay ang kagaya mong NURSE!!