Trip to Jerusalem (A True Story)

Yes! Natapos na ang aking walong oras na duty sa Quezon Medical Center.

Anong oras na ba? Alas-onse na pala, dapat alas-diyes ang labas ko, sobra pa pala ng isang oras. May pasok pa ako bukas ng umaga, may quiz pa at hindi pa ako nagre-review. Bahala na.

Pagbaba ko ng ospital e nakita ko ang mga van na sumusundo sa mga estudyante ng SLSU, parang dalawa na lang ito at halos puno na. Mayroon pang ibang grupo sa taas at kami namang pasakay ay pito. Hindi na ‘to kasya.

“Oh, kasya pa ang limang estudyante dito,” ang sabi ni Sir na hindi kami pinapabayaan na walang masakyan.

Teka, pito nga pala kami, kasama na si Ma’am dun, ibig sabihin e kailangan maiwan ang isa. Dahil ayaw kong makipagtalo at pagod na ako e sinabi kong “Sakto na pala kayo, may pinapadaanan pa nga po pala sa akin si nanay sa may Campo.” Pero ang totoo e magco-commute na lang ako, ang martir ko pala, mapupunta siguro ako sa langit nito. Haha.

Sumakay na ako sa dyip na papuntang terminal. Makatitipid ako ng P4.00 kung dito ako sasakay, ‘yun na lang ang inisip ko. “Think positive,” wika nga nila.

Mabagal, sobrang bagal, mabagal talaga ang nasakyan ko. Mabibilang mo ang bubble gum sa kalye kung umaga, buti na lang at gabi na. Nakalampas na rin yung mga van na galing QMC, nagkaway pa ako na parang pulitiko. Noong medyo malapit na sa terminal e iba na pakiramdam ko. Parang wala nang dyip, patay na ang mga ilaw at wala nang maingay na kundoktor na kahit sikip na e nasigaw pa ng “Walo pa! Kaliwa at kanan!.”

Bumaba ako kahit kita kong wala namang dyip na pinupuno ng pasahero. Lowbat pa ang cellphone ko. Malas talaga. Kumatok ako sa tindahan sa terminal sabay sabing “Tao po! Pasensya na po sa abala!”. Wala namang sumagot. Tulog na siguro o ayaw lang akong pakinggan dahil ayaw na nilang bumangon.

May dumaang isang lalaki, masama ang tingin sa akin. Dahan-dahan siyang lumapit sa ’kin habang parang may kinukuha sa bulsa n’ya. Lagot. ‘Yun lang ang naisip ko. Kaharap ko na siya at binunot na ang laman ng bulsa n’ya.

“Bakit nandito ka pa? Gabi na ah,” ang wika n’ya. Takot akong tumingin sa kanya habang iniisip kung ano ang hawak n’ya.

“Taga-Lucban ka siguro at wala kang nasakyan ano?” ang wika n’ya ulit.

“Alam mo ba kung ano ‘tong hawak ko ha?” Kinabahan na ako. Hoholdapin yata ako; wala naman akong pera. Singkwenta nga lang ang dala kong pera, cellphone ko naman e may sira at luma na, mas malaki pa siguro ang magagastos n’ya kung ipaaayos niya ‘to. Hindi ko naman ibibigay  ang thermometer ko sa kanya, digital pa naman ‘yun at sa group pa namin. Masama ito.  ‘Di ko na alam ang gagawin ko. Pinagpapawisan na ako ng malamig.

Binuka niya ang kanyang kamay at nakita ko ang isang susi. “Ako ang driver nitong dyip na ‘to, kung gusto mong makauwi na sa Lucban e ipaaarkila ko na lang ng P500 sa ’yo.

Akala ko kung ano na, mag-eendorse lang pala. Biglang nawala ang kaba ko, nabigla lang ako sa presyo. Tama ba ang narinig ko? Limandaang piso para lang makauwi ako sa amin? Hindi magandang biro yun. Haha. Bago ako makaipon noon e sem break na siguro. Tinanggihan ko siya at naghintay na lang ako ng dadaan na sasakyan. Baka maka-hitch pa, tipid pa. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Makakauwi ako. Hindi puwedeng hindi.

Makalipas ang matagal na paghihintay, mga isang minuto siguro e may tumigil na bus sa harap ko. May nakasulat na LUCBAN sa harap nito. Nagtaka ako, parang wala namang bus na nabiyahe papuntang Lucban, dahil gusto ko nang umuwi e sumakay na ako. Dali-dali akong umakyat at baka mawalan pa ng upuan. Pag-akyat ko e tatlo lang pala kami sa loob, ako, yung drayber at yung kundoktor.

Iniabot ko ang bayad ko, sabay sabing “Estudyante po!”. Hindi n’ya tinanggap ang bayad ko at sinabing “Welcome to the bus that you’ve waited for, you’ll experience the trip that you’re looking for. This is a free trip to Jerusalem. Congratulations!”.

Wala akong nasabi. Hindi ko lang maunawaan kung bakit trip to Jerusalem e ang dami ngang upuan, wala akong kalaban. Nagpasalamat na lang ako at nakalibre ako.

Mabilis, sobrang bilis, mabilis talaga ang nasakyan ko. Hindi ko na rin mabilang kahit mga poste sa aming dinaraanan. Hindi naman ako makaangal dahil libre nga ito. Ang kapal ko naman kung mag-suggest pa ako na pakibagalan. Mabuti na rin para makauwi na at mabuklat ko na ‘yung libro na pinababasa sa amin para sa quiz bukas.

Napansin kong parang masyado na yatang mabilis ‘tong nasakyan ko. Parang nakikipagkarera, si kamatayan yata ang kalaban. Walang preno sa diksyonaryo ng drayber na ito, hanggang makasalubong namin ang dalawang truck na magkatabi at nag-uunahan sa kalsada. Wala kaming lulusutan. Naalala bigla nung drayber na may preno nga rin pala ang bus kagaya ng ibang sasakyan. ‘Yun nga lang e huli na. Pumikit na lang ako. Narinig ko ang malakas na tunog ng mga bakal na nagsasalpukan, nayuyupi, pati tunog ng mga buto kong nadudurog. Hindi siguro ako makapapasok nito bukas. Naramdaman ko rin na may pumapatak sa ulo ko, hindi naman naulan. Tinikman ko. Dugo pala. Pumikit na lang ako. Paalam, malupit na mundo.

Pagmulat ko e puro puti ang nakita ko, maliwanag, parang nasa Operating Room ako. Bumangon ako, teka pa’no ako nakabangon e halos madurog na katawan ko sa bus a. Wala pala ako sa OR, ang daming tao, pero tahimik. Nakapapanibago, hindi gaya sa school o ospital na palaging maraming nag-uusap.

May lumapit sa aking isang bata. “Bago ka po ba dito?” ang sabi n’ya. Tumango lang ako. “Ito po ang Jerusalem, Langit for short. Sumali po kayo, ‘di’ba, sa Trip to Jerusalem? Nanalo po kayo.”

Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o mainis dahil sa pagkapanalo ko.

“May quiz nga pala ako!” pasigaw kong nasambit, nagtinginan sa akin ang mga tao dito, ngunit itinuloy na rin nila kung anuman ang kanilang ginagawa.

“Bawal po ang maingay dito,” ang paalala n’ya at nagpaumanhin na lang ako habang iniisip kung anong oras na at kung paano ako makakakuha ng quiz. Babagsak ako nito. Hay.

Naglakad-lakad muna kami, parang orientation lang sa bagong area ng duty. Santino pala ang pangalan n’ya. Marami rin palang department dito sa Langit. Mayroong parang OPD, Heaven’s Application Department ang tawag kung saan pumipila ang mga gustong pumasok sa Langit. Sasabihin mo lang dun sa angels’ station ‘yung mga impormasyon tungkol sa ’yo at kung kailan at paano ka sumakabilang buhay. Tapos sila na ‘yung bahalang magsabi kung puwede ka ba at kung saan ka iinterviewhin pa.

Maganda dito, hindi nag-uunahan at nagtatalo-talo ang mga nakapila. Ayos talaga dito, ayos pag may sistema. Si San Pedro yata ‘yung nagbabantay sa pinto, wala siyang batuta o baril. Susi lang ang hawak n’ya, pero walang gulo.

Kasunod ko namang nakita e yung Interview Department, maraming kuwarto. Dito pipila ‘yung mga pumasa sa assessment, dito tatanungin ‘yung mga applicants ng iba’t-ibang tanong kung bakit sila dapat tanggapin sa Langit. Puwede kang makinig sa mga sinasabi nila.

Marami ding palapag ang Langit, hindi ko makita kung saan ang dulo e. Sa taas daw nabubuhay nang masaya ‘yung mga natanggap na. Tapos dun sa pinakadulo ang kuwarto ni Bro.  Mayroong kanya-kanyang lugar ang bawat isa. Mayroon ding kuwarto para sa buong pamilya.

Umakyat kami ni Santino sa taas; ang lawak nito. May mga nagbabantay na mga anghel. Saktong endorsement nung napadaan kami. May ganun din pala dito, narinig ko ‘yung isang anghel na sinasabing “Endorsing my patient on bed number 241, with happiness to consume forever.”

‘Yun lang ang narinig ko, wala na pala talagang malulungkot dito. Sana matanggap ako dito.

Bumalik na kami sa baba, pero bago ‘yun e nakinig muna ako sa interview room. May hearing room dun, puwede kang makinig ng mga sinasabi ng iba para matanggap sa Langit.

Marami akong narinig, pero ito ang mga naalala ko:

Doktor po ako at marami akong ginamot.”
“Sundalo po ako at ipinagtanggol ko ang mga naapi.”
“Engineer po ako at nagplano ako ng mga kalsada para sa lahat.”
“Abogado po ako at marami akong ipinagtanggol.”
“Nurse po ako at marami akong inalagaang may sakit.”
“Teacher po ako at ako po ang nagturo sa kanila.”

Mga natanggap sila, basta nagturo, nag-alaga ka ng iba o nagtanggol ng iba e malaki ang tiyansa mong makapasok. Lahat ng nurse na nainterview e tinanggap ngayon. Vocation talaga ang nursing. Sayang lang at kinuha ako agad, ‘di pa ako ganap na nurse. Hindi pa ako sigurado kung matatanggap dito. Pag ‘di ako natanggap e sa baba ang punta ko. Mainit dun at walang nag-aalaga, walang therapeutic environment, kailangan ang TSB maya’t-maya. ‘Wag naman sana akong mapunta doon.

Pumunta na ako sa Heaven’s Application Department at nagsagot sa form. Kinunan din ako ng vital signs. Ito yung nakuha nila.

T-24.5 degrees Celcius PR- 0 bpm RR- 0 bpm BP- 0/0mmHg

Ayos! Pasado ako sa spiritual assessment. Dumeretso na ako sa Interview Department at pumasok na sa kuwarto. Walang lamesa o bangko sa kuwarto, wala ring tao. Bigla akong may narinig na boses mula sa itaas, parang bahay ni Big Brother pala to.

“Raymond, pumikit ka at sagutin ang mga tanong ko.”

“Big Bro?” Kinabahan ako habang nakapikit, hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin. Gusto ko pa ring matanggap dito sa Langit.

“Gusto mo ba dito?”
“Opo,” ang aking naibulong.

“Paano kita tatanggapin dito? May maganda ka bang ginawa nung ika’y nasa mundo pa?”

“Nursing student po ako, marami na po akong inalagaan kahit estudyante pa lang ako.”

“Sigurado ka bang naalagaan mo sila nang tama?”

“Amm.” Napaisip ako.

“Nag-aaral ka ba nang mabuti?”

“Opo,” sagot kong may pag-aalinlangan.

“Sigurado ka? Hindi ba’t kaya ka naaksidente e dahil gusto mong makauwi na agad para makapag-aral dahil may pagsususlit ka kinabukasan? Kung hindi ako nagkakamali e matagal na ‘yung pinababasa sa inyo. Paano kung ang magpapagaling sa pasyente mo e nandoon pala? Paano ka makapag-aalaga nang tama kung hindi mo alam ang dahilan sa mga ginagawa mo? Baka makasama ka lang sa kalagayan ng pasyenteng hinahawakan mo.”

Wala akong naisagot, nanlamig ang buong katawan ko habang parang paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak ko ang aking mga narinig, narinig ko na ‘yun nang ilang beses, pero ngayon ko nadama kung gaano kabigat ‘yung responsibilidad na nakaatang sa pagiging nursing student.

“Hindi ka pa puwede dito, next please.”
“Pero..” ‘di na ako nakapagpaliwanag.

“Next!”

Natigilan ako, napaluha ako habang naglalakad palabas ng kuwarto. Nag-uliuli muna ako sa Langit, sinusulit ang mga huling oras ko dito bago ako pumunta sa ibaba. Nawala na rin si Santino. Hindi ko siya makita. Napagod na ako sa kahahanap sa kanya para magpaalam; umupo ako sa isang sulok at napapikit.

Naramdaman kong may kumukuhit sa ’kin.

“Wag kang magulo, Santino, tutulog muna ako bago pumunta sa ibaba,” ang sabi ko.

Hindi siya tumigil sa pagkuhit hanggang napilitan akong imulat ang aking mga mata.   Isang imahe ng lalaki ang aking nakita.

“MR. DEAN!” ang malakas niyang sigaw. Nagulat ako, at biglang napatayo. Nasa classroom pala ako, at nakatingin sa ’kin ang lahat ng kaeskwela ko. Nakita ko sa unahan si Sir at galit na galit, parang hindi pahuhuli nang buhay. Napangiti na rin ako at panaginip lang pala ang lahat.

“Anong nginingiti-ngiti mo pa riyan? Kanina pa ako nagsasalita dito, hindi ka naman pala nakikinig. Tulog nang tulog. Pinaghandaan ko pa naman ‘tong ilelecture ko sa inyo. Get one whole sheet of paper!”

“Sorry po, ginabi po kasi kami ng uwi kagabi galing duty.”

“Anong duty e wala namang duty kahapon at holiday.”

Nagtawanan ang mga kaeskwela ko kahit inis sa ’kin dahil nagkaroon ng special surprize quiz. Pero ayos na rin, ganyan talaga sa COAM, mahirap, pero masaya. Salamat at buhay pa ako. Mag-aaral na ako simula bukas. Weee!

–END–

Para sa:
Mga naging parte ng buhay estudyante ko sa Southern Luzon State University – College of Allied Medicine.

Para sa lahat ng nurse sa Pinas.

© 2013, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in: