Walang Title

Emo

Nung isang araw, habang nagp-press ako ng insertion site ng isa naming pasyente, napaisip ako. Wala lang. Parang natripan ko biglang mag-emo. Tumingin ako sa paligid, sa mga kasama ko, sa unit namin, pati sa labas ng bintana. Napaisip ako. Ibang iba tong lugar na to dun sa lugar na kinalakihan ko. Namimiss ko yung aso namin, yung mga rumaragasang jeep, yung ingay ng tricycle, yung mga mall na may sinehan, yung mga taong naiintindihan mo yung mga sinasabi nang hindi na kailangan ng translation, lalo na yung mga taong malapit sa akin.

Naitanong ko tuloy sa sarili ko, ano ang ginagawa ko rito?

Bakit nga ba ko nag-nursing?

Bakit nga ba ko nag-abroad?

Karanasan

Sa Pilipinas kasi, pahihirapan ka bago ka tanggapin sa ospital. Gagastos ka ng pamasahe kakapunta sa mga ospital para magpasa ng resume mong isasama lang din naman sa mga iba pang resume na nakatambak sa isang sulok. Dudugo ilong mo sa mga qualifying exams na akala mo madali pero pag lumabas ang resulta eh bagsak ka pala. Igigisa ka sa mga panel interview na akala mo eh nasa korte ka at nasa cross examination. Yun naman ay kung makaabot ka pa sa interview at malampasan mo ang mga HR personnel na sawang-sawa na sa kakasabing “Freeze hiring po.” Wala pa diyan yung mga trainings at seminars na dapat makuha mo bago ka nila tanggapin. Meron naman, tatanggapin ka nga, kaso volunteer. Walang sweldo, purong charity work. Gagastos ka ng pamasahe at pangkain mo. Ang kapalit, me makukuha kang certificate na nagsasabing may experience ka na. Yun lang, experience. May limit pa yun. Kadalasan, anim na buwan lang. Pagkatapos ng anim na buwan, humanap ka ulit ng ibang ospital.

Mahirap. Humanap. Ng. Trabaho. Sa. Pilipinas.

Prangkahan

Maganda sanang pakinggan kung sasabihin kong kaya ako nag-aral ng nursing kasi gusto kong mag-alaga ng mga taong may karamdaman, pagaanin ang kanilang mga kalooban at bawasan ang mga nararamdaman nilang sakit. Kaso, wala tayo sa Little Miss Philippines kaya hindi na ko magpapaka-ipokrita. Syempre, gusto kong mag-abroad at kumita nang malaki. In-demand ang nursing sa abroad nung gumraduate ako sa high school. Ito yung panahong bumubuo ako ng mga plano ko sa buhay. At sa pananaw ko noon, ang kursong ito ang pinakamabisang paraan upang maiangat ko ang estado ng buhay namin. Sige, sinong matinong tao ang hindi maghahangad na makatanggap ng sweldong doble, triple, o minsa’y higit pa kaysa sa sweldong maaaring matanggap sa Pilipinas? Siguro yung mga nasa Pavilion 11 o kaya 34. Pero ako, matino ako – kaya naghangad ako.

At eto ako ngayon. Sinisimulan ko nang isakatuparan yung mga binuo kong pangarap nung gumraduate ako sa high school.

Kapalit

Marami-rami na rin akong natanggap galing sa mga pasyente namin. Dalawang pakete ng bubble gum mula kay Mama Sara sa tuwing ippress ko ang insertion site niya (ito ang nagparami), dalawang sachet ng Mocha-flavored 3-in-1 coffee, isang kopiko, isang Baskin and Robbins na candy, isang bar ng Mars, ilang pirasong tsokolate na di ko na matandaan ang tatak, isang itim na t-shirt na galing sa Egypt, saka 10,000 Saudi Riyals. Pero syempre pangarap ko lang yung huli. Nakakatuwa kapag naaalala ka nilang bigyan ng kung anuman. Nakaka-aliw. Lalo na pag patagong ibibigay sa’yo. Yung tipong, bigla lang isasalpak sa bulsa ng scrub suit mo tapos sesensyasan kang wag maingay. Maliit na bagay, oo, pero diba nga, it’s the thought that counts. Nakakatuwa. Nakakataba ng puso. NGUNIT, hindi lahat ng pasyente eh cute at nakakatuwa. Yung karamihan, masakit sa bangs.

Bilang nurse, hindi ako naghahangad ng anumang materyal na kapalit ng pag-aalagang binibigay ko sa pasyente. Masaya na ko sa simpleng thank you saka isang sincere na ngiti. Masaya na kong makita ko na kahit papano eh napagaan ko yung pakiramdam nila at nakatulong ako sa munti kong paraan. Masaya na ko kapag may pasyenteng nakikipagkwentuhan at nakikipagbiruan sa akin, kahit minsan eh hindi ko maintindihan yung sinasabi nila. Nakakagaan ng loob at kahit papano, nakaka-alis ng pagod.

Alam kong iisipin mong nagsisinungaling ako kasi nabasa mo kanina na hindi ito ang tunay na layunin ko sa pagkuha ko ng kurso ko. Pero nagbabago rin ang isip ng tao. Nagbabago rin ang tao.

Tiyaga

Sa totoo lang, hindi madaling mag-abroad. Malayo ka sa mga taong mahal mo. Malayo ka sa mga bagay na nakasanayan mo, malayo ka sa kulturang kinalakihan mo. Oo nga nakasakay ka na sa eroplano, nakain mo na ang pinakamasarap na shawarma na natikman mo sa buong buhay mo, nakakita ka na ng tunay na camel at nakahiga ka na sa pula at pinong buhangin ng disyerto. Enjoy, diba? Pero hindi nito mapapantayan ang isang araw kasama ang mga taong mahalaga sa buhay mo.

Sa pagta-trabaho rito sa Saudi, natutunan kong maging mas matapang. Hindi ka pwedeng maging malamya dahil ang mismong kahinaan mo ang gugupo sa iyo. Kailangan mong maging masipag para mas malaki ang sweldo. Kailangan mong mag-bugdet ng pera para sapat ang maipadala mo sa pamilyang naiwan mo sa Pilipinas. Kailangan mong matutong kumain ng pare-parehong ulam o tyagain magluto dahil wala ang nanay mo para ipagluto ka ng uulamin mo. Kailangan mong habaan ang pasensya mo para makaiwas ka sa gulo. Kailangan mong intindihin ang mga pasyente at mga bantay na masakit sa ulo.

Oo, hindi madali rito sa abroad. At oo, hindi madali ang trabaho ko. Pero ito ang daang pinili ko.

At alam ko, kaya ko to.

© 2011, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.