Wanted: Boarders

Wanted: Boarders Sign (Credits: ebay.com)

June na naman. Alam naman natin kung ano ibig sabihin nito, ang katapusan ng maliligayang araw ng mabubuti at ulirang mag-aaral. Wala ng one–to-sawang panonood ng TV, one-to-sawang internet at online games o one-to-sawang gala at libot. (amag yung expression na one-to-sawa, sino kaya nagsimulang gumamit nun? napakamaalamat).

At sa tuwing magpapasukan, bukod sa mga unat na papel na dadalhin pa sa school na nakapaloob sa transparent paper (aminin? gawain mo din yan), amoy SM department store na uniform at sapatos na inagawan ng kinang ang buwan, may mga estudyanteng higit pa sa mga nabanggit ko ang inaalala. Ano yun? Wala kang ideya? Di bahay na pansamantalang matitirahan.

 Boarding house. Ang maalamat na “b-house”. Sino nga ba sa atin ang ‘di naranasan man lang magboard (o para sa mga mas may kaya eh dormitory)? Sino nga ba sa atin ang walang alaala sa isang simpleng bahay-tuluyan na pansamantalang kumupkop sa atin nang mawalay tayo sa tunay nating tahanan? Nung panahon man na nagtatrabaho na tayo o nag-aaral pa lang, ito na yata ang naging saksi sa napakalaking parte ng pang-araw-araw nating buhay.

Second year college nang magsimula akong magboard. Ewan kung dahil  sa taong loner lang talaga ko (o masama lang talaga ugali? hehehe ‘di naman siguro) eh solo ko ang isang kwarto. Dalawang taon akong nasa solong kwarto na yun. Graduating na ko nang maisipan ng mga barkada kong lalaki na magsama-sama sa isang boarding house. Sakto naman na may inaalok yung isang barkada kong lalaki na bahay ng tita nya. Hindi talaga siya boarding house, nasa ibang bansa na kasi yung tita niya, walang tao sa bahay nila, kaya kaysa abandunado, kami na lang ang pinatira.  Excited akong nag-impake at naghakot ng gamit, at laking gulat ko nang makita ko yung bahay, semi-mansion pala (hehehe walang joke) sa laki, two-storey yung bahay.

Old fashioned ang style niya, pero maluwang talaga, may maluwang na terrace, sala at garden. Sa first floor may tatlong kwarto at isang banyo, andoon din ang kusina at dining area. Sa second floor, may maluwang na veranda (hahaha spanish regime talaga yung bahay?), may 4–5 yata na rooms, tapos may dalawang CR.

Sa maikling paliwanag, malaki talaga. Mabait yung may– ari ng bahay, na-meet namin nang ilang beses at nakasama pa nga sa bahay nang ilang buwan. Dahil may kabaitan naman din kami (hehehe shy-type nga ako), eh nakasundo at natuwa naman sila sa amin.

Pero ano nga ba ang punto ko sa pagkukwento ko sa boarding house namin? Marahil, natutuwa lang akong balikan lahat ng masasayang alaala na meron ako kasama yung boarding house na yun. Mahigit sampu kaming magkakabarkada nung College, pito sa kanila ay kasama ko na mula first year college, yung ibaay nakasama ko ng second year. Apat kaming lalaki, at ang iba ay mga babae na occassionally eh lalaki din (patay ako sa mga barkada ko…). Sa University kasing pinasukan ko, may maintaining grade para makapagpatuloy ka sa succeeding years mo, eh pagtuntong ng second year, kalahati ng classmate ko noong firstyear ay naglaho, kaya may mga block na nadissolve; yung iba naman, pinagsama na lang.

Sa apat na taon siguro na naghiwa-hiwalay kami ng landas ng mga barkada ko, bigla ngayong gabi na ‘to, ngayon na pasukan, naalala ko yung panahon na pumapasok ako, at umuuwi hindi sa tunay kong bahay kasama ang tunay kong pamilya, kundi yung panahon na umuuwi ako sa pangalawa kong bahay, kasama ang isa ko pang pamilya, yung aking mga kabarkada.

Masyado na ba agad madrama? ^_^, pasensya na, dadagdagan ko pa. Tatlo kaming magkakasama sa boarding house, yung mga babae naming barkada, sa ibang nakatira, yun iba naman uwian lang. Pero pinakamadalas namin tambayan, doon sa boarding house namin. Anu-ano nga ba ang naaalala ko sa boarding house na yun? Babalikan ko lang ulit sila isa-isa.

  • Casino days. Sino ba naman ang ‘di nag-tong its o humawak ng baraha sa boarding house? Sa mga bakanteng oras ng in-between periods eh naglalaro din kami ng “in-between” (hahaha totoo, yun yung laro namin). Dati, di ako marunong nun, limitado sa unggoy-ungguyan at beginner’s tong-its ang alam ko.  Samantalang ang iba sa kalaro ko eh may masteral degree na yata. Noong una, tong-its lang, kaso kaunti ang nag-eenjoy, kaya ginawa naming makakapag-enjoy ang lahat, kaya naituro ang larong “in-between”. Pisuhan lang ang labanan. Di naman kami sugarol, may pera lang para may thrill (ayan, defensive na si brad? ^_^). Sa dulo ‘di naman din sa nanalo napupunta yung pera, binibili din namin ng merienda yung naipong pera,  kaya, kami-kami din makikinabang. Ang sarap lang tumawa kapag nanalo ka, piso lang siya pero iba yung tawa na magagawa mo dahil sa piso na yun. Paglipas ng panahon, masarap pala siyang maalala.
  • Unahan sa CR mornings. Dahil isa lang ang CR sa baba (takot naman sila magCR sa second floor kasi may makakasabay ka daw sa loob ng CR, hala ka, mag-isa ka lang din dyan nuh? Malamang may kasabay ka din nagbabasa, ‘di mo lang nakikita… hala…) hehehe… nanakot? May mga umaga na sa ‘di maipaliwanag na dahilan, sabay-sabay na ‘di gagana ang alarm ng phone namin, at isa sa amin ay magigising na 10–30 minutes na lang at first period na. Minsan pa nga tinawagan pa kami ng barkada namin dahil five minutes na lang before nung time eh wala pa kami. Sa mga ganoong pagkakataon, matuto kang magshampoo nang ‘di pa basa ang buhok mo, at magbanlaw nang may sabon ang katawan habang kinukuskos ng toothbrush ang gilagid mo. Matututo ka ding magbutones ng polo habang ang paa mo ay expert na nagsusuot ng sapatos, kung pwede nga lang itali sapatos mo gamit paa mo, gagawin mo na. Tapos, mabilis na takbo papuntang school. Madalang naman ‘tong mangyari noon, pero nung nangyari, natuwa ako nang husto. Di ko alam noon na tatawa pala ako nang tatawa pag naalala ko ‘to.
  • Kain mode. Pagkain yata ang pinagkasunduan namin nang husto. Pag nagkadikit-dikit kami, kailangang may nginunguya. Pare-parehong sensitibo sa gutom, tipong umiinit talaga ang ulo kapag napagdamutan ng pagkakataong lumapang. Naalala ko noon, patak-patak pa kami para makapamalengke at makapagluto ng kakainin. Pero sa mga time ng intense starvation at kung nasa bingit na kami ng allowance collapse, sapat na sa amin ang “Lucky Me, Pancit Canton”, pinaghalong hot and spicy, calamansi at original flavor. Samahan pa ng nilagang itlog na hiniwa na walang kahit katiting na sense of art, wala ng design-design. Mumurahing instant noodles lang yun noon, pero nag-aagawan pa kami. Parang ang sarap-sarap niya, habang tumatawa at nagkukwentuhan, naitawid namin ang gutom. Kung maiisip ko siya ngayon, nagtataka pa ko kung ano kaya ang special ingredients ng pancit canton na kinain namin noon, iba na kasi ang lasa ng kinakain ko ngayon.
  • Review-reviewhan at aral-aralan. Siyempre, may panahon mang puro kaamagan ang ginagawa namin, dumadating din ang panahon na nagpapakatino kami. Sa mga panahon ng quiz at recitation, o sa mga panahon ng paghuhukom sa katatagan tuwing finals week. Sa mga panahon na to, karaniwan sa boarding house din kami nakatambay, kanya-kanyang hawak sa photocopy ng notes galing sa instructor sa binasa, este itinuro niyang subject. Walang kibuan, walang makangiti, pwera pansinan muna. Lalo sa mga major subjects namin, kasama namin ang bawat sulok ng boarding house na yun sa bawat pagbuntong-hininga, bawat panaghoy, bawat kamot sa ulo, bawat impit na sigaw, bawat sabunot sa buhok, sa bawat untong na sarili sa pader o sa makapal na libro. Saksi siya sa bawat gabi na inunan namin ang aklat sa pag-asang sa ngalan ng diffusion (movement from area of higher concentration to area of lower concentration) ay pupunta ang laman ng libro sa utak namin. Minsan gusto ko nang lulunin ang libro makabisado lang ang nerve pathways, o ilaga ang bawat page nito at gawing tsaa para matandaan ko ang CSF circulation. Nakakaiyak siya noon, pero ngayon, nangingiti na ko pag naaalala ko.
  • The Drinking Sessions. Lahat naman siguro tayo guilty. Na kahit minsan, nakatakim tayo ng alak sa boarding house. Ang totoo, at aaminin ko, na three times o four times lang yata ako nakainom ng alak buong college life ko. First time kong nakainom eh noong 19th birthday ko (totoo, allergic kasi ako sa alak, kaya ‘di talaga puwede), kasama ko lang yung barkada ko, kaya ako uminom. Sila ang nagturo sa akin, at nung panahon na yun, noon ko napatunayan na allergic talaga ko sa alak. Muntikan pa may maisugod sa ospital. Di ko masyadong namiss yung lasa ng alak, lalo naman yung rashes at pasa na nasa katawan ko kinabukasan. Pero bakit nga kaya ang sarap pa din ng minsang umiinom ka. Nasagot din yan dati ng barkada ko, sabi nya, yung kwentuhan kasi yung masarap sa bawat drinking session. Totoo nga, hindi yung lasa ng alak, sarap ng pulutan o ganda ng tugtog ng banda o kanta ng singer sa background ang nagpapasarap sa drinking session. Yung bonding, yung panahon na nawalan ka ng takot na ipakita nang buong-buo yung sarili mo dahil alam mong tanggap ka ng mga kaharap mong tao. Ngayon, namiss ko yung kwentuhan, pero yung alak?  Di masyado. ^_^
  • Night life. Nataon yata na nagkasama-sama kaming magkakabarkada na ‘di masyadong mahilig sa disco o bars. Iba ang night life namin, ang destinasyon namin lagi, seven eleven, dalawang kanto ang layo mula sa boarding house namin. Madalas, dadaanan pa namin yung iba naming barkada. O kaya, stop-over muna sa tindahan ng BBQ bago seven eleven. Magpapaihaw ng adidas, isaw, hotdog at BBQ (di kasi ako kumakain ng betamax, pero masarap daw sabi ng mga barkada ko), didiretso sa Seven Eleven para bumili ng slurpee at babalik sa ihaw-ihaw para kainin ang kahahango sa bagang pampataas ng uric acid. Hahanap ng bukas na videokehan, o nagtitinda ng buy 1 take 1 na burger. Manghaharang ng magbabalot o kapag sumobra ang trip, hahanap ng lugawan. Hindi iilang beses kaming naglakad na halos hatinggabi na, walang paki sa panganib ng lansangan. Noong mga panahong siguro na yun, kampante kami na kakampi namin yung kasama namin, na hindi namin pababayaan ang isa’t isa, na walang iwanan. Hanggang ngayon, buong – buo pa din sa akin yung ganung pakiramdam.
  • Tulala moments. Noon, hindi ko naisip na magiging isa pa sa pinakamamimiss ko eh ang mga oras na wala kaming ginagawa o pinag-uusapan. Literal na nakatulala. May mga panahong kanya-kanya kaming posisyon sa sofa, kanya-kanyang sandal para makagawa ng tulog. Kanya-kanyang dukdok o posisyon. Walang pakialam kung magkabuhol-buhol kami, o magkalukutan ng uniform. Basta kami kampante sa isa’t isa, walang arte, walang malisya at walang pagpapanggap. Nakatutuwang isipin, na yung mga panahong itinuring ko noon na walang gaanong halaga dahil walang masyadong nangyari ang magiging isa sa pinakamahirap ulitin sa kasalukuyan. Yung mga araw na magkakasama kami nang walang dahilan, na magkakasama kami nang walang kailangang gawin, walang rason, walang pagpipilit o pwersa, sumunod lang kami sa dikta ng panahon. Sa ngayon, magkikita man kami, lagi nang may rason, at ‘di na namin mauulit na magkakasama kami at sabay-sabay lang na nakatulala.
  • Crying times. Mararamdaman mo daw ang panimulang lupit ng mundo sa kolehiyo, at totoo nga, ito ang nangyari sa amin. Hindi iilang beses nasubukan ang emosyon natin dito. Sa boarding house, ‘di iilang beses pumatak ang luha naming magkakabarkada. Problema sa pag-aaral, nang minsang may ilan kaming kabarkada na sumabit sa mock board at nanganib ‘di makagraduate. Naalala ko pa kung paano namin pinagtiyagaang samahan silang magreview. Mga masalimuot na lovelife, ‘di iilang beses na nagkaiyakan dahil sa kwento ng pagtitiis at pagpaparaya. ‘Di iilan beses na ipinagluto ng barkada ang mga depressed naming kasama, pagpaparamdam ng suporta at pagpapakita ng pag-aalala. Ako mismo naramdaman ko yun, noong panahong nabuo ang loob ko na lumaban sa 2ndhighest position sa student organization. Isang pagkatalo ang nakamit ko sa dulo, may luhang tumulo sa mata ko, pero karamihan doon, dahil sa walang humpay kong pagtawa dahil sa paggaya nila sa speech ko sa meeting de avance. Masakit sa akin ang pagkatalo, totoo namang naiiyak ako, pero sa ngayon, yung mga alaala ng pag-iyak noon ay nagpapakita ng suporta at pag-aalala ng mga taong itinuring kong hindi na iba.
  • Quarrels and fights. Hindi naman perpekto ang samahan namin. Dumating din ang tampuhan at mga mababaw na away, at hindi sila madalang, napakaraming pagkakataon ng tampuhan. Dati hirap na hirap kaming magtimbang sa dalawang taong may tampuhan, lalo na kapag naghiwalay yung dalawang tao na yun ng landas na lalakaran, ikaw na mapapaisip kung saan ka ba susunod, sa kaliwa ba o sa kanan? Anak naman kasi ng amag, napakahirap pag pareho mong kaibigan ang kailangan mong pamilian. Sa ganitong pagkakataon, automatic na maghahati muna ang barkada, bawal kasing may pabayaang isa, kailangan ramdam pa din nila ang suporta at patas na pagtanaw, na sa kabila ng tampuhan nila, wala kaming kakampihan. Nakatutuwa na sa bawat tampuhan, panibagong aspeto ng pagkatao namin ang nagbabago, panibagong aspeto ng pagkatao ang nag-addjust at tumatanggap. Mga tampuhan na yun siguro ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, sa kabila ng matagal na panahon, ‘di pa din namin maitapon ang isa’t isa, dahil sa mga tampuhang yun, nakilala namin nang husto ang aming pagkakaiba-iba, at natutong tanggapin ng bawat isa kung sino nga ba sila.
  • Ingay. Ito siguro ang pinakanami-miss ko sa kanilang lahat. Yung ingay na ginagawa nila kapag nagdadaldalan o nagtatawanan. O puwede ding yung ingay na nagagawa ko pag kausap ko na sila, kakuwentuhan at kaasaran. Ingay na ‘di masakit sa tainga, ingay na nagpapakat yata ng ngiti sa mukha ko. Ang daming kuwento, ang daming alaala na nabuo namin nang magkakasama.Maaaring maikuwento namin yun sa iba, o maulit kaya nang eksakto kung paano namin yun naalala, pero yung bawat pakiramdam na nakadikit sa bawat alaala na yun, mahirap nang ibalik. Napakasuwerte ng mga taong may masayang alaala kasama ang kaibigan niya. Napakadami niyang reserbang dahilan para ngumiti. Napakadami niyang pwedeng lingunin sa nakaraan, mga bagay na mas magbibigay tapang sa kanya sa susunod niyang hakbang. Para sa akin, pinakamahalagang alaala ng boarding house ko ang bawat tunog at ingay ng tawa at asaran naming magkakabarkada. Yun lang, sapat nang dahilan para pahalagahan ko ang parte na yun ng buhay ko.

May mga pagkakataon pa ding nadadaan ako sa eksaktong lugar na kinatatayuan ng boarding house namin. At sa tuwing dadaan ako doon, ‘di ko maiwasang mapangiti, lalo na pag nakikita ko yung tindahang binibilhan namin ng lutong ulam, o kinakainan naming ihawan. Bumibili pa din ako ng slurpee sa eksaktong Seven Eleven na binibilhan namin dati ng mga kabarkada ko. Ngayon kasi, madalang na kaming magkita, madalang na kaming makapag-usap. Meron sa kanila, may anak na at sariling pamilya. Ilan sa kanila, milya-milya na ang layo sa akin, at ‘di lang basta sa ibang bansa, mayroon pang nasa ibang continent. Ilan sa amin, nalalapit na din ang oras ng pangingibang–bansa. Pero sa pagkakataong may aalis, ‘di namin nalilimutang magkita-kita ulit, tumawa at yakapin ang isa sa mga kapatid na madadagdag sa napalayo na talaga sa amin.

Marahil, ganito talaga ang lakad ng mundo, may pagkakataong ilalayo niya sa iyo ang mga taong importante sa iyo. May mga taong sobra ang halaga sa iyo, na kahit na matagal kayong ‘di nagkita o nag-usap, walang kailangang salita o paliwanag, isang ngiti at tango lang pag muli kayong nagkita, balik ulit sa dating nakagawian. Mga taong hindi binibilang sa isip at pakiramdam ang salitang hiya at pagpapanggap. Mga taong parte ng kung sino ka, bahagi ng kabuuan mo bilang tao. Mga taong minsan ay nakasama, nakasabay tumawa at nakapalitan ng drama. Mga tao na naging takbuhan at kakampi, silang itinuring mo na pangalawang pamilya. Mga alaalang ikinulong mo sa isang salita, pagkakaibigan. Mga taong na mula noong una ay tinawag mong KABARKADA.”

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Mga-sulat-kamay 16 Articles
Hindi ko sasabihing ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto, pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. Gusto mong magbasa ng iba pa? http://www.facebook.com/mgasulatkamay O click lang sa FACEBOOK link... ^_^..