Yakap Kay Mama

“Kuya, may cancer si mama. Cancer daw sa baga. Tatlong buwan na niyang alam, pero inilihim nya…”

Yun ang balitang narinig ko dalawang buwan na ang nakakaraan. Balita na sumubok yata sa lahat ng katatagang mayroon ako. Kagagaling ko sa duty nun sa isang hospital dito sa Dubai, di pa ko nakakapagpalit ng uniporme, tumawag na yung kapatid ko, at nalaman ko ang pinakamasakit na yatang balitang narinig ko sa buong buhay ko.

Dali-dali akong tumawag kay mama pagkarinig ko ng balita, di ko mapigilang umiyak at sinabing uuwi agad ako. Pero nagalit pa siya, kaya naman daw niyang magpagamot kahit siya lang mag-isa, sinundan lang daw siya ng bunso namin kaya nalaman pa namin, pero wala na nga daw siyang balak ipaalam. Nagalit ako, at sinabing hindi biro ang sakit na cancer, lalo at sa baga pa. Tumawa pa siya, masyado daw akong nagiging advanced mag-isip. Idanahilan pa na nurse ako, at ako, higit sa dalawa kong kapatid ang nakakaalam na advanced na ang teknolohiya sa ganong sakit. Sinabi ko na nurse nga ako, kaya alam ko kung gaano kadelikado yung sakit nya.

Sa dulo ng pag-uusap, nanaig pa din ang kagustuhan nya, bilang ina ko, nagpailalim ako sa kagustuhan nya. Nagkasundo kaming tatapusin ko lang ang kontrata ko dito, pagkatapos ng dalawang buwan, uuwi kako ako sa ayaw at sa gusto nya. Pumayag naman siya.

Nakaraan ang dalawang buwan, at eto na nga ako, pagkatapos ng pagsisilbi sa banyagang bansa ng tatlong taon, muli akong aapak sa bayan kong kinalakihan. Ayaw ko mang tanggapin, alam kong malala na ang lagay ni mama. Magdadalawang linggo na daw silang nasa hospital sabi ng bunso namin. Ulila na kami sa ama, maaga siyang pumanaw at naiwan sa balikat ni mama ang pagbuhay sa tatlong nilang anak. Ginawa niya lahat para mapagtapos ako upang matulungan ko naman ang mga kapatid ko. Dakila si mama para sa akin, higit sa kanino man, ako ang nakakita sa lahat ng paghihirap nya, kung paano siya kumayod na parang kalabaw, kung paano siya mapahiya sa mga tao tuwing hindi sya makakabayad sa utang dahil kailangan niyang unahin ang tuition ko. Hindi biro mag-aral ng nursing, pero wala akong narinig kay mama kahit katiting.

Pag nakaharap siya sa amin, tatawa lang siya pag nababanggit ko yung tungkol sa kung paano kami maliitin ng taong pinagkakautangan namin. Mga salita tulad ng, masyado kasing mataas ang pangarap namin ni mama, mas bagay daw sa akin na mag-enroll na lang ng vocational course sa TESDA. Nagagalit si mama pag sinasabi ko sa kanya yun. Sabi nya, inaagawan na nila kami ng karapatang magsalita laban sa kanila, wag ko na daw hayaang agawin pa nila yung pangarap na meron ako. Pangarap daw ang magdidikta kung gaano kaluwang o kasikip yung mundong gagalawan ko sa hinaharap. Wag na lang daw namin pansinin, ganun daw siguro yung mundong ginagalawan namin ngayon, pag nangutang ka ng pera sa isang tao, obligadong lumugar ka ng mas mababa sa kanya. Magbibiro pa siya at sasabihing, “madaldal talaga yung tabatchoy na yun…”

Akala namin ok lang lahat kay mama, pero minsan nakita ko siya, hawak yung picture ni papa, umiiyak ng tahimik. Sa bawat patak ng luha ni mama nandun lahat ng sakit at hinanakit sa mundo. Sa bawat luha nya, nandun yung sakit na  bilang ina sa mga anak nya, na di niya kayang ipagtanggol sa mapagsamantalang mundong nakagisnan nila.

“Pate, nandito na tayo.” Masyado yatang napalalim ang pag-iisip ko at kinailangan pa kong tapikin ni Manong tricycle driver sa balikat. Sinundo ako ng kapatid ko sa airport, naiwan yung bunso namin sa hospital para kasama ni mama. Dumiretso kami sa bahay, nagbihis lang ako at nagpunta na sa hospital. Pinaiwanan ko na lang ang kapatid ko para siyang mag-ayos ng mga gamit ko. Sabik na sabik na ako na mayakap si mama. Ilang sandali pa, nakatayo na ko sa isang pribadong silid sa malaking hospital dito sa probinsya namin. Kumatok ako, ilang sandali lang, bumukas yung pinto. May bahid pagkagulat sa mukha ni bunso, marahil sa mahabang panahon na di ako nakita, parang nanigurado pa siya ng tinawag niya ako, maya-maya bigla siyang yumakap. Nasa loob din ng kwarto yung tiyahin ko, ate ni mama.

Hinanap ng mata ko ang tinuturing kong pinakamahalagang babae sa buhay ko. Natagpuan ko siyang nakapikit, habang may nakakabit na nasal cannula sa ilong niya na nakakonekta sa oxygen tank sa gawing kanan nya. Sa tabi ng oxygen tank, andun yung swero at isang bag ng dugo na kasalukuyang isinasalin kay mama. Napakalaki ng pinayat nya. Halos di ko siya makilala. Mabuti na lang at nandoon pa din sa mukha na yun ang maamong parte na hinuhugutan ko lagi ng lakas.

Tangkang gigisingin ni bunso si mama nang pinigil ko siya. Hayaan na kakong magpahinga, pero bilin daw ni mama na gisingin siya basta dumating ako. Hindi naman kako ako mawawala, at lalong wala naman akong ibang pupuntahan, gusto ko kakong makitang nagpapahinga lang si mama. Kinamusta ko si mama, napag-alaman kong kailangan niyang salinan ng tatlong bag ng dugo, masyadong pinapahirapan si mama ng chemotherapy. Awang-awa ako sa aking ina.

“A.. nak.. Kuya….” Tinatawag ako ni mama. Nasanay siyang kuya ang tawag sa akin. Lumapit ako sa kanya, pigil ang anumang papatak na luha sa mata ko. Ngumiti siya. “…wel… come… back…” pautal-utal man, naintindihan ko pa rin yung gusto niyang sabihin. Ngumiti ako at inakap siya. Pinagkanulo ako ng mata ko. Di ko napigilan tumulo yung luha ko, dahan-dahan niya inangat yung kamay papunta sa pisngi ko. Ng maabot nya, ay hinawakan ko ito. Iginiya niya ang mukha ko palapit sa kanya, at hinalikan niya ko sa noo. Hirap pa din siyang magsalita, sinabi niyang natutuwa siya at nakauwi na ako sa wakas.

Halo – halo ang nararamdaman ko ng panahon na yun. Nasaan na ang ngiti ni mama na madalas kong kainisan…mga ngiti na laging parang nanloloko? Lalo pag pinagtatawanan niya ko dahil umuuwi akong badtrip matapos mabasted ng nililigawan. Hindi ito ang ngiting nakalakihan ko. Ngiti na may bahid ng kagustuhang sumuko.

Nasaan na yung malakas at masigla niyang boses? Boses na kinaiinisan ko dahil sa panggigising niya sa akin sa umaga. Boses na ginagamit niya upang paulit-ulit akong tanungin at utusan. Boses na nagsermon sa akin ng mahabang panahon. Boses na ginamit niya para pagalitan ako. Boses din na naglambing sa akin at nagturo sa aking mabuhay. Boses na tumatawag sa akin ng kuya.

Nasan na ang sigla ng kamay nya? Kamay na ginamit niya ng minsang sampalin niya ako dahil nahuli niya akong nagbubulakbol sa bilyaran. Kamay na nag-iwan ng latay sa pisngi at nagpadugo sa labi ko. Nung araw na yun, tinuruan niya ako ng napakahalagang leksyon. Gusto ko ng huminto mag-aral dahil alam kong pareho lang kaming nahihirapan, siya sa pagtatrabaho, at ako dahil wala na akong magastos. Kaya naisipan kong tumambay na lang sa bilyaran. Pagkakita nya sa akin, sinampal niya ako habang umiiyak. Sinabi ko yung dahilan ko, pero sumagot siya at sinabing may magbabago ba sa sitwasyon kung itutuloy ko yung ginagawa ko? Inakap niya ko, at sinabi na tandaan ko, na kahit ano pang gawin ko, kakampi pa din niya ko, na lahat ng tao tatalikod sa akin, pero kahit kailan hindi niya magagawa. Sana daw maisip ko kung bakit ganun na lang ang galit niya sa pagsayang ko sa oportunidad na halos tumbasan na niya ng buhay nya para maibigay sa akin. Tama nga si mama, napakamakasarili ko nun.

Yung kamay na yun ang nanakit sa akin, pero yun din ang parehong kamay na tumapik sa balikat ko upang gisingin ako pag nakakatulog ako habang nagrereview nun kolehiyo. Kamay na nagplantsa ng uniporme ko, o katulong kong maglipat ng mahahabang notes sa notebook ko. Kamay na araw-araw gumagawa ng almusal na kinakain ko. Mga kamay at bisig na umakap sa akin dahil sa nabigo ako sa pag-ibig, kamay na umakap din sa akin dahil nakagraduate ako at nakapasa ng board. Mga kamay na nagpunas ng luha ko at gumugusot ng buhok ko para tumahan ako.

Nasan na ang kakulitan niyang sumama sa lakad ko? Ang regular niyang pagvovolunteer na samahan ako, sa pag-enroll sa kolehiyo, pagfile sa board exam, oath taking, sa pagkuha ng lisensya. Nasaan na yung lakas nya? Ngayon ko siya gustong bumangon at magvolunteer na samahan ako. Gusto ko siyang dalhin sa mga lugar na pinangarap lang nya nun. Kumain ng bawat pagkaing inisip lang niyang kainin dati. Magbakasyon sa magagandang lugar na naririnig lang niya. Gusto kong tumayo siya ng taas noo, dahil hindi siya nagkamaling mangarap para sa mga anak niya.

“Kuya… umuwi na tayo…” Inaasahan ko ng maririnig yun sa kanya, pero nakakagimbal pa ding marinig. “Mama, ano na naman to? Magpapagamot ka, dito ka lang sa hospital. Tapos ang usapan.”

“Anak, pagod na ko…. nahihirapan lang ako sa mga ginagawa nila… Mas gusto ko pa sa bahay.. Lalo at andyan ka na.. ayaw kong puro… sunog na itlog na luto ni bunso… ang kainin mo…”

Umiiling ako, wala na kong pakialam sa luhang tumutulo sa mata ko.

“Kuntento na ko… sa buhay ko… Wala akong pinanghihinayangan… Masaya akong aalis sa mundo… dahil nakita kong lumaki kayo…. lumaki kayo na kayang sumabay sa pag-ikot ng mundo… Buo na ang pasya ko… Pakiusap anak.. Umuwi na tayo…”

Ilang araw pa ang lumipas, naging linggo at buwan. Patuloy pa din ang chemotherapy ni mama kahit nasa bahay lang siya, at ako bilang nurse, ang naging karamay niya. Sa bawat pagsusuka ni mama, parang hinihila isa-isa yung buto ko palabas ng katawan ko. Wala na akong magawa para paginhawahin pa yung nararamdaman nya. Nagtatanong ako, eto lang ba ang kaya kong gawin para sa taong binigay ang lahat sa akin? Sa apat na taon kong pag-aaral ng kurso ko, bakit wala dun kung paano palakasin ang sarili sa pagharap sa mga ganitong sitwasyon? Bakit di ko matanggap na sapat na yun natutunan ko, sana mas tinuruan pa nila kaming magpaginhawa ng taong di deserve magdusa. Sana may iba pa kong kayang gawin para kay mama.

Dumating ang punto na sobra na ang sakit na nararamdaman niya, sa bawat pag-iyak niya, pagsigaw… sa bawat ubo niya ng dugo… nagsisimula akong magalit sa mundo… inuubusan niya ng buhay ang nag-iisang taong walang kondisyong nagmahal sa akin… Madaya ba talaga ang mundo..? Ganun ba siya kalupit?

Isang gabi, kinausap niya ulit ako. Tinanong niya kung magagalit ba ako sa kanya kung iiwan na nya kami. Walang abog akong sumagot ng oo at sinabing wag nyang sabihing mawawala na siya. Magpalakas kako siya dahil mamasyal kami, kakain ng lahat ng gusto, bibili ng lahat ng gamit na gusto nya.

Umiling si mama, at ngumiti. Hindi ko daw siya naintindihan. Sabi nya, pagtanda ng magulang, hindi obligasyon ng anak na ipasyal sila, ibili ng pagkain na gusto nila, o ibili ng mga bagong gamit. Hindi daw sya parang asawa na kailangang ligawan pa. Marami daw ang nagkakamali sa pag-iisip na ito ang kailangan ng tumatanda nilang magulang. Panahon, atensyon, kalinga at pagmamahal daw ang kailangan nila, higit sa lahat ay ang pagbibigay sa kanila ng tapang na harapin ang kamatayan. Sapat na daw na hawak ko ang kamay nya, mas masarap pa daw yun sa pinakamasarap na pagkain na maaring niyang matikman. Sapat na daw na akap ko siya, dahil takot man siya ipikit yung mata niya para magpahinga, alam daw niyang di siya lumisan sa mundo na mag-isa.

Sabi ko, madaya ang buhay, napakalupit kako nito. Umiling ulit si mama. Sabi nya,Hindi madaya ang buhay, nasasabi mo lang yan kapag masyado kang natatakot sa kamatayan. Wag kang matakot dito, mas matakot kang mamatay na di nasulit yung naibigay sa iyong buhay. Isinisilang tayo na may kanya-kanyang hawak na baraha, maaring mas maganda ang baraha nila kaysa sa’yo, pero hindi yun kasiguraduhan ng panalo nila o ng pagkatalo mo. Lahat ay nakabase sa paraan mo ng paglalaro. Maaring malupit nga ang mabuhay, kung hahanapin mo ang lahat ng wala sa’yo, kung gagawin mo lahat ng di mo kayang gawin, at kung lalabanan mong mag-isa lahat ng di mo kayang harapin ng mag-isa… Masarap mabuhay anak… Napatunayan ko yan ng makasama ko kayo…”

Nakiusap si mama na tanggapin ko ng maluwag sa loob ko ang mangyayari sa mga susunod na araw sa buhay ko. Sabi nya, “Sa pagpapanaw ng tao, nagpapagawa ng lapida yung mga mahal nya sa buhay, ginagawa nila yun bilang pag-alaala sa mahal nila. Nandon yung pangalan, at dalawang petsa, yung kapanganakan at pangalawa, yung petsa ng kamatayan. Pero alam mo ba kung ano ang nakakapagtaka? Hindi nila inilalagay dun yung pinakamahalagang dapat andun, ano yung parte na yun? Yun ay yung mga araw sa pagitan ng dalawang petsa… Anak, kontento na ko sa buhay ko. Masaya ko, naging mabuti kang anak at kapatid… proud ako sa’yo…”

Inakap ko ng mahigpit si mama. Sa pagtigil niyang magsalita, unti-unti kong nakita yung pagngiti nya. Dahan-dahan siyang pumikit, na parang nakahanda ng matulog at magpahinga. Habang nakapikit ako, pinapakiramdaman kong mabuti ang mahinang tibok ng puso niya, hanggang unti-unti na itong mawala sa pandinig ko. Sa pagtulo muli ng luha ko, nasambit ko na lang, “Sige mama, makakapagpahinga ka na…”

Photo credit: religion.blogs.cnn.com

© 2012, Filipino Nurses. All rights reserved. DISCLAIMER: The accuracy of all articles contained in this website are the responsibility of their respective authors. All articles are for informational purposes only and are NOT intended to replace the advice of a doctor. The owner of this site disclaims any liability for the decisions you make based on these information. If you have any health-related questions, please consult your physician. If you feel ill, please seek medical attention immediately.

Other posts you may be interested in:

About Filipino Nurses Community 216 Articles
This article was submitted by the Filipino Nurses community. All articles are views of their respective authors and not necessarily of Filipino Nurses'. All commentaries, letters or opinions submitted by the Filipino Nurses community are presented here unedited, except for formatting and minor typographical corrections.
  • ravio

    Sabi nga ng isang pelikula, “Maaaring magkaroon ka ng maraming anak, ngunit iisa lang ang iyong ina at ama.” Ayon kay Morrie, “in order to live, you need to know how to die.” It is probably easy to say not to be scared about death as it is natural. Probably what bothers people about death is the attachment to the people you have shared with. Death is inevitable and getting older is part of the process to ready us for something better to happen.

    Let us love one another as what Morrie always say, love one another or die. Love can move mountains because God is love.

  • Len

    Kaka touch..naiyak ako grabe…

  • Empress

    Aww nakakaiyak naman. I’m also a nursing student. i stopped 4 years ago and one of the reasons why i did ay nasa story n toh. bilang isang anak mahirap din makita ang magulang mong nahihirapan para sa tuition fee ung tipong baon n sila sa utang, kitang kita mo kung paano sila kumayod kalabaw parehas para lang sa’yo. kahit ngttyaga kang magpphoto copy ng libro ng classmates mo dahil wala kang pambili pero in the end ppalabasin k lang ng professor mo dahil wala k p din daw nabibiling books eh midterms n?? and halos di ka na makapag review s final exam dahil kkaisip kng pano mangyyari dahil di p bayad ang tuition fee mo and problemado ang parents mo. hindi mo naman sila masisi dahil alam mo ang situation niyo. plus this “Sabi nya, pagtanda ng magulang, hindi obligasyon ng anak na ipasyal sila, ibili ng pagkain na gusto nila, o ibili ng mga bagong gamit. Hindi daw sya parang asawa na kailangang ligawan pa. Marami daw ang nagkakamali sa pag-iisip na ito ang kailangan ng tumatanda nilang magulang. Panahon, atensyon, kalinga at pagmamahal daw ang kailangan nila, higit sa lahat ay ang pagbibigay sa kanila ng tapang na harapin ang kamatayan. Sapat na daw na hawak ko ang kamay nya, mas masarap pa daw yun sa pinakamasarap na pagkain na maaring niyang matikman. “

  • thess

    Naiyak ako promise….may anak din akong nurse….Napaisip din ako pagkatapos kong magbasa…Ganun din kaya ang pag-aalala at pag-aaruga na makukuha ko sa mga anak ko kung sa akin nangyari yun? Alam ko, mapagmahal ang mga anak ko…at tiyak kong hindi nila ako pababayaan. Thank you Lord for giving me a loving family.

  • maraming salamat robert sa di mo pagmamaramot ng iyong kwento, isa ako sa mga nabiyayaan ng mabubuting mga magulang. ang tatay at nanay ko ay katulad din ng nanay mo na nangarap, nagsikap, at nagtitiis ng madaming araw at pangungutya ngunit mas mahalaga sa kanila ang kinabukasan ng kanilang mga anak. kung hindi , una sa Diyos, at pangalawa sa kanila wala kami sa aming kinaroroonan ngayon at maaring tugatog ng aming mararating. sampung buhay man ay di sapat upang mabayaran namin ang kanilang pagpupunyagi na maiahon kami sa kinasasadlakan naming kahirapan. salamat uli sa iyo at kung saan ka man naroroon ngayon, pagpalain ka nawa ng ating Poong Maykapal.

  • jam

    Awww… It touches my heart so much… Naiyak aq while reading this.. Slightly nkarelate aq.. Good thing my mom is a survivor but I know how hard it is na mkitang mahirapan ang mahal m sa buhay. Bilang isang nurse., khit ganu kpa kagaling kapag mahal m n sa buhay ang may sakit prang ang hirap hirap tanggapin at gawin all the usual things we do for our patients in the hospital

  • Loids

    I envy you kasi nasa tabi ka ng mama month nung nawala sya. Dahil ako, hanggang ngayon hindi ko pa rin totally natatanggap na wala na ang Papa and Mama ko. Ang mama ko bed ridden sya ng 10 years bago mamatay(last year lang sya pumanaw) at nung pumanaw sya wala ako sa tabi nya, saka 1 week ko sya hindi natawagan dahil hindi nila sinabi na masama na pala ang sitwasyon nya. Pinaalam lang sakin nung critical na sya sa hospital. Nagmadali ako umuwi kasi gusto ko pa sya makausap dahil everytime na nakakausap ko sya sa telepono yun lagi ang sinasabi nya sa akin, umuwi na daw ako. Pero dahil sa kahirapan na kelangan ko mag trabaho para sa kanya, hindi ako nakakauwi lagi para bisitahin sya sa kahulangan ng pera. Post open head surgery ang Mama ko dahil sa aneurysm. Year 2000 nung naoperahan sya pero hindi sya gumaling sa therapy. Kaya 10 years sya na nakahiga lang, inaalagan.Naalagan ko lang sya ng mga 8 months from that ten years na paghihirap nya.dahil sa kelangan ko na mag work para sustentohan ang sitwasyon nya.ang papa ko ang katulong lang ang nag aalaga sa kanya nun. Pero yesterday (march 9 2012)4 years death anniv ng Papa ko. Sa hirap sa pag aalaga ng papa ko sa Mama ko, nagkasit din sya. Lung Cancer. Umuwi ako nung na hospita sya pero after ng 2 weeks nya sa pagamutan kelangan bumalik para mag trabaho. At this time doble na ang susustentuhan ko. 8 kaming magkakapatid. 3 na lang kami na single. Ako at ang 2 bunso namin. Pang 5th ako sa pamilya namin. Nag aaral pa nun ang bunso namin 5th year nya sa kolehiyo. Sa awa ng Diyos sya at at ang mga magulang ko ang biggest achievement ko kasi isa na sya ngayon engineer at wla man ako sa piling ng mga magulang ko nung nawala sila, sana sapat na ang mga sakripresyo ko sa kanila. Sa ngayon kasi kaya hindi ko pa natatanggap ang pagpanaw nila dahil masakit pa rin sa akin na nurse ako pero hindi ko man sila na alagan nung kelangan nila ako.sana sa pag uwi ko sa susunod na buwan makita ko ang daan na tanggapin na wala na silang dalawa.